CHAPTER 16

2K 16 2
                                    

MIA

October 31 ngayon at pinipilit ako ni Flyder na pumunta sa house party nina Kuya Kirst. Kailangan daw ay nand’on ako para ma-enjoy ko naman daw ang semestral break. Umoo na lang ako sa kanya sa text. Ano pa bang magagawa ko? Mapilit kasi si Flyder palagi, e.

Nagsinungaling na ako kay Aling Natalia at sinabi kong doon ako matutulog sa bahay nina Kelly mamayang gabi. Si Kuya Bok na driver namin ay sarkastikong nakangiti lang sa akin sa mga oras na ‘yon. Kahit na minsan lang kami nag-uusap ni Kuya Bok, palagi niya akong sinasalba sa mga pangyayaring kagaya nito.

Pula, dalandan, at lilang mga ulap ang nakikita ko habang naghihintay kay Flyder dito sa aming tagpuan. Mga labinlimang mga minuto na ako dito na nakaupo sa matigas na puno, tumutunganga sa kawalan, nag-iisip ng mga bagay-bagay na pampalipas lang ng oras. Tinignan ko ulit ang orasan ko. Magsi-six na pero wala pa siya. Bigla-bigla na lang ay napangiti na lamang ako. Hindi pa rin talaga nagbabago si Flynn, sabi ko sa sarili ko habang nakangisi.

Medyo natagalan pa nga bago nakarating si Flyder dito sa hintayan namin. Pinagalitan niya pa ako dahil daw maraming lamok na ang kumagat sa akin sa kahihintay. Binawi niya na lang ang ginawa niya nang hinalikan niya ako sa noo. “Tara na, alis na tayo!” Sabi niya.

Habang nasa sasakyan niya kami, hindi ko maiwasang malanghap ang amoy niyang kay bango. Ginamit niya ata ang pabangong binigay ko sa kanya isang linggo na ang nakaraan. Nagumiti ulit ako dahil dito.

“Alam mo, nahahalata ko nang palagi ka na lang nakangiti diyan. In-love ka ba?” Nakangisi niyang tanong sa akin. Kumindat pa siya pagkatapos nito na agad namang ikinawagwag ko ng ulo ko.

“Pwede.” Sagot ko sa kanya na siya namang ikinasaya niya. “Kilig much!” Sabi pa niya sa akin habang nakatingin sa daanan. Sabay kaming tumawa tapos.

Nang makarating kami sa bahay ni Kuya Kirst, nakita ko agad si Ed na may kasamang dalawang babae. Akala ko ba’y MU na sila ni Kelly tulad ng sinabi niya sa akin? Nagulat na lang ako nang nakita ko rin si Kelly sa hindi kalayuan sa kanya na umiirap. “Pst!” Sinenyasan ko siya na lumapit sa akin. Tulad ko, nagulat din siya.

“Uy, andito ka rin?” Tanong ko sa kanya.

“Hindi ka nananaginip, Mia. Teka, alam mo bang ikaw pa ang dinahilan ko kay Mama para lang makapunta ako dito?”

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya sa akin. “Hala! Ako nga rin eh.”

Tinawanan na lang namin ang ginawa namin para lang makapunta dito. Magkaibigan nga talaga kaming dalawa dahil pareho kami ng iniisip minsan.

“Halika na, Mia!” Nakangiting sabi ni Flyder sa akin. Umalis na ako sa tabi ni Kelly’t pumunta na rin siya kay Ed na kasa-kasama pa rin ang dalawang mga babae sa tabi niya.

Dahil Halloween Party ngayon, naisipan kong magbihis na parang 1930’s na babae. Si Flyder naman, na kakabihis lang, naisipang maging si Batman kahit na isang gabi lang daw. Tinawanan ko siya’t biniro. “Bakit nasa labas ang salawal mo?” Tanong ko sa kanya.

“Para makahinga siya.”Sagot niya naman sa akin bago siya tumawa. Nawawala na naman ang mga mabibilog niyang mga mata. Minsan may pagka-malibog din itong si Flyder kung kausap, e.

Maraming mga tao ang pumunta dito. Halatang maraming mga kaibigan si Kuya Kirst at medyo masikip na ang sala ng bahay niya. Yung iba, mga lasing pa. Nakita ko si Kuya Kirst na may kasamang babae na parang naiilang at tumatago sa likod niya. Ang tanging nasusulyapan ko lang ay ang kulay abong hibla ng kanyang buhok at ang sombrero niyang mahaba na kulay itim.  

“Ano bang tinatago mo, babe! Si Flyder lang ‘yan!” Sabi ni Kuya Kirst sa babaeng nasa likod niya na halatang girlfriend niya base sa tawag niya dito.

“Basta lang.” Maikling sagot ng babae. Hindi pa rin siya nagpapakita ng kanyang mukha sa amin. Sandali lang! Kilala ko ang boses na ‘yon, a!

“A-Ate?!” Nauutal kong tanong. Lumapit pa ako sa gilid ni Kuya Kirst para makita ang mukha niya…at tama nga ako! Si Ate nga!

Inunahan niya ako sa pagsumbat nang magsimula siyang magsalita. “Bakit ka nandito?! Nasaan si Kuya Bok?! Alam ba ito nina Mama?”

Ngiting aso lang ang binigay ko sa kanya bago ako sumagot sa mga sinasabi niya. “Ate, alam nga ba ito ni Mama?” Kumindat pa ako habang binibigyang-diin ang salitang Mama. Umurong na lang siya ulit at inirapan ako na siya namang ikinatawa ko. Sa kanya lang naman ako nagiging komportable na maging ganito— na maging kalog.

Nang tinignan ko sila Flyder at Kuya Kirst, nakita kong parang magkadikit na ang dalawa nilang kilay. “Babe, magkapatid kayo?!” Tanong ni Kuya Kirst kay Ate Mandy.

“Oh, yes! Siya ang sinasabi kong kapatid kong mahilig mahilig magbasa ng mga nakakalungkot na mga libro.” Sagot ni Ate Mandy na siya namang ikina-kunot ng noo ko habang tinitignan ko siya. Grabe, bulong ko sa sarili ko.

“Ate Mandy, nga pala, si Flyder, my…” Hindi pa ako nakatapos ng sasabihin ko nang pinutol ito ni Flyder nang nagsalita na siya. “  …friend.” Sabi niya. Nakangiti pa siya kay Ate Mandy habang binibigkas niya ang salitang ‘yon.”

Hindi ako nagtampo. Alam ko namang baka hindi pa niya kayang sabihin sa Ate ko ang tunay na ugnayan namin. Dadating at dadating din ang panahon na ‘yon sa tingin ko.

Dahil sa ayaw naming maging hadlang sa pagba-bond nina Ate at Kuya Kirst, lumayo-layo kami ni Flyder. Doon nakita namin sa sofa ang mga kaibigan niya. May mga nakasuot ng The Reaper, Michael Myers, James Dean, at iba pang hindi ko matukuy-tukoy. Si Kelly nga, isang basurera ngayong gabi, e. Hindi ko na lang siya tinanong kung bakit niya naisipang maging ganoon ngayon.

“Hi, mga pre!” Bati ni Flyder sa kanila. Agad naman nilang ibinaba ang mga beer na nasa mga kamay nila’t hinila si Flyder na umupo sa kanila. Dahil doon, heto ako’t hindi alam kung pupunta na ba kay Kelly o sisitahin siya dahil nakatayo lang ako dito sa harapan nila na walang ginagawa kung hindi ay tinititigan silang nakikipagtawanan.

Napansin din sa wakas ni Flyder ang pagkumpas kong nagsasabi na umalis na kami kaya bigla siyang tumayo’t hinawakan ang kamay ko. Nang tinanong siya ng mga kaibigan niya kung sino ako’t kaano-ano niya ako, alam ko nang hindi maganda ang kanyang isasagot.

Kaibigan. Na magkaibigan lang kami. Na kahit magda-dalawang buwan na na kami ay kaibigan pa din ang pagpapakilala niya sa akin.

Inisip ko na rin na hanggang kailan pa ba kami magiging ganito? Hanggang kailan pa ba niya ipagsisigawan ang relasyon namin? Alam kong bata pa kami, pero gusto ko rin kasi na maramdaman na ipinagmamalaki niya ako gaya ng pagmamalaki ko sa kanya.

********

FLYDER

Kanina pa malamig ang trato ni Mia sa akin. Hindi ko siya maintindihan dahil wala naman akong ginawang masama sa kanya. Ano kaya ang nakain ng babaeng ito? Mabuti na lang at mahal ko siya kaya kaya ko pang itolera ang mood swings niya.

“Babe, honey, sweetie, love…” Iniyugyog ko ang kamay niya para kausapin niya ako, pero hanggang ngayo’y diretso pa rin ang kanyang mukha sa daanan; walang gana, walang kibo.

“Hanggang kailan pa ba tayo maglilihim?” Tanong niya sa akin. Doon ko nalaman ang dahilan ng pagtatampo niya sa akin.

Huminga ako ng malalim bago ako nagsalita ulit. “Kung okay na ang lahat.”

Humarap na siya sa akin hinawakan ang mga balikat ko. “Kung okay na ang lahat? Ano ang ibig sabihin n’on?!” Ang boses niyang kay hina ay biglang naging agresibo. Nilagay ko ang kanang kamay ko sa noo ko’t nagsabi na lang ng, “Basta lang.” Mas lalo siyang nainis sa sinabi ko at binilisan ang lakad niya papunta sa madilim na parte ng subdivision nina Kirst.

Dahil sa hindi ko nga kayang sabihin sa kanya lahat-lahat bunga ng hindi pa ako handa, lumapit na lang ako sa kanya’t ginapos siya galing sa likod gaya dati nang maging kami. “Sasabihin ko sa’yo kapag handa na ako. Peksman!”

Biglang tumigil ang mundo ko nang ikinuha niya ang kapit ko sa kanya’t humarap siya sa akin. Hindi ko namalayang umiiyak na pala siya. “Pangako?” Tanong niya.

“Pangako.” Sabi ko bago ako nagtanim ng halik sa labi niya.

His Unofficial Girlfriend [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon