CHAPTER 32

1.3K 13 1
                                    

FLYDER

Dalawang taon na ang nakalipas nang iniwan niya ako. Ni isang pagpaparamdam, wala akong natanggap. Masakit, pero sa kabutihan naman daw ito, ika niya sa akin.

Ang hindi niya alam, kada mag-a-apat na buwan ay pinupuntahan ko siya sa kanilang bahay sa hilaga. Si Kelly ang nagbigay ng address niya sa akin dahil daw naa-awa na ito sa gawi kong palaging balisa at nakatingin lang sa wala noong araw. Malaki ang pagpapasalamat ko sa kasintahan ni Ed matapos ang ginawa niyang tulong.

 Kahit na hindi niya alam na nandoon lang ako sa madistansyang lugar kung saan siya, masaya na ako na nakikita ko ang mukha niya. Ang maamo niyang mukha na parang dinisenyo ng isang mangsisining; ang maamo niyang mukha na parang hindi makabasag ng muwebles o baso man lamang.

Masaya na ako na nakikita ko siya. Gan’on, alam ko ang kalagayan niya. Ni kahit ang blog niya kasi ay hindi na niya sinusulatan, e.

*************

Pang-anim ko na itong balik sa Taiwan sa ngayon. At sa puntong ito, handa na akong magpakita sa kanya’t kausapin siya . . . kahit man na ayaw sa akin ng pamilya niya gaya ng pag-aakala ko.

Sa isang bench, sa labas ng kanyang bahay, doon siya nakaupo. Tumitingin lang siya sa kalangitan at tinitignan ang mga ibong lumilipad sa ere. Nakita kong ngumiti siya nang saglit, pero binawi rin niya kaagad ito nang malayo na sa paningin niya ang mga ito.

Tumayo lang ako sa tabi ng malaking puno na ito. Ito ang eksaktong imahe ng puno sa tagpuan namin noon. May naramdaman akong kaunting kirot sa aking dibdib nang maalala ko ito. Nakikita niya rin kaya ito gaya nang nakikita ko? Nalimutan na niya kaya ako kung ako’y hindi pa handa?

Si Mia lang ang makakasagot nang lahat-lahat ng mga ito. At kahit na masakit man na sabihin niya na hindi niya na ako mahal salungat sa nararamdaman ko, tatanggapin ko ito.

“Mia,” sabi ko sa kanya. Kumakabog-kabog ang dibdib ko sa takot na baka ipagtauyan niya ako. Ni hindi ako gumagalaw sa kinatatayuan ko. Nakangiti lang ako sa kanya dito at naghihintay sa sagot niya.

Tumingin siya sa kinaroroonan ko’t nakita kong bigla siyang napa-urong. “Anong ginagawa mo rito?” bulong niya bago siya tumalikod para alamin kung may tao ba na nakabantay sa kanya o wala (sa pagkaka-intindi ko). Matapos niyang makita na wala, lumapit siya sa akin.

Si Mia na mahinhin ay naging mahina. Ang kanyang mga galaw ay ibang-iba sa dating siya. Nang magkalapit kaming dalawa, nakita ko pang naging mukha siyang matamlay.

“Flyder, bakit mo nalaman ang bahay namin dito?”

Ngumiti ako. “May mga taong tumulong sa akin.”

Nakita kong ngumisi rin siya, pero panandalian lang ito.

“Hindi ka ba galit sa akin?” tanong ko sa kanya.

“Bakit naman ako magagalit sa’yo?” Parang ang lahat ng mga dugo ko ay pumunta sa ulo ko’t namula ako sa sinagot niya. Uminit ang buong mukha ko nang malaman kong maayos pala ang lahat-lahat sa aming dalawa.

“Wala lang. Baka kasi-,” pinatigil niya ako sa aking sasabihin.

“Seesh! Hindi ako ang taong nagagalit, alam mo iyan,” tumawa siya. Hindi maipagkait na mahinang-mahina na nga siya simula nang huli naming pag-uusap. Maputla siya’t hindi na gaya ng dati ang mga mata niya’t bibig.

“Kumusta ka na?” Kinagat niya ang kanyang labi at sumagot sa akin na okay naman daw siya.

“Hindi ako naniniwala.”

“E ‘di huwag kang maniwala,” nakangisi niyang sabi sa akin. “Pero ang totoo, may sasabihin talaga ako sa’yo.”

Inilapit ko ang ulo ko sa kanya’t nagsalita ulit ako. “Ano iyon?”

“Tatlong buwan na lang daw sabi ng doktor ang ilalagi ko sa mundong ito.”

Lumaki ang mga mata ko sa narinig ko. “Mia!”

“Hindi ako nagbibiro.”

“ Mia!”

“Flyder, hindi. Ako. Nagbibiro.”

Ni isang hint na tatawa siya ay wala. Malamang totoo nga ang kanyang mga sinasabi. Pinilit ko ang huwag umiyak sa harap niya kasi alam kong ayaw niyang ka-awaan ko siya. Pinilit ko ang sarili ko na huwag magpakita nang emosyon kasi alam kong sasama ang loob niya sa  akin kung iiyak ako o mag-mura.

“Tatlong buwan,” sabi ko sa normal kong tono.

“Tatlong buwan,” sagot niya sa akin.

Huminga ako nang malalim at tinulungan siya para makaupo sa damuhan dito sa malaking puno. “Bakit hindi ka na nagpaparamdam sa akin?”

“Kailangan ko nang walang closure kahit na isa man sa inyo sa Pilipinas. Kailangan kong magpapakatatag para maging handa ako sa oras nang kamatayan ko.” Kada isang salitang kanyang binibigkas ay parang karayom na tumutusok-tusok sa akin. Ang mas nakakasakit pa ay parang wala lang siyang nararamdaman habang siya’y nagsasalita sa gilid ko.

“Pero alam kong hindi ko kaya. Tignan mo at nag-uusap tayo ngayon,” Ngumiti ako sa sinabi niya. “Nakakabanas ka, Flyder!” Tumawa siya.

“Mia, alam mo namang andito lang ako kung kailangan mo ako, hindi ba?”

“Huwag mo akong pa-asahin, puwede?”

Tinitigan ko siya nang mahigpit. “Hindi kita pinapa-asa, Mia. Sinasabi ko lang ang katotohanan na kahit kailan, kahit na matupi man ang kalsadang ito o maging berde ang mga ulap sa kalangitan, ay andito lang ako.

Tumulo ang mga luha niya sa kanyang mga mata habang nakatingin sa akin at sumagot siya ng, “Tama na.”

Doon ko nalaman na kung ano man ang kanyang gusto, iyon ay para rin sa kanya. Tulad ng sabi niya, tumigil na ako sa aking pagsasalita at gusto pang sasabihin sana.

Iniba ko ang topiko. “Kumusta sila Ate Mandy at mga magulang mo?”

“Si Papa, namaalam na isang taon na ang nakalipas. Si Ate, ayun at uuwi ng Pilipinas siguro kapag wala na ako. Si Mama, takot na takot na pag-piyestahan ng mga tao kaya dito lang talaga siya.”

“Bakit ganyan ka magsalita?”

“Kasi ayoko nang itago ang gusto kong sabihin. Ayoko nang dagdagan pa ng mga nakakalulang mga bagay-bagay na magpapaganda ng hinanaing ko kung hindi naman talaga ito ang gusto kong sabihin.”

Tumango lang ako sa kanya habang siya’y nagsasalita. Ibang-iba na nga si Mia sa dalawang taon na hindi kami nagkikita.

“Mia?”

“Hm?”

“Mahal mo pa ba ako?”

Ngumiti siya. “Oo naman. Pero iniiwasan ko. Gusto mo bang multuhin kita balang araw sa dahilan na nami-miss kita?” Tumawa siya nang mahina’t pinalo ang braso ko.

“Basta kahit na anong mangyari, andito lang ako, ha?”

“Sige, kung iyan ang sinabi mo.”

********************

Simula nang araw na iyon, bumalik ulit ang pagiging okay ng relasyon namin ni Mia. Pinili kong gawing habit ang pagpunta sa Taiwan dalawang beses sa isang buwan para makita ang kalagayan niya. Hindi man alam nina Ed o Kelly kung kumusta na si Mia ngayon dahi iyon ang sabi nito sa akin, nagbibigay naman ako ng mga kaunting bagay na magpapa-alam sa kanila sa kalagayan nito.

His Unofficial Girlfriend [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon