CHAPTER 20

2.1K 19 1
                                    

 MIA

Simula nang ipagbunyag ni Flyder ang relasyon namin sa publiko, marami nang mga tao ang nakakakilala sa akin. Ang iba pa nga, nangungutya tuwing Chemistry class namin. Meron din akong mga naririnig na kaya raw naging kami ni Flyder kasi naggagamitan lang kaming dalawa. Siya, dahil anak ako ng isang beauty queen, at ako naman, dahil gwapo siya’t sikat dito sa paaralan namin. Hindi ko naman pinapansin ang mga naririnig kong mga negatibong opinyon galing sa kanila.

Andito kami ngayon para sa lamay ng ama ni Flyder. Kahit na anong tago ko, hindi ko pa rin maiwasan ang mapaluha sa nangyayari lalong-lalo na’t walang ibang ginawa si Flyder kanina pa kung hindi ay humikbi.

Napansin ko rin na parang walang pakialam ang ina niya sa nangyayari ngayon. Wala siyang emosyon hindi katulad ng dalawa niyang mga anak. May problema siguro silang mag-asawa nang nabubuhay pa ang ama niya.

Nagpagabi ako para tulungan sina Flyder sa mga bisita. Maraming mga tao ang nakiramay, mula sa mga kaibigan ng ama niya hanggang sa mga asawa ng kapwa niyang mga bilanggo. “Umuwi ka na. Kaya ko na ‘to,” bulong ni Flyder sa akin habang nakasandal ang ulo niya sa balikat ko. Magang-maga pa rin ang mga mata niya. Ang lamig ng pakikitungo niya sa lahat ng tao ngayon na matatanggap ko naman.

Tumango na lang ako’t hinalikan siya sa noo. “Bukas ba, pupunta ka sa Christmas party natin?”

Sumagot siya ng hindi at ngumiti ng pilit. Hinawakan ko na lamang ang likuran ng ulo niya’t nagpaalam na.

*********

Kinabukasan ay hindi na rin ako pumunta sa Christmas party namin. Mababagot lang naman ako doon dahil wala akong masyadong kakilala at wala rin kasi siya doon. Bagkus, pumunta ako sa party nina Kelly dahil sa pagpupumilit niya sa akin.

Nalaman kong may boyfriend pala si Kelly na Conor nang magkita sila sa corridor. Kahit na sila nga gaya ng sabi nila, parang nai-ilang pa rin ang lalaki sa kanya. Parang si Kelly lang ang sweet at ang lalaki nama’y nakikisabay lang sa kanya.

Nagmasid-masid ako sa paligid. Ang ganda rin pala ng pinapasukan ni Kelly. Ang presko ng amoy ng hangin at maraming orchids ang nakapaligid dito, maging ang mga ito ay kulay lila man, dilaw, o naghalong parang leon ang hitsura.

Nakaupo lang ako sa gazebo na malapit sa gymnasium nila habang ninanamnam ang lasa ng binili kong cotton candy. Nakatitig lang ako sa mag-asawang nagsusubuan ng kanya-kanya nilang mga hotdog habang nagtitinda ng parehong pagkain. Bigla-bigla ay napaisip ako, “Ganyan din ba kami ni Flyder kapag matanda na kami?” Pwedeng oo, pwede ring hindi. Pero buong-loob kong sinabing oo sa likod ng isipan ko.

Hindi kalauna’y nagparamdam din siya sa text. Mag-iisang linggo nang hindi nagte-text si Flyder sa akin kaya biglang naging mabilis ang pintig ng puso ko nang makita ko ang pangalan niya sa screen ng cell phone ko na parang unang beses lang niya ginawa ito.

From Flyder: Andito ako sa tagpuan natin, Mia! Punta ka dito, please? 

Napangiti ako’t tumayo na sa kinauupuan ko at pumunta ulit sa corridor kung saan sina Kelly. Nagpaalam na ako sa kanilang dalawa at tumakbo na papalabas ng paaralan niya. Agad akong nagpara ng taxi at pumunta sa lugar kung saan si Flyder naghihintay. Sa tagong lugar na maraming mga matataas na puno’t mga mababerdeng halaman na nakapaligid.

Pagkarating ko sa punong aming sinisilungan at inu-upuan sa tuwing andito kami, nakita ko agad ang mukha niya habang siya’y nakatingin sa malayo.

“Flyder!” Bati ko sa kanya. Agad siyang tumingin sa akin at ngumiti. Iba sa ngiting pilit at halatang totoo ang ngiting pinapakita niya. “Mia…”

His Unofficial Girlfriend [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon