"Akala ko ba KTV pupuntahan natin?" Tanong ko sa mga kaibigan ko nang maramdaman ko na kung saan kami pupunta ngayong gabi.
Normal lang naman sa aming magpunta sa inuman pagkatapos ng klase ngunit hindi kasi ako pwede maglasing ngayon dahil sa dami ng mga dapat ko pang gawin pagkauwi ng dorm.
"May karaoke diyan. Libre pa!" Sagot ni Maureen sa akin habang binibida ang lugar. This is also one of the reasons why we love going to this place so much kahit pa mas mahabang lakaran ito kumpara sa mga pwede pa naming pag-inuman around the area.
"Mga bakla kayo! Hindi ako iinom, ah? Mag-aaral pa ako pagkauwi." Pagpapaalala ko sa kanila ng sinabi ko kanina noong nasa klase pa kami.
"May training at game pa 'yan bukas kaya hindi talaga pwedeng magwalwal ngayon." Pagsuporta ni Wendell sa akin dahil alam niyang pipilitin pa ako ng mga kaibigan namin.
"Ang korni naman." Biro ni Aya kaya dinilaan ko ito dahil alam kong kahit pilitin pa nila ako, sasaluhin ako ni Del mamaya.
Pumasok na kami sa loob at naabutan doon ang iba't-ibang estudyanteng nag-iinuman na habang may isang kumakanta.
Sa dulo na lang ang available na table kaya't dumiretso na lang kami doon at nabigla kami nang ilapag ni Wendell ang song book sa table namin pagkapwestong-pagkapwesto pa lang namin.
"Ang bilis mo namang mang-agaw." Natatawang biro ni Aya dito.
"I'm Mr. Speed." Pagsakay nito sa biro ni Aya.
"Guys, pili na agad kayo ng limang songs para mabigay na natin 'yung song book sa ibang table." Bilin ni Maureen kaya naman kinuha ko na agad ang song book at hinanap ang kantang lagi kong kinakanta kapag nasa karaoke kami.
Before You Go - Lewis Capaldi
Nang makapili ako ng kanta ay sakto namang dumating na ang tower na pinili nila Maureen.
"Bakla kayo! Bakit tower binili niyo? Hindi talaga ako iinom gagsti." Magkahalong reklamo at paalala ko sa kanila dahil kailangan ko talagang mag-aral mamaya dahil sunod-sunod na ang laban namin sa volleyball sa mga susunod pang mga araw.
"Isa lang! Korni mo." Pilit ni pangungumbinsi ni Maureen sa akin.
"'Yang isa na 'yan, mamaya lima na." Kontra ko rito. "Mag-aambag na lang ako pero kayo na lang uminom. Kantahan ko na lang kayo." Pagpiprisinta ko upang hindi na nila ako pilitin pa at mukhang tumalab naman dahil hindi na nga nila ako pinilit na uminom. Maya-maya pa ay inabot na sa table namin ang mic dahil mga kanta na namin ang kasunod.
"Ladies and gentleman, Sam Gregorio!" Sigaw ni Del kaya't hindi ko naiwasang mahiya nang magtawanan ang mga tao at magpalakpakan upang sumakay sa trip niyang iyon.
Inabot niya na sa akin ang mic ngunit bago ako kumanta ay hinampas ko muna siya dahil sa kalokohan niya.
"Pasensya na po kayo sa kaibigan namin. Hindi pa nag-iinom pero mukha nang lasing." Sabi ko gamit ang microphone kaya't muling nagtawanan ang mga tao.
"Accountancy represent!" Pagbawi niyang muli bago ko simulan ang kanta kaya't napailing na lang ako.
Pagkatapos kong kumanta ay dumating na ang order naming tapsilog kaya't kakain na sana ako ngunit pinigilan ako ni Aya.
"Sabi mo kakantahan mo kami. Sa 'yo lahat 'yan." Nanlaki ang mga mata ko nang sabihin niya iyon.
"Hindi naman ako na-inform na concert ko pala ngayong gabi." Biro ko sa lahat habang nakamic kaya't muli silang nagtawanan.
"Kunwari aarte pa pero bet naman niya." Sabi ni Maureen saka tumagay.
Ang susunod na kanta ay Someday ni Nina.
"Sino namang nananakit na naglagay nito dito?" Tanong ko sa mga kaibigan ko.
"Siyempre dapat laging kinakanta 'yan sa videoke." Sagot naman ni Aya kaya doon ko nakumpirmang siya ang naglagay noon.
Nang simulan ko na ang kanta ay hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot dahil muli ay naalala ko ang isang taong hindi ko naman na dapat pang maalala.
We were happy. Caring siya sa akin kaya akala ko, I'm special for him. Hindi naman pala.
Pagkatapos ng kanta ay namalayan ko na lang na medyo maluha-luha na ang mga mata ko.