Malapit na ang midterms kaya't araw-araw pa rin akong nag-aaral sa library kahit tapos na ang mga training namin. Balik na rin ako sa Music section ng library kaya't lagi kong nakikita si Justin gaya na lang ngayon.
"Hindi mo pa rin ako inaaccept sa Facebook, ah." Bungad nito bago ilapag ang mga gamit sa harap ko. May dala siyang gitara ngayon kaya't paniguradong mag-eensayo siya para sa performance nila.
"Inadd mo ako? Hindi naman ako active doon." Sagot ko rito. Messenger lang madalas ang binubuksan kong app dahil sa mga kaibigan ko at para na rin sa mga handouts na sinesend sa group.
"Sa sobrang focused mo sa pag-aaral, kahit Facebook hindi mo na ginagamit?" Namamangha nitong tanong sa akin. "Sobrang bihira lang ako makakilala ng taong hindi nagfeFacebook."
"Distraction lang naman kasi 'yan. Baka masanay akong magkutingting tapos mamamalayan ko na wala na pala akong oras sa pag-aaral kakatambay sa Facebook." Paliwanag ko rito.
"Sobrang career-oriented mo, 'no? Wala pa man, feel ko nang malayo mararating mo sa attitude mong ganyan. Kasi kung ako, mababaliw yata ako kapag nagseryoso ako to that extent." Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niyang iyon.
"Baliw talaga? Alam mo, mindset lang 'yan. If you think that you can, then you will." Gaya ng lagi kong sinasabi, it's all in the mind. Kapag hinayaan mo ang sarili mong isiping hindi mo kaya, paniguradong hindi mo nga kakayanin. "Akala ko okay na 'yung areglo niyo? Bakit ka may dalang gitara ngayon?" Pag-iiba ko ng usapan namin.
"Try kong tugtugin 'yung iba pa naming nakalineup." Paliwanag nito. "Alam mo 'yung Before You Go, 'di ba?" Nang tanungin niya 'yon ay hindi ko napigilang mapalakas ang boses ko.
"Fave!" Agad naman akong pinigilan ni Justin dahil baka mapagalitan kami dahil sa pag-iingay. "Sorry. Carried away." Nahihiya kong paliwanag dito.
Tumawa ito nang bahagya bago nilabas ang gitara niya. "Tinataas mo key kapag kinakanta mo, 'di ba?" Ako naman ang namangha ngayon dahil kahit iyon pala'y napapansin niya kapag nasa Spotlight kami.
"Ang talas ng tenga mo, ah." Hindi makapaniwalang sabi ko rito.
"Tinutugtog ko rin kasi so napansin kong hindi original key 'yung sinusundan mo kapag kumakanta ka." Paliwanag niya.
"Hindi naman always. Sobrang baba lang kasi talaga ng key niyang kantang 'yan so madalas magflat kapag original key sinundan ko." Depensa ko naman mula sa sinabi niyang iyon.
"Pero kapag Sam Smith songs, ang ganda ng low notes mo, ah." Pansin nito. Ewan ko ba. Hindi rin kasi talaga consistent ang boses ko kaya't hindi ko talaga alam bakit galing na galing sa akin 'tong taong 'to.
"Baka depende sa song. Hindi ko rin alam, eh." Pag-amin ko dito.
"Try kong tugtugin 'yung Before You Go pero higher key. Aral ka na diyan. Masyado na kitang nadadaldal." Sabi nito sabay tawa nang mapansin niyang napahinto na ako sa pag-aaral simula dumating siya. Sa totoo lang, tapos naman na ako talagang mag-aral. I just don't want to settle for less kaya kahit naaral ko na, pinipilit ko pa rin ang sarili kong aralin ulit upang tumatak talaga sa utak ko.
Binalikan ko ang binabasa ko kanina bago siya dumating habang siya nama'y tumutugtog ng gitara ngayon. Imbis na makafocus sa inaaral ay mas natuon ang atensiyon ko sa tinutugtog niya ngayon at kinakanta sa isip ko ang kanta gamit ang key na ginagawa niya.
Nang matapos siyang tumugtog ay napangiti ako dito dahil sobrang sakto sa ginagawa ko ang key na ginamit niya.
"Ganyang key sana talaga gusto kong kantahin. Ang galing mo!" Puri ko rito at napalakas na naman ang boses ko kaya't tinawanan ako nito habang nakayuko ako't nahihiya sa ginawa ko.