Nakagapos na ang kamay at paa ng lalake sa may puno. Nagpupumiglas parin siya at nagsisigaw na pakawalan siya. Habang ang mga katribo naman ay abala sa paghalungkay sa bag niya.
"Ang ganda ng mga damit niya." sabi ng mga katribo kong nakakuha ng mga damit sa bag at sinusukat nila ito.
"Ang bango." manghang sabi ni Lito habang iniisprayan niya ang kanyang sarili ng pabangong nakuha niya sa bag ng lalake.
"Kung isangla ko kaya 'to." sabi ni Baron sa sinusuri niyang kwentas na kinuha niya sa leeg ng lalake.
"Ano 'to?" takang tanong ni Esang habang iwinawasiwas ang isang bagay.
"Patingin nga." sabi ni Aida sabay agaw sa hawak ni Esang.
"Trust condom." kunot noong basa niya. Pati ako napaisip din kung ano ang bagay na 'yun.
Napalingon ako sa lalakeng bihag na matalim ang tingin sakin at umiigting ang panga. Napatingin ako sa katawan niyang inalisan ng damit. Ang ganda ng pagkakahubog nito. Binalik ko ang tingin sa mukha niya. Sa kabila ng madilim na itsura niya ay makikita ang pungay ng kanyang mga mata. Matangos ang ilong niya at mapupula ang labi. Ang tangkad niya na hanggang balikat niya lang ako. Hindi ko maiwasang mamangha sa taglay niyang gandang lalake. Sayang nga lang dahil siya ang i-aahin kay bathala. Dudukutin ang kanyang mapupungay na mga mata at sasaksakin ng punyal ang magandang hubog ng kanyang dibdib.
Napalingon ako sa unggoy na nasa kanang balikat ko na si Mire. Nababasa ko sa sinasabi niya na nagbubunyi siya na may iaalay na kami.
"Sa oras na makawala ako dito, tandaan niyo! Lahat kayo magmamakaawa sakin." banta niya. Gumapang ang kaba sa dibdib ko sa pagbabanta niya. Anong gagawin niya? Papatayin kami?
Nangamba tuloy ako hanggang sumapit na ang gabi. Pinagtipon-tipon kami upang maplano na ang gagawin sa lalake.
"Sa ikalawang linggo magaganap ang eklipse, sa oras na magtakip ang buwan sa araw ay isasagawa natin ang ritwal kay Bathala." sabi ni Ama.
"Pakainin naman natin ang lalake baka hindi siya umabot sa araw ng eklipse." sabi ni Lando na siyang kanang kamay nila Ina at Ama.
"Oo, kailangan natin siyang busugin upang biyayaan tayo ng Bathala ng masaganang ani." sabi ni Ina.
"Gumawa din tayo ng matibay na kulungan, hindi 'yung nakagapos lang siya sa puno." sabi naman ng isang katribo.
Matapos ang pagpupulong ay nagkaroon ng pasasalamat. Umalingawngaw ang tunog ng tambol at nagsasayaw ang mga katribo na pinaggigitnaan ang apoy.
"Halika, Thalia, sumayaw tayo." anyaya sakin ni Baron. Kaedad ko lamang siya at may lihim na pagtingin sakin. Gusto niya raw akong ligawan pero hindi ako pumayag.
Wala akong nagawa kundi magpatianod na lang sa kaniya. Umiikot ang mga nagsasayaw sa apoy. Nakisabay nalang ako sa indayog ng musika. Ginagalaw ko ang aking balakang at tinataas ang kamay. Nahagip ng mga mata ko ang lalakeng bihag na nakatali sa puno. Madilim ang itsura niya habang pinapanood kami. Nagtama ang aming mga mata. Ngumisi siya ng sarkastiko.
Hindi nagtagal ay napagod na ako sa pagsasayaw. Hinanap ko si Mire, baka nasa taas ng puno. Tinawag naman ako ni Ina at inutusang pakainin ang lalakeng bihag. Pritong isda at kanin ang laman ng plato at isang basong tubig.
Habang papalapit ako sa lalaking bihag ay nakaramdam ako ng kaba saking dibdib at dumoble ito ng tuluyan na akong nakalapit sa kaniya.
"Kumain ka." nasambit ko na lamang.
Isusubo ko na ang pagkain nang tinabig niya ito ng kanyang mukha.
"Hindi ako kumakain ng tira-tira." mariing sabi niya.
"Hindi ito tira-tira." giit ko.
"Sige na, kumain ka na, magugutom--" pinutol niya ang sasabihin ko.
"Papatayin niyo ako diba? Ba't pinapakain niyo pa ako?" galit na sabi niya.
Nagulat ako nang lumapit ang kanyang mukha sa mukha ko.
"Pero hindi ako makakapayag na ako ang unang mamamatay dahil pamilya mo ang mauuna, papatayin ko kayong mga hayop kayo sa oras na makatakas ako." mariin niyang sabi.
Sumiklab ang kaba ko.
Sa takot ko ay nabitawan ko ang pagkain at tinalikuran na siya.
Nagtaka si Ina nang makalapit na ako sa kaniya habang nanonood siya ng mga sumasayaw na katribo.
"Oh, anak, kumain ba siya?" takang tanong niya.
Umiling ako. "Ayaw niyang kumain."
"Edi wag! Siya naman ang magugutom." sambit niya habang abala na siya sa pag nganga.
"Mamamatay naman siya sa gutom."
Bumuntong hininga naman siya, parang problemado.
Hindi nagtagal ay natapos na ang sayawan. Habang nakahiga ako sa katre, hindi ko maiwasang isipin yung lalakeng bihag. Namulat ako sa tribong ito na sa tuwing darating ang eklipse ay minsan babae o kaya bata ang nagiging pain kay Bathala. Ngayon, isang lalake naman. Ngayon lang ako nangamba na baka makatakas ito, mukhang malakas pa naman siya na makakayanan niyang labanan ang buong tribo.
Nagising ako kinaumagahan sa atungal ni Mire. Tiyak na nagugutom na ang unggoy na 'to. Kumuha ako ng saging sa basket at binalatan 'yon.
"Ganito ang pagbalat ah." turo ko kay Mire. Inagaw niya ito nang mabalatan ko na.
Binuksan ko ang bintana at tinanaw ang lalakeng bihag sa malayo na nakatali sa puno. Tiyak na nilamig siya at kinagat ng mga insekto. Nakaramdam naman ako ng awa sa lalake. Paano kase siya napunta sa lugar na ito?
Lumabas na ako para umigib nang inagaw ni Baron ang baldeng hawak ko.
"Ako na ang mag iigib para sayo." aniya.
"Ang sugid naman ng manliligaw mo, Thalia." sabi ni Lito na nagtatabacco at sinusuri ang kanyang manok.
Sumunod na lang ako kay Baron patungong balon. Nadaanan namin ang mga katribong abala sa kanilang mga gawain. May mga nagbuburdang babae tulad ni Esang na makahulugan ang tingin samin ni Baron. May mga patungo na sa taniman at may mga lalakeng gumagawa ng kawayang kulungan.
Nang makalapit na kami sa balon, tiningnan ko ang lalakeng bihag malapit rito. Nakayuko ang kanyang ulo, tulog yata.
"Siguro mayaman ang lalakeng 'yan, kung hingan na lang kaya natin ng pera." sabi ni Baron habang hinihila na ang baldeng may laman ng tubig sa balon.
"Edi... maghahanap tayo ng bagong pain?" tanong ko habang pinagmamasdan ang bihag.
"Oo."
Sa tingin ko, hindi papayag sila ama sa suhestyon ni Baron. Paninindigan nilang itong lalake na ang i-alay kay Bathala.
Nagulat ako nang tumingala na ang lalakeng bihag at nagtama ang mga mata namin. Pulang-pula ang kanyang mata at pansin kong maraming pantal ang kanyang katawan dahil sa kagat ng mga insekto.
"Halika na." anyaya ni Baron habang buhat-buhat na ang balde na may lamang tubig. Umiwas ako ng tingin sa lalake at tumalikod na.
"Ginagalit ako ng bihag! Ayaw niyang kumain." inis na sabi ni Ina nang pumasok siya ng bahay. Padabog niyang nilapag sa mesa ang platong may lamang pagkain. Ako sana ang inuutusan niyang pakainin ang bihag pero sinabi kong hindi ko ito mapilit kaya siya na lang magpakain.
"Takutin natin siya. Bunutin ang ngipin kung ayaw kumain, o kaya tanggalin ang kuko isa-isa, o kaya patuluan ng tunaw na kandila ang katawan o kaya naman--" nag isip pa si Ina ng solusyon.
"Ahh, alam ko na. Putulin ang bagay na mahalaga sa kanya." wika ni Ina.
***
To be continued.....