Nang makalayo-layo na kami sa tribo ay tila lumuwag na ang pagkakasakal niya sakin. Tumingala ako. Lalong dumilim ang paligid nang matakpan na ng buwan ang araw.
Binitawan na ako ng bihag. Tumakbo na siya sa kakahuyan hanggang sa mawala na sa paningin ko.
Mabilis ang paghinga ko, tila naubusan ako ng hangin.
"Thalia!" rinig kong sigaw ni Ina, at natanaw ang tribo na tumatakbo palapit sakin.
"Habulin natin ang bihag!" sabi ng isang lalake at kumaripas na ng takbo ang ibang lalakeng dala ang kanilang mga patalim.
"Ayos ka lang ba anak?" alalang tanong ni Ina habang pinapasadahan ang katawan ko.
Tumango ako. Niyakap niya naman ako ng mahigpit. Kita ko sa mukha ng mga katribo ang dismaya, may ibang matalas ang paningin sakin.
"Traydor ka!" sigaw ng isang lalake, tumango naman ang iba. Kinabahan na ako.
"Balak niyang itakas ang bihag." galit na sabi ni Mang Gardo, ang siyang kanang kamay nila Ama at Ina.
"Hindi. Mali ang iniisip niyo." giit ni Ina.
"Wala tuloy tayong nai-alay kay Bathala, dapat lang na parusahan ang batang 'yan!" asik ng isang lalake.
Kita ko naman sa mukha nila Esang, Aida at Baron na nag aalala na sila sakin.
Nangilid na ang mga luha ko.
"Kung ayaw niyong parusahan si Thalia, ay palayasin natin siya dito sa tribo dahil isa siyang traydor!" sigaw ng isang matandang babae
Napailing nalang ako. At tuluyan ng umagos ang mga luha ko.
"Kung ayaw niyang lumayas, kami ang lalayas dito." babala ni Mang Gardo. Tumango naman ang iba.
Isang malutong na sampal ang natanggap ko pagkapasok ko ng bahay. Galit na galit sakin si Ama sa ginawa ko. Si Ina naman ay umawat kay Ama dahil sasaktan niya na naman sana ako.
"Lumayas ka!" sigaw ni Ama, parang tumigil ang oras nang sabihin niya 'yon.
"Wag mong gawin 'to sa anak mo." dipensa ni Ina, pero parang buo na ang desisyon ni Ama na palayasin ako dahil pumasok siya ng kwarto ko at hinagis ang mga gamit ko. Napahagulhol na lamang ako habang yakap si Ina.
"Hindi ko inasahan na may anak akong traydor, kaya lumayas ka sa tribong 'to!" sigaw niya sakin.
"O-opo, alis na po ako." ikbi ko. Ayaw ko ng galitin lalo si Ama gayong may sakit siya sa puso.
Pinulot ko ang mga damit ko at nilagay sa bayong. Si Ina naman ay umiiyak narin habang pinipigilan ako sa pagligpit ng gamit.
Hinila ako ni Ama at tinulak palabas ng bahay.
"Dapat lang siyang lumayas! Traydor!" sigaw ng mga katribo.
Pinilit ko ang sarili kong tumayo at pinahid ang mga luha. Ayaw ko man ay binitbit ko na ang bayong na may lamang gamit ko. Nilingon ko ang mga magulang ko. Hawak ni Ama ang kanyang dibdib at inaalo siya ni Ina.
"Lumayas ka na!" rinig kong sigaw ng nakararami. Ang sakit pakinggan. Lalo na sa tinuring mo ng kapamilya.
Mabigat man sa kalooban ay tumalikod na ako. Ang mga paa ko na ayaw sanang kumilos pero pinilit kong makalakad palayo sa buhay na kinagisnan ko.
Naramdaman ko nalang ang pagsunod sakin ni Mire. Sumabit siya sa katawan ko at umupo sa balikat ko. Siguro nararamdaman niya rin ang kalungkutan ko dahil parang umiiyak siya.