"Kulungan 'yan ng mga baboy-ramo na nahuhuli namin dito sa kagubatan, ser." paliwanag ni Ama.
Para naman akong hihimatayin. Kinakapos ako sa paghinga, nakaluwag ito nang tumango ang sundalo.
Hindi nagtagal ay umalis na sila matapos pasukin ang aming tribo. Nagkatinginan kaming lahat at sabay-sabay bumagsak ang mga balikat.
Binalik na nila ang bihag sa kulungan nang malapit ng gumabi.
"Pagkain mo." sabi ko sa bihag sabay lapag ng pagkain sa damuhan.
Nagulat na lang ako nang may sumigaw. Tumakbo ako sa kinaroroonan nung ingay at nakita kong kumpol-kumpol ang ka-tribo sa pag alalay kay Mang Celso palabas ng bahay nila. Hinahabol nito ang hininga. Nakita ko si Ina na nakataas ang kamay na para bang pinapagaling niya ito.
Maputla na si Mang Celso habang sapo nito ang kanyang dibdib. May sakit kasi ito sa baga. Nag iiyakan na ang kanyang pamilya. Nanlulumo ako sa nakikita, para bang gusto kong dalhin agad sa ospital si Mang Celso.
Humagulhol na ang buong pamilya nang malagutan na sa paghinga ang kanilang padre de pamilya. Wala na ring nagawa sila Ina at yumuko na lamang.
Kapag namamatayan kami ng ka-tribo, dalawang araw ang burol nito at sa ikatlong araw ang libing. Ang libingan malapit lang dito sa tribo.
Habang dinadala na namin si Mang Celso sa kanyang huling hantungan, hindi ko narin napigilan na mapaluha habang tumatangis ang pamilya nito. Naging malapit na rin kase siya sakin na parang ituring niya na akong kanyang anak.
Wala ako sarili habang binigyan ng pagkain ang bihag pagsapit ng gabi, nakuha niya ang atensyon ko nang magsalita siya.
"Pag isipan mo 'to ng mabuti, mahalaga ang pera, makukuha mo lahat ng gusto mo, mabibilhan mo pa ng gamot ang magulang mo."
Sinalubong ko ang kanyang mga mata. Hindi nakapagsalita. Siguro narinig niya na may sakit si Ama.
"Patakasin mo lang ako rito, pangako, bibigyan kita ng maraming pera." aniya pa.
Apat na araw na lang, ihahain na namin siya kay Bathala. Kaya may maikling araw na lang ako para makapag isip-isip.
Ang pera o ang ritwal kay Bathala?
Alin ang mas mahalaga?
Tumayo ako at nagsabing... "Pag iisipan ko."
Lalo pa akong nahirapan makapagdesisyon nang maabutan ko si Ama na sapo na naman ang kanyang dibdib. Nilalagyan ni Ina ng langis ng halamang gamot ang dibdib ni Ama.
Napag isip-isip ko, na kapag dinala si Ama sa ospital ay may tyansang gumaling siya at mabilhan ng karampatang gamot para sa malubhang sakit sa puso.
Bumuntong-hininga ako para gumaan ang dibdib ko. Pakiramdam ko kase na magtataksil ako sa tribo kapag pinatakas ko ang bihag. Sobra akong naguguluhan.
"Tulala na kayong dalawa dyan, anong iniisip niyo?" biglang bungad ni Baron sabay akmang susuntukin si Mire na nasa balikat ko.
"Nag aalala kase ako kay Ama, gusto ko siyang dalhin sa ospital." sabi ko habang nakatanaw sa kabilugan ng buwan. Umupo naman siya sa tabi ko dito sa tumbang kahoy.
"Alam mo naman ang paniniwala natin diba? Na kay Bathala lang tayo dumidepende." aniya.
"Alam ko, pero wala naman masama kung maniniwala tayo sa doktor." giit ko.
"At paano kung, hindi naman talaga siya totoo?" tukoy ko sa buwan na siyang bathala namin.
Namulat ako sa mundong 'to na ang buwan na siyang bathala ang gabay at pag asa, pero habang tumatagal, inaamin ko na may bahid na ng pagdududa ang paniniwala sa kanya. Na nagkakataon lang na may dumadating na swerte saming tribo sa tuwing may ritwal.
"Mahigpit na ipinagbabawal sa ating tribo na sumuway kay Bathala kaya wag kang magsasalita ng ganyan." wika ni Baron. Bumuntong-hininga na lang ako.
Bago ang araw ng pag aalay, ay gulong-gulo ako pero namamayani ang mailigtas ang bihag. Parang ayaw ko siyang mamatay.
"Bukas na ang eklipse, magpaalam na tayo kay pogi." sabi ni Esang sakin.
Nang marinig ko ang sinabi ni Esang ay bumigat ang pakiramdam ko. Natanaw ko pa ang bihag na nakatingin sakin dito sa malayo.
Dumating na nga ang araw ng eklipse(solar eclipse). Ilang oras na lamang ay iaalay na namin ang lalaking bihag. Hinarang ko ang palad ko sa mukha ko habang sinulyapan ang araw. Nakikita ko na ang buwan na malapit na sa araw. Pabigat na ng pabigat ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
Habang abala sila Ina sa paghahanda sa pag aalay ay hinanap ko ang susi sa kulungan ng bihag. Hinalughog ko ang buong bahay at sa wakas ay nakita ko na ito. Nakasabit pala ang susi sa pintuan.
Napatalon ako sa gulat nang bumungad sa pinto si Ama. Nakuyom ko ang kamao ko hawak ang susi.
"Oh, ba't hindi ka pa nakabihis?"
"Ah, eh, m-magbibihis palang po." nauutal kong sabi. Tumango siya at lumabas na. Nahugot ko ang hininga ko.
Nagbihis na nga ako ng itim na bestida. Heto kase ang susuotin ng mga kababaihan, ang mga lalake naman ay itim na kamiso. Humarap ako sa salamin at pinagmasdan ang mukha ko. Namumutla ako dahil sa kabang nararamdaman. Bumuntong-hininga ako at lumabas na ng bahay.
Kumilos akong parang normal lang. Abala ang buong tribo. May mga korona ng bulaklak ang mga babae. Napatingin ako sa pahabang mesa kung saan ihihiga ang bihag habang inaalay. Napatingala ako sa haring-araw at nakita ang bulto ng buwan na dumikit na sa araw.
Napapikit ako sa pagkasilaw.
"Aray!" May nabangga ako sa paglalakad ko at pagmulat ko, si Baron ito.
"Wag mo kasing titigan ang araw." naiiling na sabi niya.
Ngumiti nalang ako ng pilit at nilampasan siya.
"Saan ka pupunta?" rinig kong tanong niya.
"Kakausapin ko lang ang bihag." sagot ko nang hindi na siya nilingon.
Habang papalapit na ako sa bihag ay kita ko ang galit sa mukha niya. Sobrang talim ng tingin niya sakin.
Habol ang hininga ako nang nakalapit na sa kanya.
Parang nagkabuhol-buhol ang dila ko na hindi makapagsalita.
Ililigtas ko siya. Ayaw ko siyang mamatay. 'Yan ang sinisigaw ng utak ko.
Parang nagbago ang paniniwala ko. Parang masama itong ginagawa namin ang kumitil ng buhay ng tao.
Napatalon ako sa gulat nang baliin ng walang kahirap-hirap ng bihag ang kahoy. At sa isang iglap ay nasa likuran ko na siya at sinasakal ako.
Natanaw ng tribo ang nangyari at mabilis silang nakalapit rito.
"Sige, lumapit kayo! Papatayin ko 'to!" nangangalaiting sigaw ng lalaking sumasakal sakin.
Nanginginig ang kamay kong napahawak sa braso niyang mahigpit na sumasakal saking leeg. Nauubusan ako ng hangin sa baga at napa ubo ako.
Kita ko sa mga ka-tribo na hindi sila makagalaw. Si Ama at Ina ay nakalahad ang kamay na parang nagsasabing walang kumilos. Mga mata nila na may bahid ng pag aalala.
Abot-abot na ang tahip ng dibdib ko. Hindi na ako makahinga sa higpit ng pagkakasakal sakin. Nabitawan ko naman ang susi at kita ko ang gulat sa kanilang mukha nang makita kung ano ang nalaglag.
Umaatras na kami at lumalayo na. Palayo sa tribo.
***