"Sa Maynila ang biyahe nun." sabi ng lalakeng napagtanungan ko kung saan ang tigil nung truck na nakulong si Mire.
Napailing nalang ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kahit papaano, mahalaga sakin si Mire.
Inalam ko kung saang lugar sa Maynila titigil ang truck at napag alamanan kong sa Pasig city daw, ayon doon sa trabahador ng sagingan.
"Pakitawag niyo naman po doon sa driver." pagmamakaawa ko sa lalake.
Umiling naman siya. "Wala akong numero nun eh."
Napabuntong-hininga na lang ako. Tiningnan ko ang pitaka ko. Sapat pa naman 'to na pamasahe pa-Maynila. Nagdalawang isip pa ako kung hahanapin ko ba si Mire o pabayaan na lang ito. Sa huli, nakapagdesisyon na ako.
Nakasandal ang ulo ko sa bintana ng bus at tulalang pinagmamasdan ang lugar na nadadaanan ng sinasakyan ko. Ang mga sakahan, ang burol at ang dagat. Unti-unti ng lumubog ang araw at dumilim.
Makakabalik pa kaya ako sa lugar na kinagisnan ko, paano? Gayong ayaw na sakin ng tribo. Sila ang aalis kung sakaling bumalik ako. Parang sinasaksak ng punyal ang dibdib ko sa naisip. Ang sakit lisanin ang lugar na minahal ko.
Nagising ako sa sikat ng araw na tumatama sa mukha ko. Tiningnan ko ang labas ng bintana at natanaw ang nagtataasang mga gusali at napakaraming iba't-ibang sasakyan. Tumigil na itong bus at bumaba na ako. Wala akong dalang gamit dahil naiwan ko sa bahay ni Kuya Rolly. Gumapang ang galit sa sistema ko nang maalala ang gagawin niya sana sakin. Buti nalang talaga ay nakatakas ako.
May mga nabangga pa ako dahil siksikan ang mga tao sa daanan. Magulo at maingay ang paligid. Kaliwa't-kanan ang mga taong nagmamadali sa kanilang pupuntahan.
"Excuse me po, saan po ang Pasig City?" tanong ko sa isang ale na nagtitinda ng mga sigarilyo.
"Sasakay ka dyan sa jeep." turo niya sa jeep na dumaan.
Nagpasalamat ako at sumakay na sa jeep. Sumiksik akong umupo sa mga pasaherong sakay nito. Pansin ko, na pinagtitinginan ako ng mga tao, tiningnan ko ang sarili ko. Nakasuot ako ng puting bestida at tsinelas na binigay sakin nung trabahador na napagtanungan ko. Naawa yun sakin dahil wala akong suot na pangyapak.
Makalipas ang ilang minuto ay narating ko na ang Pasig City. Habang naglalakad ako sa may tulay ay may nadaanan akong kulay abo na pusa. Siguro, wala itong amo dahil napakadungis nito. Dinampot ko ang pusa at inakap ito. Nakaramdam ako ng gutom at kumain ako sa isang karinderya. Binaba ko ang pusa sa paanan ko. Habang kumakain ay inaabutan ko naman ito ng pagkain.
Nang matapos kumain ay nagtanung-tanong ako sa mga karinderya kung may bakante silang trabaho. At kung sinuswerte ka nga naman, dahil nakahanap agad ako. Bukas ang simula ng trabaho. Ang problema ko nalang ngayon ay ang titirhan ko at ang paghahanap kay Mire.
May nahanap naman akong murang paupahan. Bumili ako ng konting damit sa ukay-ukay. Nagtanung-tanong kung saan ang bagsakan ng sagingan at tinuro ito sa may palengke.
Pumunta ako sa palengke nitong syudad at nagtatanong sa mga tindera kung saan ang bagsakan ng mga saging. Hanggang sa makarating na nga ako sa hinahanap ko. Tanda ko ang pangalan nung truck. JL foods. Nanlaki ang mga mata ko nang makita na ang truck kung saan napasama si Mire.
"Wala akong napansin na unggoy na nakulong dyan." sabi nung driver. Takang-taka siya na may unggoy na nakulong sa truck niya.
Bumagsak ang balikat ko. Parang lumabas agad si Mire nang hindi napansin ng driver. Paniguradong nandito lang siya sa paligid. Nag ikot-ikot ako sa palengke at nagtatanong kung may nakita silang unggoy. Hanggang sa gumabi, nakaramdam na ako ng pagod. Matamlay akong bumalik sa maliit na naupahan kong apartment. Sapat na ito sa isang taong maninirahan. Pinaliguan ko na ang batang pusa dahil ang dungis nito. Iniwan ko lang ito habang naghanap kay Mire.
Nagsimula na akong magtrabaho kinabukasan. Si Ate Linda ang may ari ng karinderya. Nasa mid 40's na ang kanyang edad. Nakakapagod naman ang maghapong trabaho dahil sa daming customer. Balak kong bumalik sa palengke ng hapon, baka sakaling makita ko na si Mire. Nilibot ko na naman ang buong lugar pero wala talagang unggoy na nagpakita. Matamlay na naman akong bumalik ng apartment. Umaasa parin naman akong mahahanap ko si Mire.
Isang linggo ang lumipas at naramdaman ko na ang matinding pangungulila. Hindi ako sanay ng mag isa, sanay akong nakadepende sa mga magulang ko. Parang hindi ko na kaya ng mag isa. Nakakawalang ganang mabuhay.
"Thalia, ilako mo 'tong pang miryenda." utos sakin ni Ate Linda nung hapon. Mabuti narin 'to, baka sakaling mahanap ko si Mire sa paglalakad-lakad ko.
May nadaanan akong isang building. May mga lumabas na empleyado at bumili sa nilalako kong banana cue.
"Hi, miss, anong pangalan mo?" tanong nung lalakeng nakapormal ang suot habang kumakain na ng banana cue.
"Thalia, po." sagot ko.
"Bro, makita ka ng gf mo, sige ka." babala sakanya ng kasama niyang lalake na kaparehas niya ng suot na pormal.
"Sige, miss, sana pumunta ka ulit dito, bibili ako." paalam ng lalake at kinindatan ako. Ngumiti nalang ako ng tipid sakanya. Siniko siya nung kasama niya at pumasok na sila sa matayog na gusali.
May mga sumunod pang bumili. Mukhang mabenta rito. Parang araw-araw na yata akong maglalako rito.
Isang lalake ang lumabas sa gusali. Nanlaki ang mga mata ko.
Siya ba si...?
Nakasuot ito ng pormal. Kausap nito ang isang babaeng nakasunod sa kanya. Hindi ako nagkakamali sa nakikita ko. Siya 'yung lalakeng bihag. Hanggang sa bumaling ito ng tingin sakin. Nalaglag ang mga baryang hawak ko dahilan ng pagyuko ko upang pulutin ito. Sinundan ko pa ang pisong gumulong. Tumayo ako at paglingon ko sa lalake ay pumasok na ito ng sasakyan.
***