Chapter 1

6K 180 22
                                    

Shine

"Wala pa ring pinagbago si Aquina. Gustong gusto pa rin si Frederick kahit matagal na noong naghiwalay sila," pagkwento ni Mama.

Kinaumagahan, halos tanghali na akong nagising dahil sa sobrang pagod. Si Mama ang unang nagising kaya siya ang nagluto ng umagahan. Nilapag niya ang pagkain sa kawayang lamesa at naupo na rin ako sa mono block.

"Hindi po ba magkaibigan kayong tatlo nila Donya Aquina at Attorney Felicia?"

Umupo si Mama sa harapan ko at bumuntong hininga. Nilagyan ko ng kanin ang kanyang pinggan habang hindi inaalis ang aking tingin sa kanya. Sa sobrang pag-aalala ko kay Russel kagabi, hindi ko na naisip na maaaring mahirap din iraos ang gabing iyon para kay Mama. Her friends are still intact, while she's no longer in contact with them.

"Oo. Noon. Noong nasa kolehiyo kami, halos hindi kami mapaghiwalay. Matatalik kaming magkakaibigan. Kaya lang noong nalugi ang sakahan at ibang negosyo ni Papa, nagkawatak kami."

Umawang ang aking labi. "Bakit po? Dahil mahirap na kayo?"

"Dahil pinagbawalan sila ng kanilang mga magulang na makipagkita sa akin. Naiintindihan ko sila, hindi nila ginusto ang nangyari. Kaya hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa kanila."

Nag-iwas na siya ng tingin at bumaling sa pagkain. Ngumuso ako at pinasadahan na lamang ng tingin ang mumunti naming bahay habang ngumunguya.

Maliit lang ang bahay namin, pero hindi ako kailanman nagreklamo. Lumaki akong ito na ang bahay ko, at pagala-gala sa manor at lupain ng mga Hermedilla. Ayos lang ako sa ganitong pamumuhay, pero nang narinig iyon kay Mama, parang bigla akong naghangad ng mas higit pa rito. I realized I am not content with this. My mother deserves more. I can give her more.

Lagpasan ang sinag ng araw sa mga kurtinang nakatali. Tanaw ang hacienda mula sa bintana namin. Siguro naging sapat sa akin ang munting bahay na ito noon dahil na rin sa magandang tanawin sa labas.

"May klase ka ba bukas?" biglaan niyang tanong.

"Sa susunod na araw pa po ang pasok ko, Ma."

"Pagbutihin mo ang pag-aaral mo. 'Yan lang ang tanging paraan para makaasenso. Hindi pag-aasawa ng mayaman. Hindi pagtatrabaho sa murang edad. Hanggat maari, mag-aral ka, at ikaw ang humigit sa sarili mo paitaas."

Kinuha niya ang pinggan at kubyertos ko bago dumiretso sa lababo. Agad akong tumayo para tulungan siya. Alam kong pagod pa siya dahil sa party kagabi.

"Ako na, Ma..."

"O siya..."

Kinuha naman niya ang walis. Ngumuso ako at kung pwede lang ay pagsabayin ko ang paghuhugas at pagwawalis ay ginawa ko na. Pinagmasdan ko siyang nagwawalis ng sahig. Sa tuwing nakikita ko siyang gumagawa ng gawaing bahay, gusto ko nang lumaki agad at makapagtrabaho. Gusto ko na agad makapagtapos para mabigay ko lahat ng gusto at kailangan niya.

Alam kong hindi naging madali ang party kagabi para sa kanya. She used to be one of them, and more importantly, she used to be close friends with Donya Aquina and Attorney Felicia. Ngayon, kasambahay siya sa mga Hermedilla. Noong nalugi kasi ang negosyo ng Lolo ko, si Senyora Lucinda ang kumupkop sa kanya. Hindi siya pinagbayad ng Senyora, pero si Mama na mismo ang nagkusang magtrabaho para sa kanila. Sa tingin ko... sa kanya ko nakuha ang ugaling iyon.

"Pangarap ng ama mo ang arkitektura. Buti na lang at matutupad mo na. Salamat sa mga Hermedilla," she sighed. "Kaya pagbutihin mo ang pagtatrabaho sa kanila. Malaki ang utang na loob natin sa kanila."

Tumalikod ako at naghugas na ng pinggan. Napapatulala ako habang pinapakinggan ang mahabang litaniya ni Mama. Palagi niya akong pinaaalalahanan pero napapansin kong sa tuwing may okasyon ang mga Hermedilla, lumalalim ang mga sinabi niya.

Sullies of Haunted Yesterday (Casa Fuego Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon