Mariin niyang hinawakan ang palapulsuhan ko at hinaplos ang buhok ko. Nanghihina na lang akong napahakbang papaatras at humiling na sana ay may makakita sa 'kin, kahit si Ytang man lang o si Lowelyn.
"'Di ko alam kung bakit mo 'yan tinatago," sabi niya sa nagtatakang boses, habang ako naman ay nag-iwas nalang ng tingin. "Kasi maganda naman, at marami ang humihiling na ganiyan ang buhok, pero itatago mo lang, bakit?"
Salamat at hindi niya na 'ko tinanong pa. Nakahinga na rin ako nang maluwag nang tumalikod na 'to at iniwan akong may kaunti pa ring kaba sa dibdib. Napahawak ako sa buhok ko. Bakit niya nalaman?
'Patuloy lang ako sa pagsusuri sa sariling buhok nang mapansin ko ang dulo na nawawala na ang peke na kulay. Ito pala... Kaya pala nalaman niya. Bumuntong-hininga na ako at napatingala sa langit at balik na naman sa buhok. At least, siya lang ang nakapansin nito.
Pagkabalik ko sa mansyon, wala na si ate, at sabi ni lola ay pumunta ito sa isang resort. Patakbo kong tinahak ang sariling kwarto at hinanap ang bagay na parati kong dala-dala sa kung saan man ako magpunta.
Hershly.
Sa lahat ng tao, siya lang ang 'di ko akalaing makakapansin sa pagkatao ko, na sa ilang taon kong pagtatago ay siya lang talaga. Siguro ay magaling lang talaga siyang kumilatis. Base sa color ng buhok niya, masasabi kong baka nga, na baka expert siya sa mga ganito.
Lutang kong tinitigan ang isang box. Sa bagay na 'to, hindi nila malalaman na isa akong blonde, sa bagay na 'to, matatakpan nito ang tunay kong pagkatao. Inayusan ko ang sarili at naging madali lang naman kasi 'yung dulo lang ng buhok ko ang nilagyan ko. Sinigurado ko rin siyempre na naka-lock talaga ang pinto at baka may biglang pumasok -- nasa sala pa naman si lola.
Hanggang lumipas ang ilang minuto ay kinakabahan pa rin ako. Wala naman akong nagawang masama pero natatakot ako, pakiramdam ko mayamaya'y maaaring malaman na rin ni Ytang ang tungkol sa 'kin. Alam ko namang 'di naman siya magagalit sa 'kin, batid kong tatanggapin niya pa rin ako, sadyang mas nangingibabaw lang ang takot ko. 'Yung ganoong pakiramdam.
Naligo muna ako saglit para kahit papaano'y magkasigla naman ang walang lakas na katawan. Isang dress na hanggang tuhod nalang ang sinuot ko at ang isang flat sandal tutal ay may plano rin akong puntahan mamaya. Wala pa nga lang akong plano kung saan ako pupunta, siguro'y depende na lang kina Ytang, Joyce at Lowelyn. Kung saan sila ay roon din ako.
Paglabas ko ng kwarto, kaagad kong tinahak ang sala. Noong una ay plano kong magpatuloy sa paglalakad, pero nang makita ang piano ay natigilan ako sandali. Gusto kong tumugtog, pero mali, mali kasi 'di ko na dapat binabalikan ang nakaraan. Marami pa naman 'atang ibang bakante na mapagkakaabalahan, 'no? Baka may iba pang para sa 'kin, baka may mas mainam pa kaysa sa pagpa-piano.
Tuluyan na nga akong bumalik sa kwarto at kaagad nag-lock. Napasandal ako sa pinto at napapikit. Papaano ko makakalimutan ang bagay na 'yun kung paulit-ulit ko namang nakikita kapag nasa sala ako? Nakakainis naman.
Humiga ako sa kama at hinintay si Ytang, nag-text kasi 'to at sinabing ngayon na lang siya babalik dito dahil may inasikaso 'to bahay nila kagabi. Niligpit ko na nga lang ang mga gamit na ginamit ko kanina at baka maabutan pa 'to ni Ytang.
"Omoo! Frency, may blessing, isang blessing galing sa langit!" boses ni Ytang ang nagpaupo sa 'kin. Mabuti nalang din at masigla na talaga siya ngayon, hindi kagaya kahapon na medyo matamlay pa. "May tao sa sala, hulaan mo kung sino!'
Inalog niya ko nang pagkalakas-lakas, kaya natawa ako sa inakto niya. Tumango na lang ako at mayamaya'y sinenyasan siyang magpahinga na muna. Mukha kasi siyang sumabak sa marathon. Hinihingal 'to at nakalimutan na 'atang huminga nang malalim para mapakalma ang sarili. Iritado lang 'tong nagkibit ng balikat nang makita na 'di ako interesado.

BINABASA MO ANG
Hopelessly Smitten ✔
Teen Fiction"Gagawin ko lahat ng sinabi mo. Tutulungan ko ang kompanya namin. I will gonna fix myself up... For you... For you deserve better. Give me a decade, and I will make you proud of me." ©2021. Ugly_Writes. All rights reserved.