Pagpunta ko sa bahay namin ay tahimik naman ang paligid. Mukhang nasa trabaho pa rin sina auntie at papa. Malapit lang naman ang workplace nila rito. Kargador si papa roon sa poultry farm sa bukid, at si auntie naman ay tagapaglinis.
Mabuti na nga lang talaga kasi sabay silang aalis at uuwi. May mga araw naman na wala sila rito, lalo na kapag weekends. Day-off kumbaga.
Nagpahinga na nga lang muna ako ng ilang oras dahil masyado 'ata akong napagod sa nangyari kanina. Bagaman marami pa ring katanungan sa isipan ay pinili ko na lamang na kalimutan ang mga 'yun.
Hinintay ko sina papa at auntie para makapagpaalam na 'ko. Roon lang ako pumunta sa kusina nang makita si papa na magluluto na. Chance ko rin kasi nasa sala pa si Auntie na nagtatanggal ng medyas at gloves.
"Kumusta na ang ate mo?" tanong niya. Hindi ako nagkamali. Maririnig pa rin talaga ang kalungkutan sa boses niya. Anak niya rin kasi 'yun, kaya 'di ko na siya masisisi. 'Di man siya magsalita tungkol sa nararamdaman niya ay alam ko pa ring miss na miss niya na sila.
"Okay po siya, 'pa," mahina kong sagot at napaupo tutal ay tumigil din naman siya sa ginagawa, parang gusto niya pa 'atang magtanong. "Okay po si mama, 'pa. Mas lalo nga po siyang gumanda."
Kaagad kong pinigilan ang kilig nang maalala si auntie na nasa sala at walang kaalam-alam sa pinag-uusapan namin dito ni papa. Nakaka-guilty. Pakiramdam ko ay baka ako pa ang magsanhi ng panibagong away nila. Medyo hindi pa naman maayos ang pagsasama nila ngayon, at dadagdagan ko pa ba?
'Di ko 'ata kayang makitang nasasaktan si auntie. Kahit na hindi siya ang totoo kong mama ay napamahal na rin ako sa kaniya kasi nga ilang taon na rin kaming magkasama sa iisang bahay. Mabait din 'to at maalaga. Kaya kahit sino ay mapapamahal sa kaniya.
"Hindi ko naman tinatanong," pagkokontra ni papa sa sinabi ko kanina saka tumawa. Tawang napakapait sa pandinig. "'Yung kalagayan lang ng ate mo ang gusto kong malaman, 'nak," muli niyang sabi.
Napatikhim na lang ako at napaayos ng upo nang makita si auntie na papalapit sa 'min. Kagaya ng nakasanayan, tiniis ko ang sariling konsensya at ngumiti. Para pa ngang natigilan 'to nang makita ang mukha ko.
Nabasa niya ba ako kaagad? Naku, sana naman hindi.
"Frens," malambing niyang tawag sa 'kin. Ganoon na nga lamang ang pag-iwas ko ng tingin nang hinaplos niya ang buhok ko at sinuklay 'to gamit ang mga daliri niya. Napapapikit naman ako kaagad. "Kumain ka na?" tanong niya na naman at malambot na tinapik ang kaliwang balikat ko.
Tumango na lamang ako at hirap na hirap na nagpaalam para makabalik na sa mansyon. Humanga pa 'ko sa sarili kasi nakayanan kong kausapin silang dalawa kanina lalo na si auntie.
Pero sa totoo lang, feeling ko alam niya na naman ang pinag-usapan namin ni papa kanina, na umakto lang siyang walang narinig. Ayst, nakakalito. Nakakalito na nakaka-guilty. 'Yung ganoong pakiramdam.
Kumain na ako kasama sina papa at auntie kaya pagbalik ko sa mansyon ay kaagad na akong nakatulog. Tulog na ang lahat kaya diretso na talaga sa kuwarto ang tungo ko.
"Hello, everyone! I am Lowelyn, and today I will going to--"
Gulantang akong napabangon mula sa pagkakahiga, para makita si Lowelyn na may dalang cellphone at kung saan-saan naglalakad. Paglingon ko naman sa kanan ay nakita ko sina Ytang at Joyce na lutang na nakamasid kay Lowelyn.
"Ano'ng nangyayari?" blangko kong tanong. Huminto naman si Lowelyn sa kakagalaw at bumaling sa 'kin gamit ang napakasayang mukha. May pinindot 'to sa cellphone niya at saka slow motion na tumalikod. Mukhang 'di pa 'ata nakakapag-agahan ang kaibigan kong 'to. "Nagba-vlog ka?" tanong ko kahit obvious na oo naman ang sagot.

BINABASA MO ANG
Hopelessly Smitten ✔
Teen Fiction"Gagawin ko lahat ng sinabi mo. Tutulungan ko ang kompanya namin. I will gonna fix myself up... For you... For you deserve better. Give me a decade, and I will make you proud of me." ©2021. Ugly_Writes. All rights reserved.