Kindly read: Jeremias 24:1-10
Verse for the day:
Jeremias 24:7
Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon . Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Dios, dahil magbabalik-loob na sila sa akin ng taos-puso."Ang Kagandahan ng Pangit na Sitwasyon"
Ang paghihirap at mga pasakit ng buhay ay ilan lang sa mga maaring maging daan upang ang mga taong lumayo sa Diyos ay muling manumbalik sakanya.
Ang kapitulong ito ay naglalaman ng panibagong pangitain para kay Jeremias patungkol sa bayan ng Diyos.
Nakakita si Jeremias ng dalawang basket ng igos isang naglalaman ng magagandang igos at isa namang naglalaman ng mga bulok na igos.Ito ay pumapatungkol sa dalawang uri ng Israelita. Yung mga magagandang igos ay kumakatawan sa mga Israelitang nabihag sa Babilonia, samantalang ang mga nabubulok na igos naman ay ang mga Israelitang naiwan sa Jerusalem at Egipto. [Ito'y marahil ang mga Israelitang nakapagtago o nakatakas ng sakupin sila ng mga taga-Babilonia.]
Pero kung papansinin natin, bakit kung sino pa ang nabihag, sila pa ang itinuring na magagandang igos, at kung sino pa ang nakatakas o nakaligtas, sila naman yung mga itinuring na nabubulok na igos?
Ito ay dahil sa pagkilos na gagawin ng Diyos gamit ang pagkakabihag sakanila ng mga taga-Babilonia. Dahil ang pagkakabihag na ito ay hindi lang magsisilbing parusa para sa kanilang mga kasalanang nagawa, kundi ito din ay malinaw na disiplina ng Diyos sa kanyang bayan, kaya naman sa loob ng mga panahong sila ay bihag ng mga banyaga at nakakaranas ng hirap, ito ang magtuturo sakanilang mali ang kanilang naging desisyon na lumayo sa Diyos, at ito din ang magiging daan upang matanggap nila ang bagong puso na nais ipagkaloob ng Diyos sakanila upang sila nga ay magbalik-loob ng taos puso Sakanya.
Ngayon kapatid, hindi ko alam kung ilan sa atin ang makakapagpatotoo ng bagay na ito. Pero nais kitang paalalahanan na kung ikaw man ay dumadanas ng hirap o pasakit ng buhay, bigyan mo ito ng pansin at kilalanin mo ang mga bagay na nagawa mo sa harap ng Diyos, dahil ang mga bagay na iyon ang madalas na dahilan bakit tayo dumadaan sa problema. At kung matuklasan mong may mga mali ka ngang nagawa, gamitin mo ang tagpong ito na humingi ng tawad at panampalatayanan ang salita ng Diyos na Siya ay nagbibigay ng bagong puso sa mga taong nagsisisi!
Huwag tayong maging katulad ng ilang Israelitang tumakas o nakapagtago sa mga Babilonia. Dahil, Oo mukhang nakaligtas sila sa hirap at pasakit, pero ang malungkot dito, hindi sila natuto sa mga mali nilang ginawa.
Kaya inihalintulad sila sa igos na nabubulok.Mga kapatid, ito ang kalooban satin ng Diyos; ang makilala siya ng lubos at makapagpasakop sakanyang nais para sa buhay nating ito.
Purihin ang Panginoong na siyang marunong at dakila sa lahat!
BINABASA MO ANG
Book of Jeremiah (Devotional guide)
SpiritualIto ay isinulat upang makatulong sa mga kristiyanong nais maintindihan ang lumang tipan at matuto mula rito ng mga bagay na maaring makaambag sa pagpapalago ng buhay espiritwal at makapagpalapit sa atin ng lalo sa Panginoon. Ito ay nakalaan ding gum...