"Walang Halaga Pero Binayaran"

2 0 0
                                    

Kindly read: Jeremias 32:1-44

Verse for the day:
Jeremias 32:25
Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Panginoong Dios , sinugo nʼyo ako para bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”

"Walang Halaga Pero Binayaran"

Hindi ibig sabihing walang halaga ngayon ay mananatili itong walang halaga at hindi ibig sabihing pangit ngayon ay mananatili itong pangit hanggang dulo, bigyan mo ng panahon at matiyagang maghintay, dahil walang tao ang nakakaalam ng eksaktong mangyayari kung ano ang magbabago pagdating ng kinabukasan, tanging ang Diyos lang, kaya magtiwala ka sakanya.

Sa kapitulong ito ay muling nakatanggap ng pangungusap si Jeremias mula sa Panginoon.
Siya ay nakakulong ng mga tagpong ito dahil sa kanyang pagpapahayag na hindi nagustuhan ng Hari. Pero habang siya ay nasa kulungan pinuntahan siya ng kanyang pinsan upang siya nga ay bentahan ng lupan,[Bago pa man ito mangyari, ipinahayag na sakanya ito ng Diyos at inutusan siyang sumang-ayon sa kasunduang ito.]

Ang pagbebentang iyon ay naganap kung kailan kinukubkob na ang Jerusalem ng mga taga-Babilonia. [Ibig-sabihin, ang sinumang bibili ng lupa o ng anumang ari-arian sa panahong iyon ay parang nahihibang na dahil nga sila ay malapit naman na ding sakupin ng mga kaaway, in short, walang halaga na ang mga lupa noon sa panahon na 'yon.]

Pero bilang pagsunod sa Diyos, binili at binayaran padin ni Jeremias ang lupa at nagkaroon nga sila ng kasulatan na may tatak o selyo bilang patunay ng kanilang kasunduan, at ang kasulatang ito ay ipinatago nga ng Panginoon kay Jeremias sa isang ligtas na lalagyan.

Ipinaliwanag ng Diyos kay Jeremias kung bakit ito ipinagawa sakanya. Ito ay dahil darating ang panahon na sila nga ay lalaya din mula sa pagkakaalipin at ang bayan ng Diyos ay babalik sa kani-kanilang mga lupain at magsisimulang magbilihan muli ng mga lupa upang pagtamnan at pagtirikan ng kanilang mga tirahan, at kapag dumating ang araw na iyon, si Jeremias nga ay may lupa na maituturing.

Pero ang sitwasyong ito ay higit sa materyal na bagay lamang. Hindi ito pagtuturo patungkol sa kung paano maging sigurista o kung saan ba dapat natin ilagak ang ating mga pera.

Sa halip, ito ay patungkol sa pagliligtas ng Diyos, ang pagbili Niya sa atin sa pamamagitan ng pagtigis ng Kanyang dugo doon sa krus ng kalbaryo kahit na kung tutuusin ay mga wala naman na tayong halaga dahil sa ating mga kasalanan, pero dahil sa dakilang pag-ibig Niya sa atin, pinili parin Niyang bayaran tayo at tubusin sa kamatayan dahil pagdating ng panahon, Siya ay babalik, at kukunin Niya ang mga tinubos Niyang nanampalataya sakanya!

Kaya kapatid, huwag kang mawalan ng pag-asa, darating ang panahon na babalik ang Panginoon para sa atin na mga binili Niya sa pamamagitan ng Kanyang dugo.
At kung may mga sitwasyon, pangyayari at mga tao sa buhay mo na para bang walang patutunguhan o kaya naman ay nawawalan ka na ng pag-asa para sakanila.
Magtiwala ka sa Diyos, dahil kung tayong mga nakakulong sa kasalanan ay nakatanggap ng pag-asa mula sakanya, ano pa ba ang hindi Niya kayang gawin?

Jeremias 32:17
“O Panginoong Dios , nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa.

Book of Jeremiah (Devotional guide)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon