"Walang makakapigil sa Diyos"

4 0 0
                                    

Kindly read: Jeremias 51:50-58

Verse for the day:
Jeremias 51:53
Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.

"Walang makakapigil sa Diyos"

Walang anumang depensa ang maaring makapigil sa opensa ng Diyos, ganun din naman sa kabilang banda, walang opensa na maaring makalagpas sa depensa ng Diyos.
Kaya magtiwala ka Sakanya, kaya ka Niyang ingatan at ipagtanggol!

Muling nagpahatid ng mensahe ang Panginoon sa bayan niya sa pamamagitan ni Propeta Jeremias patungkol sa katiyakan ng kanyang paghihiganti para sa kasamaang ginawa sakanila ng mga taga-Babilonia.

Binigyang diin dito ng Diyos na kahit gaano pa kadakila ang bansang ito, o kahit pa gaano sila kahanda sa panganib na darating, hindi nila ito makakayang takasan, dahil sila ay tiyak na mawawasak dahil sa kanilang mga masasamang gawa.

Ito ay nagpapakita lamang ng kagilagilalas na gawa ng Diyos para sa kanyang minamahal na bayang Israel na kung saan ay ibinilang na tayong kasama sa kabila ng ating pagiging Hentil [o Hindi dugong Israelita.]

Oo, totoong dahil sa Panginoong, tayo nga ay ibinilang na kasama sa kanyang kaharian. Pero ang ating pagiging Judio ay hindi sa pamamagitan ng dugo, kundi sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong puso sa tulong ng Banal na Espiritu. (Romans 2:29)

Kaya bilang parte na ng kaharian ng Panginoon, nais kong pumanatag ka kung ikaw man ay dumaranas ng anumang uri ng kahirapan, pang-uusig, paninirang-puri, pang-aapi, at gawang masama. Pumanatag ka at huwag magpatangay sa kasamaan, lagi mong isipin na hindi nagpapabaya ang Diyos, siya ay laging nagmamatyag at nakasubaybay sa ating mga anak Niya!

At darating ang araw ng Panginoon kung saan ay darating siya at papatunayan ang pag-ibig niya para sa kanyang mga anak, at kasabay din nun ay darating siya  bilang hukom para naman sa mga nagpatuloy sa kasamaan at makasariling mga gawa, at sila nga ay hahatulan niya, gaya ng mga taga-Babilonia.

Kaya uulitin ko, magtiwala ka sa Diyos.
Dahil alam niya ang lahat, at hindi siya kayang mapigilan ninuman!
Siya ang ating muog, kublihan at kalasag!
Purihin ang Diyos!

Book of Jeremiah (Devotional guide)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon