CHAPTER 17HINDI naman siguro magagawang magtaksil sa akin ni Evie, hindi ba? Magkasama na kami noon pa man. Simula pagkabata, lahat ng sekreto ko ay alam niya. Lahat-lahat sa pagkatao ko ay kabisadong-kabisado niya. Siya 'yung nag-iisang tao na nakakaintindi sa akin at ginagabayan ako sa lahat ng pagkakataon. Hindi ko lang siya basta-bastang pinsan, dahil matalik ko siyang kaibigan. Siya 'yung nag-aalaga sa akin tuwing nagkakasakit ako at siya 'yung nandiyaan lagi 'pag kailangan ko. Sa paanong paraan ako hindi magiging kampante sa kanya? Siya na yata 'yung tinuturing kong pamilya.
"Stupid girl! Mei Mei? Tsk. Ano bang alam niya." Tinungga ko ang bote ng alak habang tinitingala ang kalawakan.
Narito ako sa bubong ng gusali ng apartment. Pinapanood ko ang mga bituin sa kalangitan habang tinutungga ang bote ng alak. Nayakap ko ang aking sarili nang humangin ng pagkalakas-lakas.
Pilit akong ngumiti at pinunasan ang namuong luha sa mga mata ko. "Duziell ko.. natagpuan na rin kita sa wakas. H-Huwag kang mag-alala.. kapag natapos si ate Nana sa misyon niya.. kukuhanin na kita at aalagaan."
Bahagya akong natawa sapagkat kinakausap ko lang hangin. Ito na rin kasi ang paraan ko para malabas ang saloobin ko. Gumuguhit sa alaala ko ang mukha ni Colby na masaya. All this time, kaharap ko lang ang kapatid ko.
Sa tagal ng panahon.. ano kaya ang mangyayari kung ngayon ko sasabihin sa kanyang kapatid ko siya? Paniguradong hindi siya maniniwala. Dahil sa pagkakaalam niya ay anak siya ng katulong ng mga Campbell.
Malakas akong napabuntong hininga. Hindi ko basta-basta na sasabihin iyon sa kanya. Kailangan kong unti-untiin habang isinasagawa ang misyon ko. Sa huli, gusto ko talagang magtagumpay. Sa haba ba naman ng panahon ko 'tong pinaghandaan eh. Tapos matatalo lang ako?
Muli akong tumungga ng alak. Napapikit ako at nilasap ang lasa niyon. Saka ako muling nagmulat ng mga mata upang tanawin ang buwan. Muli kong naisip ang lalaki kanina na umatake sa akin sa eskinita. Halatang inaabangan niya ako at alam niya pa kung saan ako nakatira.
Kilala niya ang pangalan ko kahit nakapang-estudyante ako at iba ang itsura. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon kaya't patuloy ko iyong hinihulaan. Subalit dahil sa sinabi ng Mei Mei na 'yon sa mansyon ng mga DeCavalcante ay nagkaroon ako ng ideya.
Paano kung.. may kinalaman talaga si Evie? Siya lang naman ang may alam sa itsura ko---but no! Hindi niya magagawa sa'kin 'yon!
Bumakas naman sa alaala ko noong binigay niya sa akin ang DNA results namin ni Ryker na naging positibo. Samantalang ang DNA na nakuha ko sa mga DeCavalcante ay negative. Ano 'yon? Bakit mali?
Napabuntong-hininga ako. Hindi naman kalaban ang mga DeCavalcante. Alam na alam ko iyon dahil kung oo man, matagal na sanang bulgar ang pagkakakilanlan ko. Parang ama sa akin si Mr. DeCavalcante kahit pa trabaho ang lagi naming pinag-uusapan. Walang rason para kalabanin nila ako. Ganoon din naman ang turing ko kay Evie at sa pamilya niya. Walang rason para traydurin nila ako. Walang rason para hindi ako maging kampante kapag kasama ko sila! Sila pa nga ang tumutulong sa akin!
Tutungga na sana ako ulit ng alak nang mapagtanto kong naubos na ang laman niyon. Nagpakawala ako ng mabigat na hininga at para bang ganoon na lang ang pasanin kong problema.
Tumayo ako saka inunat ang aking katawan. Nagdahan-dahan ako sa paglalakad sa bubong at baka'y bumigay bigla. Eksperto akong tumalon sa pinakataas na palapag ng corridor at bumaba ng hagdan. Saka ako naglakad patungong silid ko. Alas-tres na nang madaling araw at kinakailangan ko pang pumasok mamaya sa akademya. Nagtuloy ako sa pagpasok sa silid ko at deretsong nahiga sa kama. Kahit pa uminom ako ng alak ay hindi ako nakaramdam ng pagkalasing. Subalit pagod ang katawan ko dahilan upang mabilis akong mawalan ng malay.

YOU ARE READING
CLUMSILY SEDUCING THE HIDDEN MAFIA HEIR
Action*SHE'S THE MURDEROUS DAUGHTER Naziena witnessed her parents being killed by a mafia led by the Campbell family, while her younger sibling was kidnapped by them. Fueled by a thirst for revenge, she disguised herself as a foolish and clumsy girl, cros...