Chapter 102

136 9 0
                                        

Aly's POV

Nakapagpalit na ako ng damit kaya dumiretso na ako sa University of Oxford. Mga pitong minutong lakaran lang naman mula sa tinutuluyan ko. Ayoko nang sobrang lapit, at ayoko rin nang sobrang layo. Gusto ko 'yung katamtaman lang ang distansya, dahil mula sa building na iyon ay matatanaw mo ang buong lugar na nakapaligid dito. Hindi naman gano'n kaengrande ang itsura ng university. Medyo may kalumaan na ang mga gusali, ngunit makikita mong malinis pa rin at naalagaan nang mabuti.

Habang naglalakad ako papunta roon, napansin ko ang mga estudyanteng nagmamadali, ang ilan ay may dalang mga libro at laptop, habang ang iba naman ay masayang nag-uusap. May kakaibang sigla ang lugar, parang kahit papaano ay nawala ang bigat ng pakiramdam ko habang pinagmamasdan ko sila. Sa bawat hakbang ko ay iniisip ko ang mga susunod na plano, ang mga hakbang na kailangan kong gawin para makamit ang mga layunin ko. 

Pagdating ko sa university, agad kong binati ang mga kaklase ko na nakatambay sa labas ng gusali. Napansin kong tila wala silang kamalay-malay sa mga nangyayari sa paligid. Ang pagiging inosente nila ay nagdulot sa akin ng kaunting inggit, pero sa parehong oras ay naisip kong mas lalo kong kailangang magpursigi. 

Pumasok ako sa loob ng gusali, at habang naglalakad sa makitid na hallway, nararamdaman ko ang lamig ng marmol sa ilalim ng aking mga paa. Sa kabila ng kalumaan ng lugar, may kakaibang karisma ito na parang may mga kuwento itong nais ipahayag. Ang mga dingding ay puno ng mga larawan ng mga alumni, mga taong sa tingin ko ay may kani-kaniyang kwento ng tagumpay at pagsisikap. 

Nang makarating ako sa aking klase, umupo ako sa paborito kong upuan malapit sa bintana. Mula doon ay tanaw ko ang malawak na hardin sa labas, puno ng iba't ibang bulaklak at mga nagtataasan at luntiang puno. Ang tanawing ito ay tila nagbibigay sa akin ng kalmado at kapanatagan, isang paalala na sa kabila ng lahat, may mga bagay pa ring hindi nagbabago—ang kagandahan ng kalikasan, at ang pag-asa ng mga bagong simula.

Tatawid na sana ako nang mapansin kong may kaguluhan sa dulong eskinita. Napangiwi ako at agad na tumungo roon. May kalahating minuto pa naman bago magsimula ang klase. Pagdating ko sa dulo, nakita kong may limang lalaki na binubugbog at pinagtatadyakan ang isang tao na nakasalampak na sa sahig. Napabuntong-hininga ako sa inis na dulot ng mga mokong na ito.

Parang baliw silang nagsisipagtawanan habang ginagawa ang karahasan. Kinuha ko ang selpon ko at tinawagan ang istasyon ng pulis, sinadya kong lakasan ang boses ko upang marinig nila.

"Hello? Istasyon ho ba ito ng pulis?" sabi ko, sapat lang para mapansin ng mga siga. "Nasa Turl Street ho ako, malapit sa The Z Hotel Shoreditch. May limang estudyante ho ng University of Oxford na binubugbog ang isang lalaki."

"Baliw ba 'tong isang 'to?" tanong ng isa sa mga lalaki, ngunit nagpatay-malisya lamang ako.

"Hoy! Patayin mo nga 'yang selpon mo. Gusto mo bang bubugin ka rin namin?" sabi ng isa pa, pero ngumiti lang ako sa kanila at hindi pinansin.

"Oho. Estudyante rin ho ako ng University of Oxford. Kawawa naman ho kasi kung pababayaan ko lang pong mabugbog 'yung isa," patuloy kong sinasabi sa telepono, kahit na hindi na ako nakikinig sa kabilang linya.

Inis na lumapit sa akin ang isa. Bago pa man niya mahablot ang selpon na hawak ko, agad akong umiwas at pinaikot ang katawan ko, sabay patama ng paa ko sa pisngi niya. Napahandusay ito sa akin.

Pinatay ko na ang tawag at nakangiting hinarap ang natitirang apat. Makikita ang gulat sa kanilang mga mukha, gano'n din sa lalaking kanilang binugbog. Tila hindi sila makapaniwala sa nangyari, at para bang hindi nila inasahang may susuporta sa kanilang biktima.

"Mukhang hindi niyo inaasahan 'to, ano?" biro ko, sabay tingin sa lalaki sa sahig. "Ayos ka lang ba?" tanong ko sa kanya habang unti-unti siyang bumabangon.

CAPTURED UNWILLINGLY BY HEART Season 2 (ON-GOING)Stories to obsess over. Discover now