Chapter 118

127 6 0
                                        

Aly's POV

Naunang umandar ang sasakyan nila Damian. Nasa chinook na sila. Tahimik lang akong nakasunod gamit ang motor ko, walang imik, walang emosyon—parang katawan na gumagalaw pero wala nang kaluluwa.

Nasa unahan sila, pero kahit nasa likod ako, ramdam ko ‘yung bigat sa pagitan naming lahat. Alam kong gusto nila akong makausap, ngunit hindi nila alam kung paano. Siguro kasi alam nilang hindi ako maayos. Wala namang makakaayos sa ganito.

Napatingin ako sa side mirror. Doon ko muling nakita ang Windsor Castle—halos nababalot pa rin sa makapal na usok, habang unti-unting nauupos ang apoy na kanina lang ay parang galit ng mundo.

Alam kong mali ang ginawa ko. At sa totoo lang… ramdam ko na mas madilim pa ang landas na tatahakin ko pagkatapos nito.

Pero hindi ko mapigilan. Hindi ko kayang umatras. Kasi habang pinagmamasdan ko ‘yung mga abo sa likod ko, mas malinaw sa akin ngayon—hindi na lang ito tungkol sa pagkawala ni Papa. Hindi na lang ito tungkol sa sakit.

Ito na ‘yung simula ng digmaan na matagal ko nang tinatanggihan.

Nabanggit ni Ate Sarah na sa St Thomas’ Hospital nila dadalhin si Papa. Sabi niya, iyon daw ang pinakamagandang ospital dito sa London. Kahit malayo, hindi ko na nagawang tumutol. Wala na rin akong lakas para makipagtalo pa.

Hindi ko nga rin maintindihan kung paano ko nagawang magmotor. Parang autopilot. Parang hindi na ako ‘to. Sa totoo lang, akala ko hindi ko na kaya. Akala ko matutulala na lang ako habang ginugupo ng lungkot at takot. Pero heto ako. Humihinga pa rin. Kumakapit pa rin, kahit parang wala nang matitibay na dahilan.

Pakiramdam ko mag-isa na lang ako. May mga nagsasabi namang “nandito lang kami,” pero bakit parang wala namang nakakarinig? Parang sila ang nasa ibang dulo ng mundo. Kahit gaano sila kalapit, parang hindi ko sila maabot. Ang lungkot ko ay parang pader—makapal, malamig, at walang ingay na makakatawid.

Si Jared, dati, siya ang sandalan ko. Siya ang pinsan kong parang kuya ko na rin. Pero ngayon, para kaming dalawang taong nakatingin sa isa’t isa mula sa magkaibang bangin. May distansya na hindi kayang sukatin ng kilometro. At ako? Hindi ko na rin alam kung may natira pa sa akin para maintindihan ng iba. Kahit sarili ko, hirap na akong damhin.

Wala akong lakas. Wala akong mahingan ng lakas. At ang tanging hawak ko lang ngayon ay ang pag-asang sana… sana kahit sa ospital na iyon, may himalang naghihintay.

Habang binabaybay ko ang madilim na kalsada, hindi ko na ramdam ‘yung hangin. Parang wala na akong ilong, wala na akong balat—wala na akong pakiramdam. Hindi ko na rin alam kung umiiyak pa ba ako o natuyo na lang sa bilis ng takbo. Ang paligid ko, parang pelikulang pinapa-fast forward. Wala akong maintindihan. Wala akong makita nang malinaw. Basta ang sigurado lang—kailangan kong makarating.

Parating na sila. Sa isang ospital na wala sa mapa. Wala sa GPS. Wala sa kahit anong listahan. Isang abandonadong gusali dati—pero inangkin, inayos, sinarado para sa mga kagaya ni Papa. ‘Yung mga taong hindi puwedeng mamatay nang may nakakakita.

Sa baba, kasabay halos ng paglapag ng Chinook, dumating ako.

Mabilis akong bumaba ng motor, halos hindi ko na maalala kung paano ko naipatong 'yung kickstand. Tinanggal ko ang helmet, humulas ang buhok kong basang-basa ng pawis. Nanginig ang kamay ko habang hawak pa rin ang susi, parang hindi ko alam kung saan ako pupunta. Pero ang paa ko, kusa nang gumalaw.

May nakita akong mga tauhan namin na magbabantay. Walang pumigil sa 'kin. Walang nagtanong. Parang inihanda na talaga ang lugar para sa amin—o para sa kaniya. Tahimik ang buong lugar. Parang sinadya. Parang parte ng plano nina Ate Sarah at Kuya Alex ang burahin ang buong eksenang 'to sa reyalidad.

CAPTURED UNWILLINGLY BY HEART Season 2 (ON-GOING)Stories to obsess over. Discover now