Chapter 117

131 9 0
                                        

Aly's POV

Mabilis kong pinunasan ang mga luha sa pisngi ko habang tinatahak ang madilim at tahimik na daan palabas. Pilit kong pinipigil ang pag-iyak, ngunit ang bawat hakbang ay tila may kasamang bigat ng tanong na walang kasagutan.

Gusto kong magalit. Gusto kong isigaw ang lahat ng sama ng loob na nabuo sa loob ko. Gusto kong magalit kay Mr. Richard—ang lalaking sa buong buhay ko'y inakala kong estranghero, ngunit ama ko pala.

Gusto kong sisihin siya sa lahat ng bagay na itinago sa akin—ang tunay kong pagkatao, ang mundo sa likod ng mundong kilala ko, ang Ang Konseho, ang The Twelve Core... ang katotohanan.

Gusto ko ring magalit kay General Ezequiel. Ang lolo kong kailanman ay hindi ko nakilala, ngunit ngayon ay iniwang pasan ko ang rebolusyong hindi ko piniling salihan. Ang mga desisyong ginawa niya noon ay parang maliliit na bato na ngayo'y naging bundok na ako ang kailangang akyatin.

Ngunit kahit anong gawin ko—kahit anong pigil ko sa sarili kong maunawaan sila—hindi ko kayang hindi maramdaman ang dahilan sa likod ng mga ginawa nila.

Nakikita ko ang anino ng takot ni Mr. Richard sa bawat hakbang na ginawa niyang palihim. Nararamdaman ko ang bigat ng pangakong iniwan ni General Ezequiel—hindi lang para sa kaniya, kun'di para sa susunod na salinlahi.

At narito ako. Ang 'pure'. Ang taong may dugo ng dalawang pinunong minahal ang bayan higit sa sarili. Ang taong hindi kailanman humiling ng kapangyarihan, ngunit ngayon ay may dalang responsibilidad na maaaring magpabago ng mundo.

Nanghihina ako. Natatakot ako. Nalilito ako.

Pero sa kabila ng lahat, may maliit na apoy sa dibdib ko na hindi namamatay. Isang apoy na nagsasabing kahit hindi ko pa alam ang lahat, may dahilan kung bakit ako ang pinili ng kapalaran.

At sa oras na malaman ko ang buong katotohanan—hindi ako tatalikod. Kahit pa masaktan ako. Kahit pa mapuno ako ng galit. Gagawin ko ang tama... hindi para sa kanila, kun'di para sa sarili ko. Para sa mga taong hindi na muling dapat mawalan ng pag-asa.

Nang makalabas ako mula sa ilalim ng Archive Room, tila sumabog ang bigat ng mundo sa balikat ko. Huminga ako nang malalim, pilit inaayos ang sarili ko kahit pa nanginginig pa rin ang mga kamay ko. Hindi ko na alam kung alin ang totoo, alin ang dapat paniwalaan.

Hanggang sa maramdaman ko ang dahan-dahang pagdampi ng mainit na kamay ni Damian sa likuran ng palad ko. Banayad. Hindi mapilit. Para bang hinihintay niya kung papayagan ko siya. Hindi ko na inalis ang kamay ko, hindi dahil sa lakas, kundi dahil sa kahinaan. Kailangan ko ng sandalan kahit saglit lang.

"You okay?" mahina niyang tanong, halos pabulong, para bang ayaw niyang guluhin ang bagyong umiikot sa loob ko.

Hinabol ko ang hininga ko, saglit na pinikit ang mga mata, bago mahina kong sambit:
"H-Hindi ko na alam ang gagawin ko..." Ang boses ko'y halos wala nang lakas. Tila ba ang mga salitang iyon ay hindi na para sa kaniya, kun'di isang desperate confession sa sarili kong nawawala na sa sariling daan.

Hindi siya sumagot. Wala siyang sinabi. Ngunit hindi rin siya umalis.
Sa katahimikang iyon, ramdam ko ang presensya niya—hindi bilang tanong, hindi bilang utos, kun'di bilang tahimik na suporta. Alam kong may mga tanong siya. Alam kong gusto niyang malaman kung ano ang napag-usapan namin ng Punong Ministro, kung bakit namumugto ang mga mata ko, kung bakit tila nagbago ang bigat ng aura ko.

Pero hindi siya nagtulak. Hindi siya nangulit.

Nakikiramdam siya. At naiintindihan niyang may mga bagay na hindi agad kayang ibahagi.

Ramdam ko ang bigat sa mga mata niya, ang pag-aalala, ang pagpipigil. Pero sa katahimikan niya, nahanap ko ang isang sandaling pahinga. Walang tanong. Walang pilit na sagot.

CAPTURED UNWILLINGLY BY HEART Season 2 (ON-GOING)Stories to obsess over. Discover now