Chapter 105

121 2 0
                                    

Jerwin's POV

Pagkarating namin sa bar, agad na dinala ako ng mga tauhan ni Mr. Brown patungo sa kaniyang puwesto. Malayo pa lang, nanginginig na ang tuhod ko sa takot at kaba. Alam kong marami nang mga tao ang pinatumba ni Mr. Brown dahil sa hindi pagbabayad ng kanilang utang. Para sa kaniya, tila napakadali lang na ipatupad ang hustisya sa mga hindi nakakapagbalik ng kanilang utang. Pera niya iyon kaya kailangan din niyang bawiin kung wala ka namang balak isauli.

Dati pa man, naging bisyo ko na ang paglaglaro ng sugal, na sa kalaunan ay naging ugali ko na. Ito Sa aking hindi matigil na pagkakasugal, umabot na sa libo-libo ang aking utang kay Mr. Brown, umaasang babawi ako sa aking mga pagkatalo. Ngunit sa kabila ng aking mga pagsusumikap, tila lagi pa rin akong talo, dahilan para lumaki nang lumaki ang aking utang sa kaniya. Dahil dito, halos hindi na ako makawala sa kontrol ni Mr. Brown.

Sa bawat pagkakataon ipinatatawag niya ako, ang puso ko ay puno ng matinding kaba at pag-aalala kung paano ko siya haharapin. Ayokong matulad doon. Kaya hangga't maaari ay naghahanap ako ng pagkakakitaan upang makabayad kay Mr. Brown kahit pakonti-konti lamang.

Ang bawat hakbang papunta sa puwesto ni Mr. Brown ay parang isang hakbang patungo sa aking kapahamakan. Ang malalaking pader ng kanyang opisina at ang malamig na atmospera nito ay tila nagpapalakas sa aking takot. Minsan, naiisip ko kung paano ko sana napigilan ang aking sarili sa pag-aakalang maaaring makuha ko pa ang aking pera sa sugal. Ngunit ngayon, wala na akong magagawa kun'di ang humarap at harapin ang mga posibleng kaparusahan ng aking mga nagawa.

"Mr. Brown, nandito na si Jerwin." Inanunsyo ng isa sa mga tauhan habang kami'y naglalakad papunta sa harapan ng matandang boss. Nang makalapit kami, lumingon si Mr. Brown, hawak ang isang basong whiskey sa kanyang kanang kamay, tila ba walang iniintindi sa paligid.

Habang papalapit ako, lalo lamang akong kinakabahan. Sa malayo pa lang, kitang-kita ko na ang seryosong ekspresyon sa kanyang mukha, bagay na lalo pang nagpalakas ng kaba sa dibdib ko. Kilala si Mr. Brown sa kanyang walang-awang paraan ng paniningil, at alam kong hindi ako exempted doon.

"Nasaan na ang pera ko, Jerwin?" tanong niya, ang tono ng kanyang boses ay malamig at puno ng pananakot. "Alam mo naman kung ano ang ginagawa ko sa mga taong hindi nagbabayad, 'di ba?"

Mabilis ang tibok ng puso ko habang sinusubukan kong magpaliwanag. "P-Pasensya na, Mr. Brown. Medyo gipit talaga ako ngayon. Hindi pa ako nakakasahod. Pero kapag natanggap ko na, ibibigay ko 'yun sa'yo lahat," sagot ko, pinipilit kong maging maayos ang boses ko kahit na ramdam na ramdam ko ang takot sa bawat salita.

"Sa kakarampot na suweldo mo? Sa tingin mo, kakasya iyon?" tanong niya nang may halong panunuya habang abot-kamay niyang kinuha ang baril na nakapatong sa tabi niya.

Dahil sa takot, napaatras ako, ngunit agad akong hinarangan ng dalawang malalaking lalaki sa likuran ko. Para akong naipit sa gitna ng isang bangungot na wala nang gisingan. Hindi ako makapagsalita, at ang kaba ko ay lalo pang lumala.

Ngunit sa isang iglap, bumasag sa katahimikan ang malakas na tawa ni Mr. Brown, na ikinagulat ko. Hindi ko inasahan ang reaksyon niyang iyon, na lalo pang nagpaalab sa takot at pagkalito ko.

"Huwag ka namang matakot. Wala pa nga akong ginagawa, e. Alam ko namang magbabayad ka. Hindi mo naman ako tatakasan, 'di ba?" tanong niya, ngunit hindi ako makasagot. Nakatingin lamang ako sa baril na hawak niya, na para bang iyon na ang magiging katapusan ko.

Tinapik niya ang silya sa tabi niya, sinenyasan akong umupo. "Umupo ka nga rito. Masyado ka namang kabado."

Bagaman nanginginig sa takot, wala akong nagawa kun'di sundin siya. Dahan-dahan akong umupo sa tabi niya, pilit na pinapakalma ang sarili ko kahit na parang bibigay na ang tuhod ko. Sa bawat segundo na lumilipas, ramdam ko ang bigat ng sitwasyon, tila ba isang maling galaw lang ay maaaring ikawala ko na ng hininga.

CAPTURED UNWILLINGLY BY HEART Season 2 (ON-GOING)Where stories live. Discover now