Aly's POV
Bago pa man ako mapigilan ni Damian, parang may kung anong kusang puwersa ang tumulak sa akin para lumapit sa bus. Hindi ko na naisip ang panganib o ang kaba, basta’t ang nasa isip ko lang ay kailangan kong kumilos bago pa mahuli ang lahat.
"Tumawag ka ng mga rescuers!" sigaw ko kay Damian, hindi ko na siya nilingon pa.
Alam kong bawat segundo ay napakahalaga. Kung mahuli man lang ako nang kaunti, tiyak na mahuhulog ang bus sa tubig, at baka hindi na mailigtas ang mga bata. Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko habang tumatakbo ako palapit sa bus, ang bawat hakbang ay tila alon ng determinasyon.
Pagdating ko sa likuran ng bus, agad kong napansin na may pintuan doon. Ngunit nakasarado ito. Sa kabila ng lahat, napansin kong may mga batang nagsisiksikan malapit sa salamin, halos magkaagawan sa paghingi ng tulong. Halos lahat sila ay umiiyak, at kita sa kanilang mga mukha ang matinding takot. Ang bus ay patuloy na unti-unting dumudulas papunta sa gilid ng tulay, parang anumang oras ay bibigay ito.
Marahan kong kinatok ang salamin para makuha ang atensyon ng mga bata. Isang batang lalaki ang unang nakapansin sa akin. Tumitig siya sa akin na parang humihingi ng pag-asa, kaya’t marahan akong ngumiti upang ipakita na naroon ako para iligtas sila. Ginawa ko ang lahat para mapanatiling kalmado ang ekspresyon ko, kahit sa loob-loob ko ay napuno ako ng kaba.
Sinenyasan ko siya na tingnan ang lock ng pintuan sa loob, na iyon lamang ang paraan para mabuksan ko ito. Agad niya akong naintindihan at sinubukang i-unlock ang pinto. Nakita kong hirap siya, ngunit hindi siya sumuko. Maya-maya pa, dalawang bata ang tumulong sa kaniya, sabay-sabay nilang itinulak ang lock. Kahit bakas sa kanila ang pagod at takot, nagpatuloy sila.
Sa wakas, naramdaman kong bumukas ang pinto, at kahit papaano ay nagkaroon ako ng bahagyang ginhawa. Ngunit alam kong hindi pa tapos ang laban. Kailangang mailigtas ang bawat bata bago pa tuluyang mahulog ang bus.
Tinulungan ako ni Damian para ilikas ang mga bata sa loob ng bus. Bilis at koordinasyon ang naging susi namin, dahil alam naming nasa kritikal na oras na kami.
"We should hurry. The bus is about to fall," mahinahong saad ni Damian, ngunit ramdam ko ang tensyon sa boses niya.
Habang nagsisimula kaming mag-evacuate, napansin kong maraming tao ang lumapit upang tumulong. Sama-sama nilang inakay ang mga bata palabas ng bus, halatang nagmamadali ang lahat. Gayunpaman, nang tingnan ko ang loob, nakita kong may tatlo pang natitira—isang bata, ang guro, at ang drayber na walang malay.
Hindi ko na kayang maghintay pa. Kahit alam kong delikado, nagdesisyon akong pumasok sa loob. Ramdam ko ang bahagyang pag-uga ng bus sa bawat galaw ko, pero pinanatili ko ang kalmado ko para hindi lalo pang matakot ang mga natitira.
Napansin ko ang guro na tila nahihirapang ilabas ang bata dahil sa takot. Ang bata ay patuloy na umiiyak, mukhang lubos na natataranta sa nangyayari. Lumapit ako sa kanila, at kahit kinakabahan, ginawa kong kalmado ang boses ko para mas mapagaan ang pakiramdam nila.
"Hi," bati ko sa batang babae, marahan ang tono ko. Pinilit kong alalahanin si Nini, ang kapatid nila Carlo, para maipakita ang pagkalinga sa sitwasyong ito.
Hindi siya umimik at patuloy lamang sa pag-iyak.
"Ako si Aly," sabi ko habang lumuhod sa harapan niya. "Puwede mo akong tawaging Ate Aly kung gusto mo." Ngumiti ako sa kaniya, pilit na pinapakalma ang kanyang takot.
"Puwede ko bang malaman ang pangalan mo?" tanong ko muli, dahan-dahan ang boses ko.
"C-Candy," sagot niya sa pagitan ng mga hikbi.
YOU ARE READING
CAPTURED UNWILLINGLY BY HEART Season 2 (ON-GOING)
AcciónCUBH Season 2 After all the pain and the feeling of being abandoned, Zen stood on the edge of giving up. But then, something unexpected changed everything-a new spark of hope, a chance to begin again. He decided to return to the place where it all s...
