Episode 14 (2/4)

37 3 0
                                    

THAN

Nasa likurang bahagi ng soccer field kung saan mayroong isang bakanteng classroom na matagal ng hindi ginagamit ako dinala nina P'Mil at mga kaibigan nito .

Gusto kong lumaban at kumawala ngunit wala akong lakas para gawin iyon. Walang tigil na nagbagsakan ang aking mga luha. Takot ang siyang bumabalot sa aking puso dahil hindi ko alam kung anong gagawin nila sa akin ngayon.

Pagdating namin sa loob ng nasabing classroom ay agad nilang itinali ang kamay ko patalikod.

"Parang awa niyo na P'. Pakawalan niyo ako." pagmamakaawa ko sa kanila. Nagsusumamo ang aking boses.

Hinawakan niya ang pisngi ko. Naramdaman ko ang pagbaon ng kaniyang mga daliri dahil sa higpit ng pagkakahawak nito.

"Kung sana nilayuan mo si Earn eh di sana hindi tayo umabot sa ganito. Gusto ko lang ipakita sayo kung sino ang binabangga mo." mas lalong naging mahigpit ang pagkakahawak niya sa aking mukha.

"Mali lahat ng hinala mo P'. Magkaibigan lang kami ni Earn." naluluhang paliwanag ko. Ngunit hindi siya naniwala sa sinabi ko.

"Magkaibigan? Sinong maniniwala sayo? Dahil sayo nilayuan ako ni Earn. Ikaw ang dahilan kung bakit hindi niya ako pinapansin." galit na sabi ni P'Mil. Mas lalo akong nakaramdam ng takot ng makita ko ang nanlilisik niyang mga mata.

"P' para niyo ng awa. Magkaibigan lang kami ni Earn. Maniwala ka sa akin P'Mil." pagmamakaawa ko parin sa kaniya.

Ngunit hindi niya ako pinakinggan at sa halip bigla niya akong sinuntok sa mukha. Naramdaman ko ang biglang pamamanhid nito. Masakit ngunit wala akong magawa.

"Mil, tama na yan!" saway ni P'Phu sa kaniya, isa sa mga kaibigan niya.

"Tama?! Kulang pa 'to!" si P'Mil at muli niya akong sinuntok sa tiyan. Halos nanghina ako sa suntok nito na naging dahilan para matumba ako sa sahig.

Agad akong nilapitan ni P'Phu at hinarangan si P'Mil.

"Tama na yan!" saway ulit nito kay P'Mil. "Wala sa plano natin 'to. Ang sabi mo kakausapin mo lang siya." sabi pa nito at pagkuwa'y nilingon niya ako.

"Umalis ka diyan Phu!' galit na sabi ni P'Mil.

"Hindi!" nagmamatigas ang tinig ni P'Phu. "Wala sa usapan 'to. Kaya hindi ako papayag na saktan mo siya."

Nakita kong nagsalpukan ang mga kilay ni P'Mil samantalang hinawakan naman ni P'Phu ang ulo ko.


NEO

Nakita kong hindi kasama nina Shin at Juanse si Than. Hindi ito usual na nangyayari. Kadalasan sabay silang umuuwing tatlo lalo pa't maaga magsisimula ang training namin ngayon. Maliban noong unang beses na nahuli siya, ni minsan hindi na nahuli si Than sa aming mga insayo.

"Nasaan si Than?" agad kong usisa paglapit ko sa kanila.

"Akala namin nandito na siya." saad ni Juanse.

"Hindi pa siya dumating. Bakit hindi kayo magkasama ngayon?" bigla akong nag-alala.

"Nagpaalam siya sa amin kanina na pupunta ng CR. Hindi na siya bumalik kaya inisip namin na nauna na siyang umuwi dito."

Bigla akong kinabahan sa sinabi ni Shin. Hanggang naalala ko ng minsang nakita ko siya sa CR kung saan muntikan na siyang saktan ni Mil.

Patakbo akong bumalik sa aming building. Una kong pinuntahan ang CR ngunit wala roon si Than. Bumalik ako sa kanilang classroom ngunit wala naring taong naroroon. Pinuntahan ko ang likurang bahagi ng building ngunit wala rin akong makita. Mas lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib.

MY STAR (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon