Episode 1 (4/4)

119 7 0
                                    


 

THAN
 
           Mukha ng lalaki ang sumalubong sa aking paningin. Isang lalaki ang nakapatong sa ibabaw ko. Nakatingin siya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Matagal kaming nagkatitigan. Kapwa kami napatulala ng mga sandaling ito. Hanggang may lumapit sa kanya na isang lalaki at agad siyang tinulungang makatayo. Doon ko lamang naramdaman, ang bigat niya at medyo masakit ang aking katawan.
 
           “Huwag ka kasing tatanga-tanga.” galit na sabi nito sa akin pagkatayo ko.
 
           “Aww! Ikaw nga tong bumangga sa akin ikaw pa tong nagagalit.” sabi ko na parang biglang uminit ang aking ulo.
 
           “Eh kung di ka sana paharang-harang eh di sana di kita nabangga.” sarkastiko naman nitong turan.
 
           “Namimili kami rito tapos ikaw itong hindi tumitingin sa dinadaan.”
 
           “So kasalanan ko pa ngayon?” lumakas ang kanyang boses. Halatang galit na ito.
 
           “Ahhhh.....pasensya ka na. Ako na ang humihingi ng sorry.” biglang sabi ng kanyang kasama na tila inaawat siya.
 
           Hindi ako umimik at sa halip tiningnan ko lamang ang nasabing lalaki na nakasimangot. Halos nagsalpukan ang aking mga kilay.
 
           “Than, tama na ‘yan.” awat sa akin ni Heart.
 
           “Halika ka na!” aya naman ng kasama nito sa lalaking bumangga sa akin. “Sorry ulit, huh.” sabi pa nito bago umalis tapos sabay hila sa kamay ng lalaki.
 
           Sobra akong nainis dahil siya pa ang may ganang magalit gayong siya naman ang may kasalanan.
 
“Shit talaga ang lalaking iyon! Kala mo kung sino!” galit kong naisaloob.
 
           “Ok ka lang?” tanong ni Heart.
 
           “Uhm!” iyon lamang ang naging tugon ko. Pero sa aking kaloob-looban ay naroon ang galit.
 
           Pagkatapos naming mamili ng mga school supplies ay agad akong niyaya ni Heart na pumunta sa isang food court. Niyaya niya akong kumain ng ice cream para daw kahit papaano’y lumamig ang aking ulo. Tama! Uminit nga talaga ang ulo ko kanina. Hindi naman ako nagalit dahil nabangga niya ako. Alam ko naman na aksidente lang iyon. Pero doon lang ako hindi pabor na siya pa ang may ganang magalit samantalang siya naman ang may kasalanan. Di ba puwedeng humingi na lamang siya ng sorry instead na magalit? Eh di sana walang problema.
 
           Basta! Naiinis ako sa lalaking ‘yon. Pag nakita ko ulit siya ay sasapakin ko talaga ang pagmumukha niya para matauhan. Ang yabang! Kala mo kung sino! Kala mo ang guwapo!
 
           Awww! Kunsabagay, guwapo nga siya. Nakita ko kanina habang nagkatitigan kami. Pero di hamak na lamang ako sa kaniya! Hmmmpppp! Kahit papano’y pinapagaan ko ang aking loob sa sobrang inis.
 
           “Nakakainis!” naiinis kong sabi pagkatapos isubo ang isang kutsaritang ice cream.
 
           “Hey Than! Tama na ‘yan. Kalimutan mo na ‘yong nangyari kanina.” saway sakin ni Heart.
 
           “Nakakainis naman kasi! Siya na ang may kasalanan siya pa ang nagagalit!”
 
           “Puwede ba hayaan mo na nga ‘yon.”
 
           “Pag nakita ko ulit ‘yon, lagot sa akin siya.”
 
           “Huwag mo na kasing patulan!”
 
           Natahimik na lamang ako. Buong buhay ko ay wala naman akong naging kaaway. Never pa ako nakipag-away. Hindi ko rin ugaling maghanap ng gulo. Pero kanina, ewan ko lang! Parang ang sarap niyang sapakin.
 
           Pagkatapos naming kumain ay agad na kaming umuwi. Nabili na rin namin ang lahat ng kakailanganin namin sa school. Kumpleto na rin lahat ng gamit ko. Palabas na kami ng mall ng bigla kong nakita ang lalaking bumangga sa akin kanina. Biglang napataas ang kilay ko. Parang gusto kong sugurin at suntukin siya. Subalit pinigilan ako ni Heart.
 
           Hindi nila kami nakita. Kaya nagpatuloy nalang kaming dalawa na umuwi. Pinalampas ko na lang ang pangyayari kanina. Sumakay kami ng taxi. Una akong hinatid ni Heart sa amin. Gaya ng dati, siya na naman ang magbabayad ng pamasahe. Well, gusto ko namang magbayad kaso ayaw niya. Sabagay, may kaya rin naman siya. Kaya hindi na rin ako nagpumilit pa.
 
           “Bye.” sabi ko pagbaba ng taxi.
 
           “Bye.” tugon naman niya.
 
           Pag-alis ng taxi ay agad akong pumasok sa loob ng aming bahay. Wala pa ngayon sina Papa at Kuya. Malamang nadoon pa sila sa tindahan. Mag 7:00 pm pa lang naman kasi. Kadalasan nagsasara ang aming tindahan ng mga 8:00 pm. Inilapag ko muna ang aking mga dala. Pumunta ako sa kusina at tiningnan kung ano ang puwede kong maluto para sa aming hapunan. Nagbukas ako ng ref at nakita kong mayroong karne ng manok sa freezer. Nag-isip ako kung ano ang puwede kung lutuin. Tama! Tom Kha Gai na lang. Tutal magaling naman akong magluto noon. Actually tinuruan ako ni P’Knock noon. Kaya nakuha ko ang kanyang style ng pagluluto. Magaling kasing magluto si Kuya.
 
           Habang nagluluto ako ay naisip kong magpaturo pa ng ibang klaseng menu kay Kuya. Kailangang matuto pa ako ng ibang recipe lalo na ngayon mapapalayo na ako sa kanila.
 
           Hmmmm….ang bango ng niluto ko. Tila natatakam na ako. Pero kailangan ko munang pigilin ang aking sarili. Sabay na kaming tatlo nina Papa at Kuya na kakain mamaya.
 
           Dahil medyo matagal pa ang uwi nila, pumunta muna ako sa aking kuwarto pagkatapos kong magluto. Inayos ko muna ang aking mga pinambili pagkatapos ay nagpalit ng aking damit. Muli akong bumaba at nagtungo sa sala. Doon ko na lang sila hihintayin. Manonood muna ako ng paborito kong series ang Make It Right The Series. Actually kuwento ito ng mga lalaking estudyante na nagkagusto sa isa’t isa. Ewan! Tila nahuhumaling ako rito. Maganda naman kasi talaga ang story. Nakakarelate ako kasi pang high school ang genre.
 
           Mayamaya ay dumating na sina Papa at Kuya. Agad kong inayos ang mesa. Inihanda ko ang aming hapunan. Pagkatapos kong maihanda ang lamesa ay agad na kaming kumaing tatlo.
 
           “Wow! Ang sarap ng luto mo ah.” sabi ni P’Knock nang matikman ang niluto ko.
 
           Natuwa ako sa aking narinig mula sa aking Kuya.
 
“P’, turuan mo pa ako ng ibang recipe.”
 
           “Bakit naman?” taka niyang tanong.
 
           “Para matuto akong magluto pag nandoon na ako sa New Sathorn International School.”
 
           “Di ba libre na ang food niyo roon? Bakit kailangan mo pang mag-aral ng ibang recipe?”
 
           “Para pag namiss ko kayo ni Papa at mamiss ko ‘yong luto mo ay magluluto na lang ako roon.”
 
           Natigilan si P’Knock sa aking sinabi. Tiningnan niya ako at biglang nalungkot ang kanyang mukha. Kapagkuwan ay ngumiti sa akin ng bahagya at pagkuwa’y hinimas ang aking ulo. Sabay himas sa aking ulo.
 
“Ikaw talaga! Eh di ipagluluto kita tuwing uuwi ka ng weekend. Bago ka uuwi, magtext ka muna sa akin kung ano ang gusto mong kainin para maipagluto kita.”
 
           Napakamot ako ng aking ulo.
 
“P’Knock, gusto ko rin matuto. Gusto ko ipagluto kayo ni Papa ng ibang menu.”
 
           “Oo na! Bukas, tuturuan kita.”
 
           “Talag,a P’?”
 
           “Khrap!”
 
           Si Papa ay naka-smile lamang habang pinagmamasdan kami. Nakuha ko ang mga ngiti niya. Ramdam ko na nalulungkot din siya na mag-aaral ako sa malayo. Pero very supportive si Papa. Kahit mahirap para sa kanya ay tinatanggap at kinakaya niya lahat basta para sa mga pangarap namin ni Kuya.
 
           Pagkatapos naming maghapunan ay tinulungan ko si P’Knock na maghugas ng pinggan. Nang maayos na namin ang lahat ay agad kaming pumunta sa sala para doon kami mag bonding. Ganito ang buhay naming tatlo. Pero kahit kami lang ay hindi namin naramdaman na may kulang sa amin. Pinupunan nina Papa at Kuya ang lahat. Actually, hanggang ngayon ay wala paring girlfriend si P’Knock. Sabi kasi niya, ayaw niyang may kahati kami ni Papa sa kanya. Oh di ba! Sino bang magsasabi na hindi perfect ang buhay ko? I have the best Papa and the best Kuya. Kaya ako, hindi ko rin hinahanap ang girlfriend-girlfriend na ‘yan. Happy na ako na kaming tatlo lang.
          
           Kinabukasan, tinuruan nga ako ni P’Knock ng iba pang recipe. Hindi na muna kami pumunta sa aming tindahan. Bawat itinuturo niya sa akin ay isinasaulo ko kung paano gawin iyon. Kailangan kong matuto para kahit nasa malayo ako ay hindi naman ako magugutom.
 
           The best talaga ang Kuya ko. Matalino na, mabait pa tapos guwapo at ang galing pang magluto. Kaya nga walang duda ang daming nagkakagusto sa kanya. Naalala ko pa dati, sa akin pa pinapadala ng mga girls ang mga regalong ibinibigay nila sa kanya. Minsan nga ay nagmumukha na akong delivery boy. Pero ni isa ay walang pinapansin si Kuya sa kanila, kahit pa iyong kababata niyang si P’Earth ay never nagka-chance sa kanya. Lumipat na lang ng school, hanggang ngayon ay bokya pa rin…hehehe.
 
           Tatlong recipe ang itinuro sa akin ni Kuya. Wow! Marunong na akong magluto. Salamat sa Kuya ko na super bait at super galing. Tama! Ako minsan ang magluluto roon. Ang ibig kong sabihin ay pag naroon na ako sa NSIS. Ipapatikim ko sa kanila kung gaano ako kasarap magluto.
 
           Pagkatapos naming magluto ay agad kaming pumunta sa aming tindahan. Doon naman namin i-spend ang aming hapon ngayon. Tutulong na naman kami kay Papa. Medyo marami ang customer ngayon kaya medyo busy kami. Sakto lang din ang aming dating.
 
           Nag-aayos ako ng ibang stocks nang biglang may lumapit sa akin. “
 
“Mayroon ba kayong Hanami?” tanong nito sa akin.
 
           Nang lumingin ako ay nagulat ako sa aking nakita. Si Shin habang nakangiti sa akin.
 
“Huh?” gulat kong sambit.
 
           “Mayroon ba kayong Hanami?” tanong niya ulit sa akin.
 
           “Errr…sandali lang.” tapos pumunta ako sa kabilang lane para kunin ang kanyang binibili ngunit pagdating ko roon ay wala ng stocks. Nagtanong ako kay Papa kung mayroon pa bang stocks niyon.
 
           “Pa, mayroon pa ba tayong stocks ng Hanami?” tanong ko sa kanya.
 
           “Naku! Nandoon sa bahay. Nakalimutan kong dalhin dito. Doon kasi deniliver kahapon.” pakamot-ulong sagot ni Papa.
 
           “Ah sige, Pa, kukunin ko na lang muna roon.” binalikan ko muna si Shin para sabihin sa kanya na maghintay lang ng saglit.
 
           “Kunin ko lang muna ‘yong stocks sa aming bahay. Nakalimutan kasi ni Papa na dalhin dito. Babalik lang ako kaagad. Malapit lang naman ‘yong bahay namin.” sabi ko sa kanya. Aalis n asana ako nang….
 
           “Samahan na lang kita.” Biglang sabi ni Shin.
 
           “Huh!” nagulat ako sa kanyang sinabi. “Hintayin mo na lang ako rito.” giit ko pa sana ngunit nagpumilit siya.
 
           “Hey! Sasamahan na kita. Tutal gusto ko rin makita ang bahay niyo.”
 
           Dahil sa naging mapilit siya ay pumayag na rin ako. Biglang naisip ko, may pagkamakulit din pala ang lalaking ito.
          
           Naglakad lang kami papuntang bahay. Habang nasa daan ay wala pa kaming imikan sa una. Subalit nagsimula na naman ang kanyang pagiging detective.
 
           “Nasaan pala ang Mama mo?” tanong sa akin nito.
 
           “Wala na akong Mama. 8 years old pa lang ako nang mamatay siya.”
 
           “Ah, pareho pala tayo.”
 
           “Ibig mong sabihin wala ka na ring Mama?”
 
           “Oo, 3 years ago pa lang ako nang mamatay siya.”
 
           “Ahh, sorry.” sabi ko sa kanya nang may kalungkutan sa aking tinig.
 
           “Hey! Mai bpen rai. Actually, tanggap na namin na wala na siya.”
 
           “Taga saan pala kayo?”
 
           “Chon Buri. Last month lang kami lumipat dito.”
 
           “Bakit naman kayo lumipat dito sa Bangkok?”
 
           “Dito na kasi si Dad nag-ooffice. Naibenta niya kasi ang ibang negosyo namin doon.” sabi ni Shin na napabuntong hininga pa. “Buti naman hindi nag-asawa Papa mo, no?”
 
           “Ah oo, happy na raw siya na nandiyan kami ni P’Knock. Kuntento na raw siya sa amin.”
 
           “Buti pa sa’yo.” biglang nalungkot siya.
 
           “Ang Dad mo pala?”
 
           “May Step Mom ako.” malungkot niyang sagot.
 
           “Mabait naman kaya Step Mom mo”
 
           “Uhhmm…ok din naman siya. Kaso lang hindi ko pa matanggap na pinalitan na ni Daddy si Mommy.”
 
           “Awww! Wala na ang Mommy mo. Siyempre kailangan ng Dad mo nang makakasama.”
 
           “Eh bakit ang Papa mo hindi na nag-asawa na kung tutuusin matagal nang wala ang Mama mo?”
 
           “Iba ang Papa ko sa Daddy mo. Marahil kailangan ng Dad mo ng partner.”
 
           “Eh ako pala? Nandito naman ako ah.” malungkot niyang sabi.
 
           Napatingin ako sa kanya. Nakita ko sa kanyang mukha na tila disappointed siya sa muling pag-aasawa ng kanyang ama. Akala ko buhay ko lang ang ma-drama. Mas ma-drama pa pala ang buhay nito kaysa sa akin.
 
           Pagdating namin ng bahay ay tila namangha siya.
 
“Wow! Ang ganda ng bahay niyo.” sabi niya habang palibot-libot ang kanyang mga mata.
 
           “Nagagandahan ka nito?” nagtataka kong tanong sa kanya.
 
           “Oo naman! Ang fresh kaya. Saka feeling ko ang peaceful dito.” aniya na animoy inamoy-amoy pa ang paligid.
 
           Marami kasi kaming tanim na bulaklak. Maliit lang ang bahay namin pero maayos din naman tingnan at malinis. Sabi nga nila, daig pa raw namin ang may kasamang babae sa bahay.
 
           “Mas maganda ‘yong bahay niyo. Malaki at magara. Mayaman pala kayo.”
 
           “Malaki nga pero napaka-boring naman.” naka-ismid niyang sabi.
 
           Parang ang laki ng pinagdadaanan ng taong ito ah.  
 
           “Mas gusto ko ‘yong ganito. Simple lang pero tahimik at presko. Di tulad sa amin, malaki nga pero halos di naman kami nag-uusap ni Dad. Kapag kumakain ako ay minsan mag-isa lang ako, Siguro sabay kayo tuwing kumakain no.”
 
           “Oo…most of the time sabay talaga kami lalo pag nandito lang kami sa bahay.”
 
           “Masaya siguro pamilya mo.”
 
           Hindi ko muna sinagot ang kanyang sinabi. Pinaupo ko muna siya sa upuan sa maliit naming garden. Kumuha ako ng malamig na tubig sa loob. Pagbalik ko ay inabot ko sa kanya ang isang baso na may lamang malamig na tubig.
 
           “Salamat.” sabi niya nang inabot niya ang bigay kong baso. Bahagya siyang uminom.
 
           Naupo na rin muna ako na kaharap siya.
 
 “Actually, kahit tatlo lang kami ay masaya naman kami. Kahit minsan kapos sa pera or may problema pero pinipilit naming maging masaya.” pagkukuwento ko sa kanya.
 
           Ngumiti siya. “Nakakainggit naman kayo.”
 
           “Ba’t ba ayaw mong mag-asawa ulit ang Daddy mo?”
 
           “Siyempre gusto ko si Mommy lang ang kanyang mamahalin.”
 
           “Wala na ang Mommy mo, di ba? So I think, may karapatan Dad mo na mag-asawa ulit kung gusto niya. And I’m sure kung buhay ang Mommy mo, gusto rin niyang maging masaya ang Daddy mo. Di ba minahal din naman ng Dad mo ‘yong Mom mo?”
 
           “Uhmmm..ang totoo, halos naubos ‘yong properties namin noong nagkasakit si Mom. Halos ibenta ni Dad ang lahat ng mga ari-arian namin noon. Kaso nakita ni Mommy na paubos na lahat ng naipundar nila kaya mas pinili ni Mommy na huwag nang lumaban alang-alang sa amin ni Dad. Ayaw niyang mabaon kami sa utang at magiging pulubi kami. After her death, halos araw-araw naglalasing si Dad. Umiiyak siya lagi. Pero nakita niya one day na nagkasakit ako kaya, ayun!, bigla siyang nagbago. Happy na ako noon kasi bumalik siya sa dati. Pero nang makilala niya Step Mom ko ay halos nakalimutan na niya ako. Araw-araw sa trabaho tapos magkasama sila ng Step Mom ko lagi.”
 
           “Dahil doon lang nagagalit ka na? Anong gusto mo pala? Iyong hindi siya magtatrabaho? Atleast ngayon, nakabangon kayo ulit. Besides masaya naman kaya Dad mo sa Step Mom mo?”
 
“Uhmm! Alam ko naman na mahal niya Daddy ko eh at nakita ko na masaya si Dad sa kanya.”

           “Iyon naman pala, eh. Di ba puwedeng maging masaya ka na lang para sa kanila lalo na sa Daddy mo?”
 
Dahil sa pag-uusap namin ngayon ay medyo nagkapalagayan kami ng loob. Mabait si Shin. Kaya naisip ko, gusto ko na siyang maging kaibigan. Medyo mas malungkot ang kuwento ng kanyang buhay kumpara sa akin. Akala ko noon, mas masaya ang buhay kapag marami kang pera. Pero now I realized, mas masuwerte pa pala ako sa pamilya na mayroon ako kahit medyo kinakapos kami minsan.
 
Pagkatapos naming makuha ang stocks sa bodega ay agad kaming bumalik sa tindahan. Tinulungan niya akong magdala ng isang karton ng Hanami. Naglakad na naman kami pabalik ng grocery store.
 
“Siguro ang bait ng Kuya mo, no?” sabi niya habang naglalakad kami pabalik.
 
“Oo naman!” agad kong sagot na tila nagyayabang pa. “Best Kuya siya para sa akin. Tapos ang galing pa niyang magluto.”
 
“Parang gusto ko rin siyang maging Kuya.”
 
“Puwede naman, eh. Atleast dalawa na tayo na kapatid niya.”
 
Tumingin sa akin si Shin at pagkuwa’y ngumiti. Nakita kong natuwa siya sa aking sinabi. “Puwede bang maging friends tayo?” tanong niya sa akin.
 
“Oo naman. Walang problema sa akin ‘yon.” bigla kong sagot. Ang totoo ay masaya ako sa kanyang tanong niyang iyon.
 
________________________________________
 
Simula noon, naging magkaibigan na kami ni Shin. Naging malapit na siya sa Papa at Kuya ko. Araw-araw na siyang pumupunta sa aming grocery store. Actually, gusto siya ng Papa at Kuya ko. Mabait kasi siya. Tapos malambing pa. Hindi lang ‘yon, simula nang naging close kami ay tumutulong na rin siya sa aming store. Kaya naman, mas lalong dumami ang aming customer. Nadagdagan na naman kasi ang guwapo sa aming tindahan…lol.
 
Ewan ko ba, pag kasama ko siya ay masaya ako. Feeling ko kampante ako kay Shin. First time kong magkaroon ng super close na friend na lalaki. Yes! Kahit bago pa lang kaming magkakilala, pakiramdam ko ay sobrang close na ako sa kanya.
 
           Habang papalapit na ang opening ng klase ay mas lalo akong kinakabahan. Kung puwede lang umatras ay gagawin ko, Natatakot kasi ako. Pero naisip ko, ito ‘yong hingi ko kay Lord at hindi niya ako binigo. Kaya dapat ko nang ituloy ito. Wala na’tong atrasan!
 
           Huling gabi ngayon ng bakasyon at bukas ay pasukan na. Bukas mapapalayo na ako kina Papa at Kuya. Shit! Para na naman akong iiyak ngayon sa tuwing naiisip ko iyon. Humiga ako sa aking kama. Tumihaya at sabay tingin sa kisame. Mayamaya ay inikot ko ang aking paningin sa loob ng aking silid. Friday at Saturday lang ako uuwi rito o  minsan baka hindi pa nga. Haayyy…mamimiss ko ng sobra ito.
 
           Biglang may kumatok sa pintuan ng aking kuwarto. Pumasok si Papa habang may dalang isang sobre. Lumapit siya sa akin at tumabi sa akin sa pag-upo.
 
           “Heto ang allowance mo sa buong linggo.” tapos sabay abot sa akin ng sobre.
 
           “Thanks, Pa.” masaya kong sabi sa kanya.
 
           “Text ka sa akin kaagad kung may problema ka roon, huh. Huwag kang magpapagutom at kumain ka sa tamang oras. Tapos pag pawis na pawis ka sa practice huwag mong patuyuin ‘yong pawis mo sa likod. Huwag mong pilitin na labhan mga damit mo kung pagod ka na talaga.” sabi ni Papa habang pinipigil ang sarili. Para akong bata na kanyang pinaalalahanan sa lahat.
 
           “Pa naman eh! Huwag ka ng malungkot, Pa, uuwi ako rito pag Friday. Tapos lagi akong tatawag sa inyo ni Kuya. Pangako ‘yon.” tapos bigla akong yumakap kay Papa.
 
Actually, sa puntong ito hindi ko na talaga napigil ang sarili sa pag-iyak Si Papa kasi eh….pero ang totoo, sobra akong nalulungkot ngayon. Hindi rin kasi ako sanay na mapalayo sa kanila ni P’Knock.
 
           Hindi na rin napigilan ni Papa ang kanyang sarili. Pumatak din ang mga butil ng luha nito sa kanyang mga mata.
 
“Mag-iingat ka roon at mag-aaral ka ng mabuti.” sabi niya habang yakap ako. Hinalikan pa niya ako sa aking ulo.
 
           “Promise, Pa! Para sa inyo ni Kuya lahat ng ito.”
 
           Haayyysstt! Hirap talaga pag Papa’s boy ka. Oo, inaamin ko na Papa’s boy ako at hindi ko ikinahihiya iyon. Eh paano? Sila lang naman talaga ni Kuya ang mayroon ako. Masisisi niyo ba ako?
 
           Nang lumabas si Papa, ay agad kong pinatay ang ilaw para matulog. Bago ko ipinikit ang aking mga mata ay bigla kong naalala si Shin. Shit! Hindi ko alam kung saan siya mag-aaral. Hindi man lang ako nagtanong sa kanya. Wala rin akong number niya. Hindi ko nakuha. Paminsan-minsan may pagkatanga rin ako. Sige na nga lang, matutulog na lang ako, Maaga pa ako bukas. Kailangang hindi ako ma late sa unang araw ko sa NSIS.
 
           This is it! Ito na ang simula ng bagong yugto ng aking buhay. Ano kaya ang mangyayari sa akin doon? Well, let us find out simula bukas.
 
 
 
To be continued………………………….

#cttophotonotmine     

MY STAR (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon