Episode 16 (4/4)

36 4 1
                                    


                
                

NEO

Naramdaman kong tumutugon si Than sa mga halik ko sa kaniya. Alam kong mayroon siyang nararamdaman sa akin. Ngunit nalungkot ako ng bahagya niya akong itinulak.

“P’ khrap, mali itong ginagawa natin.” aniya pagkatapos yumuko na lamang bigla. Nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.

Hinawakan ko ang magkabilang pisngi nito at dahan-dahang inangat.

“Tingnan mo ako Than. Sabihin mong may pagtingin ka rin sa akin.” halos naluluha kong wika. Ngunit pilit niyang iniwawaksi ang kaniyang mga matang ituon sa akin.

“P’ hindi ito tama. May boyfriend na ako. Ayaw kong saktan si Folk kaya please tama na.” wika niya ngunit hindi parin siya makatingin sa akin ng diretso. Nagsusumamo ang kaniyang tinig.

Alam kong nagsisinungaling siya. Nararamdaman kong mayroon din siyang nararamdaman para sa akin.

“Than mahal kita at alam kong mahal mo rin ako.” sinusubukan ko siyang kumbinsihin na pakinggan niya ang bulong ng kaniyang puso.

“Nagkakamali ka P’.” biglang pagtutol niya. “Hindi kita mahal. Si Folk ang mahal ko.” Ngayon tiningnan na niya ako ngunit kasabay nun ay biglang dumaloy ang masaganang tubig mula sa kaniyang mga mata.

“Hindi totoo yan Than. Alam kong nagsisinungaling ka.” umiiyak kong giit sa kaniya.

Sinubukan niyang kumawala sa mga hawak ko. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kaniyang kamay ngunit napansin kong naging mapilit siya kaya wala akong ibang magawa kundi ang bitawan ko ito.

“Khaaw thot na khrap. Mali lahat ng paniniwala mo P’ khrap. Si Folk ang mahal ko.” lumuluhang saad niya. Kasunod ‘nun ay dahan – dahan siyang tumalikod at humakbang papalayo sa akin.

Nais ko siyang pigilin ngunit hindi ko rin magawa. Masyadong masakit ang kaniyang mga sinabi. Gusto kong paniwalain ang aking sarili na nagsisinungaling siya.

Ang mga halik niya!

Alam kong tumugon siya sa mga halik ko. Ramdam kong mayroon akong puwang sa puso niya. Alam kong mahal niya rin ako. Nararamdaman ko ‘yun.

Nang bumaba na si Than ay saka naman ako napahagulgol sa iyak. Ang tanging magagawa ko lamang ay ang umupo sa sahig at mapahawak sa aking ulo.

“Than! Than!” sambit ko sa kaniyang pangalan habang walang humpay ang pagdaloy ng mapait na tubig sa aking mga mata.

Ngayon ko higit na napatunayan na wala akong ibang minahal kundi si Than lamang. Ang tagal ng panahong pinigilan ko itong aking damdamin ngunit ngayong gabi nasubok ko ang aking puso. Walang ibang pinipintig ito kundi siya lang.

THAN

Pagbaba ko ng hagdan ay napasandal ako sa pader at sabay iyak. Nasasaktan ako ngayon ng hindi ko sinasadya. Hindi ko dapat ito maramdaman ngunit sadyang napakarupok ng puso ko ngayon. Kahit anong iwas ko ay di ko magawa dahil ang totoo matagal naring may puwang si P’Neo sa puso ko.

Batid kong tumugon ako sa mga halik niya hindi dahil sa nabigla ako kundi dahil iyon ang utos ng aking puso. Oo, matagal ko narin siyang gusto ngunit pinigilan ko lang iyon sa pag-aakalang mali lahat ng nararamdaman ko para dito. Naniwala ako sa sinabi ni P’Nam na hindi ako nababagay kay P’Neo at sisirain ko lang ang pangalan nito.

Inaamin kong napamahal na sa akin si Folk ngunit higit pa roon, ang pangunahing dahilan ko kung bakit ko siya sinagot ay dahil gusto kong makalimot kay P’Neo. Akala ko kanina ng mamasyal kami ni Folk ay tuluyan ko na siyang makakalimutan. Sinubukan kong gawin iyon ngunit kung kailan unti-unti ko na siyang nakakalimutan ay saka naman naganap ang halikang kailanma’y hindi ko inakala.

MY STAR (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon