Chapter 48

1.1K 43 10
                                    

Chapter 48: Nothing


"Maraming salamat, Serina. Sa susunod ulit, ha."


Kumaway ako habang may ngiti sa aking labi. Isang customer na naman ang naging satisfied sa mga hinatid naming bagong pitas na ubas. Mabuti na lang ay marami kaming napitas ngayon at kahit papaano ay nababawi na namin ang mga produktong lumubog sa baha noon. Isang buwan na ang nakalipas at heto ang plantation, unti-unti ng bumabalik sa dating gawi pero hindi ko pa rin nakakalimutan ang palugid sa amin ni Donya Victorina.


Hanggang ngayon ay gumagawa pa rin ako ng paraan para hindi tuluyang makuha ni Donya Victorina ang lupa. May karapatan naman ako sa lupa ng asawa ko maging sa plantation pero naghahanap pa rin talaga ako ng panlaban kay Donya Victorina.


"Nakaraos rin tayo," narinig kong sabi ni Tatay Isko nung sabay kaming makasakay sa loob ng truck. Mas lalo namang lumaki ang ngiti ko dahil totoo naman ang sinabi niya.


"Salamat, Tay. Nagpapasalamat ako sa inyong lahat." Tumingin ako sa kanya. Kahit anong problema ng plantation ay hindi nila ako iniwan maging ang mga trabahador. Sa tagal ba naman ng plantation ay parang naging isang pamilya na kami.


"Salamat rin sa 'yo, Serina. Nang dahil sa ideya mo ay nababawi na natin ang mga nalugi natin," dagdag pa nito. 'Yun naman kasi ang natutunan ko kay Alejo. May mga paraan naman para malagpasan ang lahat, 'yun kung gagalaw ka at magtiyatiyaga.


Nung pinaandar na ni Tatay Isko ang makina ng truck ay sumabay naman ang pagtunog ng phone ko. Kinuha ko ito sa bulsa ko at nung makita ang pangalan ni Nanay Lita ay kaagad ko itong sinagot.


"Hello, Nay. Pauwi na po kami ni Tatay," panimula ko sa tawag.


"Kung gano'n ay puwede bang bilisan niyo? Nandito kasi 'yung mataray na sekretarya ni Victorina."


Napaglaruan ko ang dila ko na dahilan para umumbok ito sa gilid ng labi ko. Panigurado akong nandoon siya dahil isang buwan na ang nakalipas at tapos na ang palugid ni Donya Victorina sa amin pero wala naman akong balak ibigay ang lupa.


"Sige po, Nay," matipid kong tugon at pinatay na ang tawag. Namutawi ang pagkairita nang maalala ang plano ni Donya Victorina na ipagbili ang lupa ng asawa ko kay Orcus. Tss, ibang klase talaga!


"Tay, pinagmamadali na tayo ni Nanay. Nandoon po kasi si Kira at panigurado akong pinadala siya ni Donya Victorina para kausapin ako tungkol sa lupa," paliwanag ko kay Tatay Isko at kaagad naman itong nagmadali pero maingat pa rin ito sa pagmamaneho.


Nahimas ko ang batok ko at nagpakawala ng isang malalim na hininga. Isang buwan ang binigay sa amin para makapaghanda pero hindi ko hahayaan na basta-basta na lang nilang kunin ang lupa ni Alejo. Alam ko namang mas malakas ang alas ni Donya Victorina dahil sa mayaman ito pero hindi ako natatakot sa kanya.


Hanggang kailan ba ako papahirapan ng nanay mo, Alejo?


Pinagdarasal ko na lang talaga na sana hindi masaksihan ng mga anak ko ang pag-uusap namin ni Kira. Labas ang mga bata sa problema ko. Hindi puwedeng masama sa mga isipin nila ang isyu tungkol sa lupa.

Unveiling The Mask Behind (High Class Issue Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon