Chapter 52

57 6 11
                                    

Anicka's POV

"Anak, ano bang meron at aligaga ka yata sa pagluluto d'yan? Ano ba ang okasyon?" Nagtatakang tanong ni Tatay habang pinapanood ako sa pagluluto ng carbonara.

Tumingin ako sa kanya at nagpunas muna ng pawis sa aking noo bago sumagot, "Eh Tay, may dadating lang po akong mga bisita."

"Eh sino ba ang mga bisita mo at mukhang espesyal, huh?" Nakangiting tanong pa din ni Tatay.

"Si Ethan saka si Rhys." Singit ni Nanay na kakapasok lang dito sa kusina. "Ay naku kagabi nga ay gumawa pa 'yan ng strawberry cheesecake."

"Ahh si Ethan.. teka, sinong Rhys?"

"Hindi mo ba natatandaan? 'Yung nagcheck-in dito sa atin, kaklase din pala iyon ni Anicka." Paliwanag naman ni Nanay habang inihahanda sa lamesa ang bowl na paglalagyan ng carbonara sauce.

Namilog naman ang mga mata ni Tatay, "Ahh 'yung may nobyang sexy?"

Napahinto sa ginagawa si Nanay at hinarap si Tatay, "Sexy ka pa d'yan huh? Sabi ko na pinipigurahan mo eh! Gusto mo ba mag tangga ako dito?!" Nameywang pa siya at umirap. Gusto kong matawa sa reaksyon ni Nanay pero pinigilan ko lang dahil baka pati ako ay madamay.

Napasapo naman sa noo si Tatay, "Susmaryosep naman Rosiella! Eto pa bang edad ko na 'to, eh titingin pa ako sa pigura? Alam mo namang ang mga mata ko ay para sa katawan mo lang." Sabay akbay niya kay Nanay.

Hinampas naman siya ni Nanay sa braso, "Ay naku tumigil ka nga d'yan Kanor huh! Tignan mo na si Rhycka doon at baka gising na." Agad namang tumalima si Tatay para puntahan si Rhycka sa sala.

Napapangiti na naiiling na lamang ako dahil sa sagutan nina Nanay at Tatay. Nagsusungit man si Nanay kay Tatay, ay alam ko namang mahal na mahal niya ito. Ganoon din naman si Tatay sa kanya. Napapa sana all na lang talaga ako. Sana maging ganyan din kami ni Marco.. ay lintik! Ano ba 'tong iniisip ko?

Ipinilig ko ang aking ulo para mawala ang aking iniisip. Ano ba 'yan kung anu-ano nang pumapasok sa utak ko!

Nang maluto na ang sauce ng carbonara ay maingat ko na itong isinalin sa bowl. Tumingin ako sa wall clock at nakita kong ala una y medya na pala. Naalala kong alas tres pala pupunta sina Ethan at Marco dito sa amin. Kaya naman mabilis ko nang inayos ang lamesa at nagpaalam kay Nanay.

"Naku Nay, maliligo na po muna ako. Kayo na po muna ang bahala kay Rhycka kapag nagising." Nagtanggal ako ng apron at nagmamadaling lumabas ng kusina.

"Wag kang magmadali at baka masubsob ka pa r'yan!" Sigaw ni Nanay nang paakyat na ako sa hagdan.

Pagpasok sa kwarto ay agad akong naghanda ng damit na maisusuot. Napangiti ako nang makita ko 'yung bagong damit na nabili ko online. Isa iyong color pink na floral maxi dress. Sa R'K Clothing Boutique ko iyon na-avail na pagma may-ari ni Kate na asawa ni Kuya James. Nasa Bulacan na pala sila nakatira ngayon.

Nang maihanda ang aking isusuot ay agad na akong naligo. Mga thirty minutes siguro bago ako natapos. Paglabas ko ng banyo ay nakita kong alas dos na kaya naman nagmadali na akong magbihis. Pinatuyo ko ang aking buhok at hinayaan na lamang iyon na nakalugay. Tanging pressed powder at lip balm lang ang ipinahid ko sa aking mukha. Ayokong maging OA so I want to look as natural as possible. Nag spray pa ako ng paborito kong Victoria Secret Pure Seduction.

Pure seduction... Mase-seduce kaya si Marco kapag naamoy ako?

Napangiwi ako dahil sa aking naisip. Jusko dadaan lang naman sila dito por diyos por santo!

Nagpasya na akong bumaba nang ma-satisfy na ako sa aking itsura. Nagdala ako ng damit ni Rhycka dahil bibihisan ko din siya at lilinisan.

"Ay gising na pala ang baby kong mahal!" Bati ko agad kay Rhycka habang buhat siya ni Tatay. Kinuha ko siya at inihiga siya sa sofa. Nilinis at binihisan ng bagong damit.

Somewhere Down The Road (Under editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon