Chapter 12: Awkward

99 18 4
                                    

Marco's POV

Hindi mapuknat ang mga ngiti sa labi ko habang hinahalo ang batter ng pancake sa mixing bowl. Siguro kung may makakakita sa akin sa ganitong porma, marahil ay mapagkakamalan akong timang dito.

Nandito pala ako ngayon sa unit ni Anicka at heto nga at nangingialam ako sa kanyang kusina. Napadpad ako dito dahil ako ang naghatid sa kanya kagabi. Hindi ko naman siya maiwan-iwan dahil alam kong nag-iisa lang siya rito sa unit niya. Panigurado kasi na sa paggising niya ay masama ang pakiramdam niya dahil sa hang over. Kaya naman, naisipan kong paghandaan siya ng almusal bago ako umuwi. At heto nga, napili kong pancake na lang ang lutuin dahil bukod sa favorite niya ito, ito lang ang kaya kong lutuin.

Wala man akong tulog kagabi, feeling ko ay punong puno pa rin ako ng energy. Ewan ko ba kung ano ang sumapi sa akin, basta't ang alam ko lang ay buhay na buhay ang dugo ko. Parang sumasaya ako lalo na kapag naaalala ko ang nangyari kagabi...

Ethan:
Pre, saan ka?

Pauwi na sana ako nang makatanggap ako ng message mula kay Ethan. Kakatapos lang ng  meeting ko sa isang kliyente namin kaya heto't pasakay na ako sa sasakyan ko.

Magtitipa na sana ako ng ire-reply sa kanya nang bigla naman siyang tumawag.

[Pre!] Bungad niya. Medyo malakas ang boses ng loko kaya naman bahagyang nailayo ko ang cellphone sa aking tainga.

"Oh, napatawag ka?"

[Nasa meeting ka pa ba? Saan ka?]

"Nandito pa ako sa Timog. Kakatapos lang ng meeting ko. 'Eto nga at na pauwi na ako."

[Naku, tamang tama! 'Wag ka munang umuwi, pre. Samahan mo ako.]

Mukhang nasa isang bar ang kumag. Dinig ko ang malakas na tugtugin sa background niya.

"Eh-"

Magdadahilan sana ako dahil sa totoo lang ay napagod ako sa maghapong trabaho. At isa pa, hindi ako nakapagpaalam kay Alexa.

[Sige na, pre. Punta ka na dito sa Twilight. Sige ka, darating pa naman si Anicka at Venice.]

Ayaw ko sanang maniwala ngunit nahagip ng pandinig ko ang boses ni Venice.

[Eh sige na, pre. Nandito na sila. Hintayin kita rito, ah.]

Napailing na lang ako nang maputol na ang tawag. Sumakay na ako nang tuluyan sa sasakyan ko at natagpuan na lang ang sarili kong binabagtas ang daan patungo sa kinaroroonan ni Ethan. Medyo malapit lang naman ang bar na iyon, wala pa sigurong trenta minutos ang byahe.

"Orayt! Buti na lang at weekday ngayon kaya hindi puno ang parking." kausap ko sa aking sarili habang pinaparada ang aking sasakyan.

Naglalakad na ako patungo sa entrance ng bar nang may mahagip ang paningin ko. Pamilyar na bulto ng babae ang nakita kong tahimik na nakatayo habang may hawak na sigarilyo sa kaliwang kamay.

"Tsk."

Malalaki ang hakbang na tinungo ko ang smoking area. Mukhang malalim ang iniisip ng isang ito kaya hindi man lang napansin na narito na ako sa kanyang tabi.

Saktong ilalapit na niyang muli sa kanyang bibig ang sigarilyo nang bigla ko itong agawin sa kamay niya at mabilis na tinapon sa basurahan.

Bakas ang pagkainis sa mukha ni Anicka nang lingunin niya ako.

"Hindi mo pa rin pala nahihinto 'yan?" seryosong tanong ko.

Nag-iwas naman siya ng tingin. Tulad ng dati... noong kami pa at binabawalan ko siya sa gawain niyang ito.

Somewhere Down The Road (Under editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon