Chapter 39

55 12 0
                                    

Anicka POV

Pababa pa lamang ako ng hagdanan ay dinig na dinig ko na ang pagka abala ng mga tao sa ibaba ng aming bahay.

Naroroon si Nanay at kanyang mga assistant sa aming lodging house na naghahanda ng mga sangkap para sa ilang putaheng ihahanda sa fiesta celebration. Si tatay naman ay panay ang tadtad ng karne ng kambing para sa kanyang special kaldereta.

Napahinto ako sabay tanong kay Tatay, "Ano po 'yung mausok Tay?" Tanong ko habang iwinawasiwas ko ang aking kamay sa harapan ng aking ilong.

Napatingin si Tatay sa akin, "Ahh si Manong Dan mo 'yun, nagpapalambot ng baka gamit ang kahoy. Ipagluluto niya tayo ng famous bulalo at papaitan nila!"

"Wow sarap! Nagutom tuloy ako."

"Oh gising ka na pala! Kamusta ang pakiramdam mo? Halika na dito at mag almusal at kailangan mo pang makainom ng gamot. Tanghali na, sabi ng doktor kailangang inumin sa oras 'yan!"

Agad akong bumaba at umupo sa lamesa. Nakita ko ang bagong lutong biko at kutsina. Mayroon ding suman maruecos na isa rin sa aking paborito.

"Tikman mo 'yan.. luto ni Manang Doris yang biko, at ako naman ang nagluto ng kutsinta at mga suman."

Humiwa ako ng biko at naglagay sa platito. Kumuha din ako ng suman at kutsinta habang si Nanay ay ipinagtitimpla ako ng gatas. Talaga nga namang spoiled na spoiled pa rin ako kay Nanay hanggang ngayon!

Biglang pumasok si Manang Doris para kumuha ng asin at paminta. Napangiti siya nang makitang kinakain ko ang gawa niyang biko. Agad ko siyang pinasalamatan at iminuwestra sa kanyang masarap ang kanyang niluto.

Nabaling ang aking paningin sa malaking bintana ng aming kusina. Napakunot ang noo ko nang napansin kong wala na doon ang sasakyan ni Jed.

Tila napansin ni Nanay na mayroon akong hinahanap, "Umalis na nga pala 'yung asawa mo kanina pang alas siyete. May dapat daw kasi siyang tapusin sa Maynila. Hindi ka na pinagising dahil alam niyang kailangan mo daw ng pahinga."

"Ganoon po ba?"

"Ewan ko diyan sa asawa mo, inuuna pa ang trabaho kaysa pangalagaan ka." May halong pagkainis na sabi ni Nanay.

Sumabat naman si Tatay, "Hayaan mo na si Jed, Rosie.. Importante para sa kanya ang negosyo nila. Nandito naman tayo para alagaan si Anicka, 'di ba?" Napangiti ako nang tumingin sa akin si Tatay sabay kindat.

"Kuuu manang mana sa'yo! Inuna mo 'yang lintik mong pagtugtog sa Korea noon at iniwan kaming walang makain."

Yumakap naman si Tatay kay Nanay habang nakatingin sa akin, "Naku nagsentimyento nanaman ang Nanay mo."

Pumiksi si Nanay, "Naku 'wag mo nga akong yakapin at hindi ka pa naliligo! Amoy ka pang kambing oh!"

"Hmmm... Ang bango bango ng misis ko! Amoy bawang at sibuyas." Pabirong sabi naman ni Tatay habang inaamoy si Nanay.

Nainggit naman ako sa kanila dahil sweet na sweet pa din sila hanggang ngayon. Hindi katulad ng nangyari sa amin ni Jed, nasira ang aming pagsasama. Marahil ay kinulang kami ng pagmamahal sa isa't isa. Paano ko kaya ipaliliwanag ito kina Nanay?

Matapos akong kumain ay niligpit ko ang aking pinagkainan. Nakita ko ang mga basket ng strawberries na nasa gilid ng lababo.

"Nay ako na maglilinis ng mga ito." Sabay turo sa mga strawberries.

"Ay hindi! Hindi ka pwedeng magpagod!" Awat niya sa akin.

"Naku Nay, kayang kaya ko po 'yan. Hindi naman 'yan nakakapagod, mauupo naman po ako sa upuan." Binitbit ko na ang isang basket ng straberries at ipinatong iyon sa lamesa.

Somewhere Down The Road (Under editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon