Chapter 12: Did I?

9 1 0
                                    

Sa muli kong pagdilat ay wala na akong iba pang kasama at nasa ibang kwarto na din ako. Para bang kakaligo ko lang sa sobrang linis ng kutis ng aking katawan. Suot ko ay ang isang puting jumper pang-itaas at puting soft trousers na aking pang-ibaba. Mukha akong preso dahil dito pero komportable naman sa pakiramdam.

May apat na sulok ang kwarto at hindi rin ganun kalawak. Pininturahan ng puti ang lahat ganun na din ang kama sa loob nito at ang lahat ng nilalaman ng banyo sa may gilid ng kwarto. Meron ring makapal na pintong gawa sa bakal, tinatakpan ang nag-iisang pwede kong paglabasan.

Napakaayos ng buong lugar at napakaaliwalas sa paningin. Para bang kinuha nila kami para ikulong at alagaan din. Sa pintua'y may salaming hugis bilog na pwedeng gamitin para makita ang kung ano mang nasa kabilang banda nito.

Kaharap lamang pala ng kwarto ko ang kwarto ni kuya Axl. Nagbitaw kami ng isang malawak na ngiti sa isa't isa nang nakita namin na maayos lang kami pareho. Ang mga sugat ko'y medyo naghihilom na, ganun na din sa mga pasa sa buo kong katawan. Siguro'y dahil na din sa pagtrato sa amin ng doktor noong kakapasok lamang namin dito. Wala akong maalala sa mga nangyari pero malamang ay siya ang naggamot sa amin.

Sa loob ng kwarto'y meron ding orasan na kapag tahimik ang buong lugar ay ito lamang ang maririnig mo.

Sa tingin ko'y ilang araw na rin akong napaparito. Nababagot sa bawat sandali pero mas maganda na ang ganito kaysa bumalik sa loob ng maze. Tuwing gabi'y pinapatay nila ang ilaw, kaunting liwanag lamang mula sa labas ng kwarto ang matitira.

Tuwing gabi ri'y madalas akong hindi makatulog, dahil palagi akong nagigising na umiiyak. Binabangungot at hinahabol ng mga alaalang nangyari sa akin sa laro. Nakikita ko sa aking isipan ang pagtitig ni Andrei at ang mga mata ni ate Kyla habang kinakain ko ang kanyang laman-loob. Minsan ay nasusuka ako kapag naiisip ko ulit ang lahat, lalo na kapag bumabalik sa aking panlasa ang dugo, buto, at nabubulok na karneng isinubo ko.

Mabuti na lamang at hindi na ganun ang mga nangyayari. Lagi akong nakakakain ng napakadaming pagkain sa loob ng kwartong ito na ibinibigay ng mga nakamaskarang tao sa tuwing oras na nang umagahan, tanghalian, at gabihan. Mayroon ring iba pang pantawid gutom  na agad nilang ipinapasok sa kwarto kung gusto ko mang magmeryenda.

Paminsan minsa'y naduduwal na lamang ako kapag biglaang nag-iiba sa aking paningin ang mga pagkaing nakapatong sa platong hawak ko. Para bang nagmumukhang utak ito o kung ano mang parte ng tao.

Hindi ko ginusto ang nangyari. Kung maibabalik ko lamang ang oras ay hahayaan ko na lamang na ako'y mamatay sa gutom.

Sobra kaming iniingatan sa lugar na ito. Araw araw kaming tinitignan ng doktor na nag-iisang walang suot na maskara. Matanda na siyang tignan at may napakahahabang balbas. Napakaamo ng kanyang itsura at para bang kasama namin siyang nakakulong rin dito. Kapag may mali sa aming mga sugat at kung sakaling kami'y magkasakit ay binibisita nya kami. Minsan ko na ding tinanong kung ano ang pangalan nya pero sagot nya lamang ay, "Tawagin mo na lang akong Doc."

May mga pagkakataon ding nakakasabay ko sa klinika si kuya Axl at doon ay nakakapag-usap kami sa loob ng maikling oras. Mukha namang maayos na siya, ganun rin ang iba pang nakakulong dito na players na nakakasama ko sa pagamutan.

Isa sa kanila ay si kuya Zephaniah. Mahilig siyang kumanta at tila kilalang kilala na ang doktor. Maglilimang taon na pala siyang nakakulong dito dahil sabi nya'y season 5 player daw siya. Yun lamang ang sinabi nya sa akin dahil tila takot o hindi na nya kaya pang ikwento ang iba.

Ang katawan ko'y unti-unting gumagaling, ngunit ang sugat at takot na naiukit sa aking isipan ay lalo lang na lumalala.

Isa rin sa mga detalyeng napansin ko ay ang napakadaming guwardya sa paligid, sa bawat sulok, sa tapat ng mga pinto, o kahit sa mga daanan lamang. Lahat sila'y nakamaskara at hinahabol kami ng tingin sa tuwing kami'y napapadaan.

Jeremiah's BasementTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon