Chapter 24

4.4K 156 18
                                    

24.

Naiabot ng kanyang bodyguard ang short brown envelope na hawak nito at agad naman iyong tinanggap ni Kei. Binuksan niya ang envelope at kinuha ang ilang piraso ng puting papel na naglalaman ng report tungkol sa taong pinapaimbestigahan niya.

Jordan Castillo.

Ito ang pangalang bumungad sa kanya sa front page ng report na ginawa ng private investigator ng kanilang pamilya.

Hindi siya pwedeng magkamali. Hanggang ngayon ay ginugulo pa rin siya nang mga binitiwang salita ni Abby noong huli silang magkita. Hanggang ngayon ay iniisip pa rin niya ang sinabi nito tungkol kay Shin, at sa nararamdaman ng dalaga.

Ito ang pangalan ng lalaking sinasabi ni Abby na hindi makalimutan ni Shin, ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mailap pa rin ito sa kanya, at kung bakit hindi nito magawang suklian ang pagmamahal niya kahit na marami na siyang nagawa para dito.

Nagtagis ang kanyang mga bagang sa isiping, totoo ang lahat ng sinasabi ni Abby. At nagpunta ang lalaking ito sa kwarto ni Shin dahil may binabalak ito. May plano itong itakas si Shin at ihiwalay sa kanya.

"Natunton niyo na ba kung nasaan siya?" at saka siya nag-angat ng mukha upang tingnan ang bodyguard na nanatili sa kinatatayuan nito.

"Pinuntahan po namin ang apartment na tinutuluyan niya pero, wala na po kaming naabutan kundi mga gamit na lang. Tinanong rin namin ang land lady ng apartment pero, wala naman daw po itong sinabi na aalis ito..."

"... At kung tama po ang hinala namin Young Master, pwedeng may alam na ang lalaking ito tungkol sa atin dahil bigla na lang siyang nawala... Kahit sa pinapasukan nitong trabaho ay hindi na daw ito pumapasok simula kahapon. Napag-alaman din po namin na, gumawa po siya ng transaksyon sa kumpanya ngayong buwan. Isa siyang engineer at nag-submit siya ng isang proposal para sa Engineering dept. na inaprubahan din naman po ng department." paliwanag nito.

"Yun lang? Yun lang ang nagagawa niyo so far?"

"Hanggang ngayon po ay naghahanap pa rin po ang mga tauhan, Young Master. Kagabi ay may nagpuntang babae sa apartment ni Castillo pero wala silang nakuhang sagot."

"Sino'ng babae? Kaano-ano niya?"

"Kaibigan daw ho."

Humugot siya ng malalim na hininga at muling sinulyapan ang mga papel sa kanyang harapan. Kung totoong may alam na ito tungkol sa kung sino sila at kung ano ang pwede nilang gawin, sino naman ang posibleng magbibigay ng impormasyon sa taong ito? Sino ang impormanteng maaaring magbigay ng babala sa kung ano ang pwede nitong kahinatnan?

Muling nagtagis ang mga bagang ni Kei nang maisip niya ang pangalan ni Shin sa taong posibleng kumontak sa binata. Ayaw niyang isipin na si Shin iyon. Hindi pwede na ang babaeng mahal niya ay magagawa ito sa kanya pagkatapos nang maraming pabor na ginawa niya para dito. Hindi pwedeng hanggang ngayon ay may nararamdaman pa rin ito sa lalaking iyon, at lalong hindi pwede na totoo ang sinasabi ni Abby.

"Gusto kong madaliin ang paghahanap sa kanya. Suyurin niyo ang buong Pilipinas para lang makita siya at huwag na huwag niyo nang pakakawalan dahil kung hindi, kayo ang malilintikan sa akin. Siguraduhin niyo ring hindi siya makakaalis ng bansa dahil kung mangyari yon ay mas lalo ko kayong pahihirapan... Gusto ko ring pag-igihan niyo pa ang pagbabantay kay Shin. Kailangan siyang mabantayan ng 24 oras, at huwag na huwag kayong pipikit sa lahat ng gagawin at pupuntahan niya."

Mabilis na tumango ang may edad na kausap niya. "Masusunod po, Young Master... Oo nga po pala, hinahanap ka ni Master kanina."

"Ayokong banggitin niyo ito kay Papa dahil siguradong problema iyon ni Shin kapag nagkataon. Hangga't maaari ay gusto kong, ako ang tumapos sa lalaking iyon. At hinding-hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataon na makalapit kay Shin dahil walang sinuman ang may karapatan sa kanya kundi ako lang, ako lang dahil pagmamay-ari ko siya na hindi pwedeng makuha ng iba." 

THE ONE That I Will Save (BOOK 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon