Chapter 35

3.8K 158 19
                                    

35.




Mas lalo niyang namiss ang isla ng San Antonio kung saan sila namalagi nang baybayin nila ang daan papuntang safe house. Napakatahimik at napakaganda ng kagubatan na pinasok nila, isama mo pa ang hangin na sobrang sarap langhapin.


Buong pagmamahal na inalalayan siya ni Jordan sa kanilang paglalakad at walang sandaling binitawan siya ng binata. Si Paul naman ay patay malisya na lamang sa ipinapakitang paglalambing nito sa kanya dahil kagabi pa ito naiirita.


Narating nila ang tapat ng isang bahay na gawa sa malalapad na kahoy. Nasa gitna ito ng gubat at talaga namang hindi sila basta-basta matutunton kung dito nga ang pinagtataguan nilang lahat.


"Ito na ba?" humahangos niyang tanong. Isang oras din silang naglakad at wala silang dalang tubig kung kaya't ramdam niya ang matinding pagod.


Nalingon siya ni Paul at tinanguan saka ito lumapit sa may pintuan at kumatok. "Ma? Ma... Nandito na po kami."


Sobrang tahimik ng lugar at wala silang anumang naririnig na ingay mula sa loob. 


"Ma! Si Paul po ito. Nandito na kami!" tawag ng kanyang pinsan.


Kumatok pa ng ilang beses si Paul bago tuluyang magbukas ang pinto. Bumungad sa kanila si Lenny na bagama't nabigla nung una ay agad ring gumuhit ang ngiti sa labi nito.


Agad yumakap si Paul sa ina. "Anak! Dyos ko po! Maraming salamat at nakabalik kayo!" bulalas nito na tila naluluha pa habang yakap pa rin ang ina.


"Okay lang kami, Ma..." at natapik nito ang likod ng ina.


Agad dumako ang mga mata ni Lenny sa kinaroroonan niya. Nangitian niya ang tiyahin na matagal niya ring hindi nakita, at alam niyang malaki ang kasalanan niya dito.


Kumawala ang ginang at agad siyang nilapitan. "S-Shin..." saka inabot ang kanyang kamay.


"... Alam kong hindi ako nagkakamali. Nandito ka sa harapan ko ngayon. Nandito ka at buhay..." tuluyan nang naglandas ang mga luha nitong kanina pa pinipigilan.


"Auntie..." nabasag na rin ang kanyang boses nang makita ang reaksyon ng tiyahin.


"... B-Buhay ka, Shin. Maraming salamat at buhay ka pa rin." saka siya nito tuluyang niyakap ng mahigpit.


Hindi niya maiwasang mapangiti habang magkayakap sila ng kanyang Auntie, at sa gitna ng kanilang mga luha. Matagal niyang hindi naramdaman ang yakap ng kanyang tiya na nagsilbing pangalawa niyang ina simula noong mamatay ang mga magulang niya. Wala na yatang kasing saya ang sandaling, muli niyang nakasama ang mga taong pinakaimportante at pinoprotektahan niya.


"... P-Patawad po, Auntie. Sana po ay mapatawad niyo po ako." 


THE ONE That I Will Save (BOOK 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon