Chapter 28

4.2K 156 2
                                    

28.

Pagkatapos ilahad nina Alvin ang plano para sa pagligtas kay Shin ay naghiwa-hiwalay na rin sila ng landas. Napagkasunduan nila Jordan na magkikita na lang sila sa mismong araw ng pag-atake, ang mismong araw ng kasal ni Shin at Kei. Ngunit magpapatuloy pa rin ang komunikasyon nilang lahat. Itinapon na rin ni Jordan at Paul ang mga lumang sim card at nagpalit ng bago para hindi sila matrack ng mga kalaban.

Dahil nauna na sina Lenny sa pagbyahe papuntang Masbate ay agad na ding bumiyahe ang magkaibigan papuntang safe house na inilaan para sa kanila.

"Sana lang ay magtagumpay ang plano." wala sa loob na sabi ni Paul  habang panandalian nilang ikinakalma ang mga sarili dito sa bus na sinasakyan nila papuntang sakayan ng roro papuntang probinsya ng Masbate.

Nalingon niya ang kaibigan. "Wala tayong magagawa kung hindi ang magtiwala. Ayoko mang magtiwala pero, gusto kong irisk ang tiwalang yun para sa pinsan mo." tugon niya.

Napangiti si Paul at napailing din. "Lahat talaga gagawin mo para sa kanya, ha... Ibang-iba ka na talaga kaysa dati. Talaga bang nawala na ang Jordan na walang pakialam sa mundo?"

Muli niyang naalala ang magagandang ngiti ni Shin sa kanya noong nasa college pa lang sila. At isa ito sa mga baon niya para tuluyang lumaban, at para lalong maging matapang.

"Hindi ko kayang sumuko na lang nang basta-basta, Paul... Nakita mo naman kung paano ko sinubukan, pero hindi rin ako nagtagumpay."

"Alam ko... Kaya nga, hindi na ako tututol, eh. Kahit na ubod ng tigas ang ulo mo, at wala kang pakialam sa kaligtasan mo." at saka siya tinaasan ng kilay.

Gusto niya pang makipagdiskusyon  sa bagay na iyon pero tanging matipid na ngiti na lamang ang itinugon niya kay Paul dahil muli na naman niyang naiisip si Shin at ang kalagayan nito. Kung ano na ba ang sitwasyon ng dalaga sa kamay ng mga Jiro.

Ang sabi naman nila Alvin ay bibigyan sila ng update sa nangyayari sa dalaga.

Alam niyang malapit na silang magkasama at hindi niya alam kung ano ang una niyang gagawin sa oras na nasa harapan na niya si Shin.

Napakasaya ko siguro nang mga oras na 'yon. 

At wala sa loob niya ang napangiti saka sumandal sa likod ng kanyang inuupuan.

"Samantala, sinisimulan nang ipaghanap ng mga pulis ang isang lalaking suspek sa pagpatay sa isang babae na natagpuan sa tapat ng isang apartment unit sa Mandaluyong City..."

Nagkatinginan sila ni Paul nang marinig ang balitang iyon sa TVng nakakabit dito sa bus.

"... Base sa impormasyong ibinigay ng land lady, Jordan Castillo ang pangalan ng suspek na pinaghihinalaang naka-away ng biktima. Sa ngayon ay hindi pa rin malinaw ang totoong dahilan ng karumal dumal na krimen ngunit may suspetya ang kapulisan na pag-ibig ang dahilan kung bakit nagawa ito ni Castillo. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon at maghahanda na rin sila sa pabuyang maibibigay sa kung sino man ang makakapagturo sa kinaroroonan ng suspek."

THE ONE That I Will Save (BOOK 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon