Hindi Tayo Puwede

15 4 2
                                    

Umpisa palang pareho na nating alam
Na dehado tayo sa magiging laban
Sa huli ay puwede tayong masugatan
At umuwing luha ang tangan.

Pero atin pa rin itong sinubukan
Sa iyo ay piniling makipagmabutihan
Umaasa na puwede tayong dalawa,
Na pwedeng palad natin ay mapag-isa.

Nanalig na pagsubok ay ating makakaya
Pero hindi pala sapat ang magkasama,
Dahil lihis ito sa hinulma nating akala
Sapagkat may bagay hindi nagtutugma.

Oo, pinilit nating intindihin ang pagitan
Pinasan natin ang krus ng kabigatan
Pero hindi umayon ang gulong ng panahon
Hindi nakiisa ang tadhana nitong kahapon.

Magulang natin ay hindi sumang-ayon
Sa magiging hihip ng binagtas na relasyon
Dahil nakatapak sa magkaibang direksyon
Nakaharang ang magkaiba nating relihiyon.

Labag sa'kin ngunit palalayain na kita
Kalag ka na sa gapos ng bisig ko't gunita
Pilit na ipipihit ang paglimot sa iyo sinta
Dahil kung ipipilit ay parehong babalutin ng dusa.

Baka talagang hindi tayo ang itinakda?
O baka ang takda ang humindi sa tadhana?
Dahil kung tayo ang para sa isa't-isa—
Bakit simpleng paniniwala hindi nagtugma?

Haplos nang kahapon ay mananatili sa alaala
Bagaman sugat ang pininta ng ating istorya
Imahe mo ay mananatiling iniibig ng puso
Pinagkaitan man at sa huli parehong nabigo.

May sarili tayong Diyos na dapat sambahin
Ibigin, mahalin at hindi marapat na labagin
Ang labag sa tipan ay labag sa Kaniyang paningin,
At ang lumabag ay may parusang nakahain.

Ang pakikipagtipan o pakikipagrelasyon
Ay ipinagbabawal sa magkaibang relihiyon;
Ang pagitan ba ay masyadong matarik?
O baka 'di makapanhik ang sariling pananabik?

Kaya ngayon, ikaw'y akin na lang ipagpapanata
Na makita mo ang taong sayo ay itinadhana
Kung saan ibabalik ang napawing galak
Sa tinamong sugat at paghalik sa lusak.

Pero sinta, huwag kang mababahala
Sapagkat sa puso at isip ikaw'y 'di mawawala
Dahil naging bahagi ka nang aking sandali—
Panahong nagkakaisa pa ang ating labi't mga gawi.

Naging bahagi ka ng kurba ng aking labi
At yakap sa tuwing ginaw ang naghahari;
Bagaman paniniwala natin ay magkaiba—
Layunin pa rin ay sa langit makasapit ang ating mga paa.

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon