"Diyos ko po!" ni Eba't daan

1 1 0
                                    

Nang sinilang ay butihing tupa—
Nang ilibing sa putik ay kambing walang duda;
Dinakila ang huwad na Bathala,
'Di kinilala ang Diyos na sa atin ay lumikha.

Dogma ni Hudas ang nilandas—
Pugad ni Hades ang binagtas;
Sa masamang hamon ay nagpalamon,
Pinagpatuloy ang baluktot na debosyon.

"Diyos ko po!" Ungol ni Eba
Kasabay ng paghagikhik at tawa;
Sa 'di inaasahang pagkakataon ay tinawag niya,
Ang pangalan ng Diyos Ama.

Pakikipagyugyugan ang naging libangan,
Hubad na imahe ang laman ng isipan;
Sinamba'y masamang pita ng laman
Imbis na si Ama, ay si Adonis ang niluhudan.

"Diyos ko po!" Putak ni Adan
Habang bilyete ng loterya'y pinagmamasdan—
"Diyos ko po!"  ang naturan
Nang dahil sa salaping napanalunan.

Ginto't pilak ang Binathala
Sa salapi ay nagpaalipin ng kusa;
Niyakap ay laksang barya
Ni magpasalamat sa may Kapal ay 'di magawa.

Ganito kami kung kainin ng sistema—
Sa kahalayan at kasakiman ay nagpadala;
Doktrina Niyo'y aming binasura
At dogma ni Lucifer ang aming sinamba.

Kinagisnang debosyon ay amin na ngang tatalikuran
At tatalima sa pagbabagong-buhay; kaya't h'wag Mo sana kaming talikuran,
'Pagkat ayaw naming sa pagdating ng Iyong bugtong na anak
Kami ay masumpungan sa gawang paglabag— mapahamak.

Kaya't Ama, pakilinis ang aming puso't isipan
'Pagkat sa araw ng paghuhukom ayaw naming maparusahan—
Ayaw naming maratay sa banig ng kapahamakan: apoy na kung tawagin ay dagat-dagatan.
Sa bayang banal ay gusto naming manirahan kasama ka magpakailanman.

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon