May bugtong raw sa likod ng mapandayang pag-ibig
Isasayaw ka ng mahika sa mala-rondalyang mga himig
Pakikiligin ka at uukitan ng galak ang iyong mga labi,
Ipatitikim sa'yo ng tamis ang langit ng hapdi.Latay ng sandata ni Kupido ay halimuyak na bango
Sisilay sa mata't labi ang sayang hatid ay pagkalango
Tutugtog na parang tambol ang naghuhuromentadong puso
Sa sinilabang nagmamahalan ay walang bakas ng pagsuko.Ngunit sa hagupit ng alon, unos ang siyang bumalatay
Imahe ng relasyon ay nagusot, panlalamig ang umakbay
Binalot ng sigwa, na s'ya rin mismo ang humabi't gumawa
Luha ang tanging sagot ng aking matang iniwang mag-isa.Pilit na ikinukubli ang hapdi na aking tangan-tangan
Saan ako nagkulang at nauwi sa paghihiwalayan?
Ano ang problema sa ano, sino ang nagkulang sa sino?
Kaninong dibdib ang nanlamig, sino ang sumuko sa sino?Marami na sa aking nangako subalit ikaw ang aking pinili,
Sapagka't sa lahat ng sumubok, sa'yo ako lubusang nabighani
Ngunit sa pagpili ko ay ikaw itong hindi magawang manatili?
Tunay mapanlinlang ang pag-ibig— nagpaparanas subalit sa kakarampot na sandali.Kalakip ng pag-ibig ang pagsabay sa ragasa ng agos
Sa yakap ng pag-ibig, palaging may sintunadong paghaplos
Sa hapag ng pag-ibig ay palaging may palahaw na paos
May puwang ang pagsuko sa tinubuang pagsintang binastos.
BINABASA MO ANG
Mga Tulang Pinanday ng Talinhaga
PoetryAng mga tulang tampok ay masusing hinabi ng malikot na pag-iisip na tumatalakay sa iba't-ibang isyu sa lilim ng lipunan. Naisulat ang koleksyong ito sa panahon ng kwarantina. Kung may pagkakatulad man sa totoong pangyayari, pangalan o lugar ay pawan...