Dalawang Kuwento sa Iisang Libro

6 2 1
                                    

Dumating na nga itong araw
Na ayaw kong matanaw
Kung saan ang sukli ay hikbi
Sa binayad kong mga ngiti?
Bakit parating may gusot
Sa dulo nitong paglimot?
Ang baga ay nagiging abo?
Ang alab ay nagiging upos?

Papaano nga ba makaaahon
Sa mata nitong kumunoy?
Kung ang sarili kong mundo
Ang sa akin ay lumulon?
Papaano nga ba makaaahon
Sa dagat nitong pighati?
Kung mismong ang panitig
Ang siyang bukal nitong tubig?

Pipihit ka ba pabalik
Sa aking mga alapaap
Kapag nabatid na ako'y may sugat?
O magpapatuloy sa pagbaybay
Sa landasing patungo
Sa umiiral sa iyong bungo?
Napagod ba ang iyong puso?
O sadyang puso ang naglaho?

Ang atin bang pagmamahalan
Ay isang uri ng pelikula?
Na ang bali ay parating sa gitna
At sa dulo'y tayo rin ang tinadhana?
O baka naman isang nobela?
Na sa haba ng kabanata
At masasayang alaala
Ay sa pagtatapos rin ang hangga?

Ito na ba ang huli nating tagpo
Kung saan tapos na ang piniling laro?
Ang marunong umilag— tumakbo
Ang siyang hihiranging panalo?
Habang ang nadapa't 'di nasalo
Ang siyang uuwing luhaan at talo?
Isusulat pa ba ang ating pagtatapos?
O ang pagtatapos ang siyang tatapos?

Isasara na ba ang ating pahina?
O muling hahalik bilang paggunita?
Kung kuwit o tuldok ang itututok?
Dahil nakakapagod nang malugmok
Muli ba akong babalik sa umpisa?
O magpapatuloy na mag-isa?
Muli ba akong luluha o tatahan?
O baka ang pagluha ang sa aki'y tumatahan?

Ngayon, sa aki'y malinaw na
Na ang istorya nati'y isang teorya
Kung saan hindi pinanindigan
Hindi dahil sa walang batayan
Kundi dahil sa hindi ako ang nilalaman
Kaya't ngayon ako'y naguguluhan
Kung may dulo ba ang walang hanggan?
O baka ang dulo'y ang pagbalik sa nakaraan?

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon