Lingap

4 2 0
                                    

Sa bawat hagupit nitong kapalaran,
Sa bawat luhang umapaw sa sisidlan,
Sa bawat daing ng sugat sa katawan,
Sa bawat paghikbi ng katahimikan.

Sa bawat puntod na sa tahak kumatok,
Sa bawat luhod na sa putik pinutok,
Sa bawat lipad na nauwi sa pusok,
Sa bawat pag-asang nauwi sa tuldok.

Sa bawat tuhod na nagkaro'n ng galos,
Sa bawat tanaw na nilupig ng unos,
Sa bawat naupos na tahan sa tulos,
Sa bawat panata sa huwad na diyos.

Sa bawat alaalang pilit piniit,
Sa bawat panahong naadik sa sakit
May nakahandang dumamay sa'yong pait—
Ang Ama'ng kailanma'y hindi ka ipinagpalit!

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon