Malaya nga ba talaga?

2 1 0
                                    

Salitang kalayaan ng Inang Bayan ay pawang natupad lang sa dulo ng kanilang dila.
Sinubo ang katagang laya; tinamasa— sinibasib ang tamis at agaran ding inilura,
'Pagkat 'di kayang tiisin ang sariling hinulma sa makabanyagang kultura— moda.
Nagmamakabayang nakalukluk sa kaitaasan ng tatsulok ay patuloy na pinatangan ang kadena ng pagkaalipin kay Maria.

Katagaluga'y 'di kailanman nakalagan sa gapos ng tanikala.
Umunlad ngunit patuloy na bihag sa hawla ng malansang isda.
Binansagang "Bansang Malaya" ngunit ang kasarinla'y naroon sa hamak na bangka.
Lumawak lang ang ating bilangguan ngunit tayo'y nakapiit pa rin sa makipot na sapa.

Sumagwan man ay babalik at babalik pa rin sa'ting pinagmulang kuweba—
Kung saan namumugad ang kapanalig na nagmistulang talangka,
Takot sa hagod ng laya, hiyang sa gapos ng tanikala.
Binabagtas ay yapak ng banyaga, tinangan ay timbangan ng mapagsamantala.

Sariling baya'y pinagkanulo sa dayuhang nakakurbata,
Sariling dila'y sa makabanyagang lengguwahe sinangla,
Sariling baya'y pinagkanulo sa pagkagahaman at pagkasugapa—
Tansi ng kalayaa'y hinigpitan at binalabal ang diktadura sa madla.

Katagalugan nga'y tunay na nagmistulang sabik na layang agila.
Nang kinalagan sa tansi ng pagkaalipin mula sa kalyuhing paa
Ay tumulo ang dalisay na luha't diniligan ang tigang na lupa sa pag-aakalang nasungkit na ang demokrasya.
Tayo'y kinalagan sa tansi upang ilipat sa mas tigasing hawla kung saan tayo aabutan ng huling paghinga; sa madaling salita: KAILANMA'Y 'DI TAYO NAGING MALAYA! LUMAWAK LANG ANG ATING BILIBID— SELDA!

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon