Ningas-pananalig, ang siyang sakbibi.
Mitsa nitong dogma, ang sa diwa'y sindi.
Ebanghelyo'y tangan, sandatang mabisa.
Susi sa pintuan, panlihis sa sigwa.Hinubog sa aral, 'tinuwid ang lukot.
Tuhod na tigasin, natutong lumambot.
Sa Kaniyang dayag, natutong lumuhod.
Hulma sa pagsunod, sungay nangapudpod.Eba't Ada'y saksi, sa tukso ng ahas.
Tumikim ng bawal, kinagat ang prutas.
Humabi ng bahag, dahil sa paglabag.
Inani ay yabag, sa Kaniyang dayag.Bayang 'pinangako, natupok na sula.
Sa labis na pusok, inalis ang mana.
Lumisan sa hardin, nagdikdik ng putik.
Dayukdok ng hirap, ang siyang tuminik.Pasa'ng pananalig, takot mangalanta.
Takot mangabulig, sa lapnos ng baga.
Ningas ng asopre, ang siyang tutupok.
Mga sanlibutan, maghanda sa rurok.Lahat ng nalanta, lumangoy sa sala.
Lahat ng lumisya, apoy ang huhusga.
Ang tupang butihin, sa langit mananahan.
Yaring nasa liko, ang s'yang huhukuman.Kami'y patawarin, 'di namin sinadya.
Kami'y nagkasala, sapagkat mahina.
Akin pong pagtangis, ay Iyong pahirin.
Aking panalangin, ay 'Yong dinggin— Amen.
BINABASA MO ANG
Mga Tulang Pinanday ng Talinhaga
PoetryAng mga tulang tampok ay masusing hinabi ng malikot na pag-iisip na tumatalakay sa iba't-ibang isyu sa lilim ng lipunan. Naisulat ang koleksyong ito sa panahon ng kwarantina. Kung may pagkakatulad man sa totoong pangyayari, pangalan o lugar ay pawan...