Timbangan

1 1 0
                                    

Dayukdok ng putikan,
Impit ng kahirapan—
Pasan ng karamihan?

Nasa'n ang katarungan
Nitong ating lipunan,
Binusalan ng yaman?

'Di patas na timbangan
Naka-angkla sa yaman—
Pabor sa mayayaman?

Bulsang nagtatabaan,
Kawastuan ay lulan—
Buwal-katotohanan?

Pangangatog ng laman—
Dikta ng tampalasan;
Inakong kasalanan?

Walang katotohanan,
Huwad na katauhan—
Ang s'yang niluluhuran?

Timbangan ay busalan,
Hustisya'y piniringan;
Dehado— angkan ni Juan?

Bituka nitong Bayan,
Halang ang patakaran;
Baldado ang kat'wiran?

Perlas ng Sinilangan,
Sinilang tampalasan—
Nasa'n ang kalayaan?

Bayan ng karimlan
Ang dapat na pangalan:
Pugad ng kaapihan?

Sintas-kinabukasan
Marahang pinutikan,
Nitong nasa upuan?

Wala sa'tin, sinoman—
Ang dapat na magtangan:
'Di patas na timbangan!

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon