Juan Palaisipan

1 1 0
                                    

Bugtong kalibugtong, kandado ni Juan ay sakbibi—
Binanlian ang puso, isinibat yaring susi.
Bugtong kalibugtong, tumagas ang luhang nasawi.
Binuhos na pagmamahal, sugat ang isinukli.

Bugtong kalibugtong, angkla ng sumpaa'y binali.
Bakas sa mukha n'yang walang pagsisising hinabi.
Bugtong kalibugtong, ako itong mas nanatili—
Bulwagan ng aking puso'y bakit tila kayhapdi?

Bugtong kalibugtong, bumusal sa kwarto'y paghikbi.
Bulong nitong lapnos ang sa tenga ay dumadampi.
Bugtong kalibugtong, lampara'y nangapagal, pundi.
Bahagi ng kandilang pula'y sa k'warto sumindi.

Bugtong kalibugtong, pluma ay muling mapipipi.
Bagwis ng salitaa'y mawawalan na ng huni.
Bugtong kalibugtong, pluma'y palubog na sa usli—
Babalik sa dati, tula'y 'di na muling hahabi.

Bugtong kalibugtong, huling patak na at patabi.
Bapor ng letra ay tigang na ang mitsa ng sindi.
Bugtong kalibugtong, huling p'yesa— ikaw ang saksi.
Buhos ng tinta ay ililibing na sa malumi.

Mga Tulang Pinanday ng TalinhagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon