Kabanata 2

146 9 0
                                    


"RHEALLE!"

Natauhan ako ng may tumawag sa pangalan ko—si Joy, at nakasunod sa kaniya si . . . "Timo?" nagtataka kong sambit sa pangalan ng lalaking may pilat sa kanang kilay. "Ano ang ginagawa mo rito?"

"Napadaan lang ako kasi balak ko sanang bumili ng bagong notebook tapos nakita ko si Joy."

Hindi ko na masiyadong inintindi ang sagot niya, hindi naman iyon mahalaga. Nang muli kong ibaling ang tingin ko sa dulo ng shelf, wala na roon ang babae. Sinipat ko ang paligid pero hindi ko na siya nakita. At sana hindi na ulit. Kahit kailan. Hindi ko gusto ang pakiramdam na ibinigay niya sa akin kanina lang.

"May hinahanap ka ba?" pansin ni Joy.

Ibinalik ko ang pansin ko sa kanila. "Sino ang hahanapin ko?"

Nagkibit-balikat siya. "Ewan ko. Para lang kasing may hinahanap ka."

"Wala akong hinahanap."

"Kumain tayong tatlo nang sama-sama . . . gaya ng dati," wika ni Timo.

Gusto kong tumanggi. Hindi ko alam kung paano siya dapat pakitunguhan pagkatapos ng inamin niya sa akin pero bago pa ako makaayaw ay hinatak na ako ni Joy palabas. Nagpunta kami sa isang fast food chain at hinayaan si Timo na um-order. Kami naman ni Joy ang naghanap ng mapupuwestuhan sa second floor.

"Kumusta ang klase ninyo?" tanong ni Timo ng mailapag niya ang order sa harap namin.

"Hindi na naman nakapasok si Rhealle. Sabi ni Sir Ferdie, isang absent na lang daw at tatanggalin na niya sa class list si Rhealle," kuwento ni Joy.

Pinandilatan ko siya dahil hindi naman iyon dapat ipinagsasabi pero hindi siya natinag. Mataman akong tinignan ni Timo kaya ako na mismo ang umiwas. Sinimsim ko ang namamawis pa sa lamig na coke at ipinako ang tingin sa lamesa.

"Dadaanan na lang kita sa inyo," saad niya.

"Hindi. Iyon ang huwag na huwag mong gagawin," mabilis kong pagtanggi.

Huminga siya nang malalim. "Kaya mo ba ako iniiwasan dahil umamin ako sa iyo na gusto kita? Naapektuhan ba no'n ang pagkakaibigan natin?"

Oo, iyon nga. "Wala iyong kinalaman dito," pagsisinungaling ko.

"Bakit pakiramdam ko meron?"

"Tama na, Timothee. Huwag na natin itong pag-usapan," mariin kong sabi.

Tumigil siya. Alam niya iyon. Kapag binanggit ko nang buo ang pangalan niya, nagsisimula na akong magalit.

"Nasaan pala ang motor mo, Timo? Bakit hindi mo yata dala," paglilipat ni Joy ng usapan.

"Nakalimutan kong pakargahan ng gas. Kanina ko lang naalala."

Pag-uwi ko, nadatnan ko si mama na nakaupo sa sala, nakatukod ang braso sa lamesa at sapo ang ulo.

"Ang aga mo ngayon," agaw ko sa pansin niya.

Nag-angat siya ng ulo at tumingin sa akin. "Anak . . . Nandiyaan ka na pala. Kumain ka na ba? Sandali lang at maghahain ako."

"Tapos na akong kumain. Nilibre kami ni Timo."

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon