NAKIPAGKITA sa akin si Timo. Nagkataong parehong bakante ang schedule namin sa first subject dahil hindi pumasok ang mga professor namin sa magkaibang dahilan kaya naman magkasama kami ngayon sa park bench. Kanina pa hindi maituwid ang pagkalukot ng mukha ko habang nakatingin sa kaniya."Natutulog ka pa ba?" pansin ko.
Hindi pa naman matagal simula noong huli kaming nagkita pero kapansin-pansin ang naging pagpayat niya at pangingitim ng ilalim ng mga mata.
"Oo naman, siyempre." Pero ang paghikab niya ang nagsabing kasinungalingan ang sagot niya.
"Bakit nakipagkita ka pa sa akin? Dapat natulog ka na lang."
Pero binale-wala niya ang sinabi ko. Sa halip, binuksan niya ang isang panibagong paksa.
"Alam kong sumasama ka kay Lothaire," aniya. Hindi pa man ako nakasasagot ay ipinagpatuloy niya na ang sinasabi niya. "Ano ang relasiyong meron kayo, Rhealle? Magkaibigan na ba kayo?"
"Ang hula mo ay masiyadong malayo sa katotohanan."
"Kung ganoon ano?"
Nagsalubong ang kilay ko. "Ano ba ang gusto mong sabihin? Bakit hindi mo na lang ako diretsuhin?"
Huminga siya nang malalim at napasabunot sa sariling buhok. "Ang totoo niyan, inaalala ko kung masiyado na ba kayong malapit sa isa't isa . . . dahil pakikiusapan kitang layuan mo na siya."
Hindi nakakaunawa akong napailing. "Ano ba ito, Timo?"
Wala namang kaso ang paglayo kay Lothaire. Hindi naman ako hahatiran ng kirot no'n. Ang kaso nga lang, nilulunod na ako ng kagustuhan kong hindi gaanong lumayo sa kaniya para hanapin ang dahilan kung bakit ginagawa niya ang mga ginagawa niya sa akin.
Tinitigan niya ako sa mga mata, sinusubukang ipadala sa akin sa pamamagitan ng tingin ang gusto niyang iparating.
"Hindi siya ligtas kasama."
Alam ko na meron pa siyang ibang gustong sabihin. Iyon ang nakikita ko. Pero wala na siyang ibang binanggit na kahit ano tungkol sa babaeng pinag-uusapan namin. Nagdesisyon kaming bumalik na sa kaniya-kaniya naming building pero nakasalubong namin iyong siraulong lalaki sa gym—si Herbert, kasama ang babaeng nakita kong nakatitig sa akin sa hagdan.
"Yow," masiglang bati ni Herbert at nginisihan ako pero hindi ko siya pinansin.
Ipinakilala kami ni Timo sa isa't isa. Nalaman ko na Verly pala ang pangalan ng babae at kapatid niya si Herbert. Kung ganoon siya iyong sinasabi ng siraulo na iyon na kapatid niyang kaklase ni Timo.
"Kumusta, Rhealle?" tanong ni Herbert. Pero imbis na sumagot, sinimangutan ko lang siya.
Wala akong pakialam kahit ano pa ang isipin nila. Basta, hindi ko siya gusto. Kung hindi niya lang ako pinansin sa gym, baka may tsansa pa sigurong makipagbatian ako sa kaniya ngayon. Nasa akin pa rin ang tingin ni Verly kaya nakaramdam na ako ng pagkaasiwa. Wala nga si Lothaire siya naman ang pumalit. Ano ba ako, titigan?
"Mauuna na ako, Timo," paalam ko sa kaibigan ko. Hindi ko na siya hinintay na sumagot, basta ay iniwan ko lang sila.
Hindi ko sila kailanman nakita na kasama ni Timo, maliban na lang kay Herbert, pero sa loob lang ng gym, kaya naman hindi ko maisip kung paano sila naging magkakaibigan. At kung may napansin man akong pagkakapareho nilang tatlo, iyon ay ang pangingitim ng ilalim ng mga mata nila.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...