Kabanata 28

31 1 0
                                    


NAGISING ako dahil sa lamig ng hangin na pumasok sa bintanang nakalimutan kong isara kagabi. Nang tanawin ko ang labas, nakita ko ang maninipis na patak ng ulan.

Namaluktot ako at ibinalot sa kumot ang katawan. Nawawalan na ako ng ganang pumasok pero kailangan kong makita at makausap si Joy ngayon. Kahit tinatamad, pinilit ko ang sarili ko na bumangon. Sandali akong naglaan ng oras sa paliligo bago nagbihis at umalis.

Patuloy ang pagpatak ng ambon pero hindi ko iyon inalintana. Suot ang makapal na jacket at bonnet na pinatungan pa ng hood ay sumuong ako para makarating sa university. Inakala kong makikita ko roon si Allennon pero wala. Unang magandang bagay para sa araw na ito.

Bago pa makaapak sa building kung saan nangyayari ang klase ko, nakita ako ni Anne at tinawag. Gusto ko sanang magpanggap na hindi ko siya narinig at magtoluy-tuloy lang sa paglalakad pero mabilis niya akong nalapitan. Tinanggal ko ang earphone sa magkabilang tenga para marinig ang sasabihin niya.

"Napa-check na namin ang chapter one at na-approved na iyon ni ma'am. Magpo-proceed na tayo sa chapter two," nakangiti niyang imporma.

Natutuwa ako sa narinig ko pero tanging, "ah," lang ang lumabas sa bibig ko.

"Mamaya bago tayo umuwi, pag-usapan na natin kung paano natin paghahatian at sisimulan ang chapter two."

"Sige."

Muli siyang ngumiti sa akin bago ako tuluyang iniwan at sumama sa lalaking nakasuot ng lace ng STEM na sa tingin ko ay boyfriend niya. Pagdating ko sa room, wala pa si Joy, na sa tingin ko ulit ay hindi na normal dahil kahit kailan ay hindi ko pa siya nauunahan sa pagpasok.

Nasa kalagitnaan na kami ng discussion ng dumating siya; hukot ang balikat, nangingitim ang ilalim ng mga mata, at may mga galos at pasa sa braso na sinubukan niya pang itago sa manggas ng suot niyang blouse. Humingi siya ng pasensiya gamit ang pagod at namamaos niyang boses.

Tumabi siya sa akin pero para bang hindi niya ako nararamdaman. Ni hindi man lang niya ako nagawang tignan o batiin. Pinaglaruan ko ang ballpen na hawak ko, naghahanap ng tamang tiyempo kung kailan dapat magsalita. Nang tumalikod ang professor namin para magsulat sa board, sinunggaban ko na ang pagkakataong iyon.

"Galit ka ba sa akin?" tanong ko pero hindi siya sumagot. Pakiwari ko tuloy para akong hangin na nararamdaman niya naman pero hindi niya lang binibigyang pansin. "Bago ka umuwi mag-usap tayo."

Hindi kami nagsabay na mag-break. Lumabas siya pero hindi ko alam kung saan nagpunta. Sinubukan ko siyang silipin sa cafeteria pero hindi ko siya nakita. Sumuko na ako at bumalik sa room. Ang akala ko hindi siya papasok sa second subject pero bago magsimula ang klase ay dumating na siya.

Tumutok ako sa harap at pinilit ang sarili na makinig. Tinangka kong ihiwalay ang isip ko sa mga bagay na nanggugulo sa akin pero hindi ako nagtagumpay. Panaka-naka ay sumusulyap ako kay Joy na tulala lang sa harap pero halatang wala sa focus. Nang matapos ang klase, tumayo siya at akmang lalabas na pero mabilis kong nahawakan ang braso niya.

"Mag-uusap tayo," sabi ko. Hindi siya tumingin sa akin pero alam kong narinig niya ako.

"Rhealle, tara, pag-usapan na natin iyong sa chapter two para makauwi na rin tayo agad," ani Anne na kasunod ang iba ko pang kagrupo.

"Hintayin mo ako sa park bench." At pinakawalan siya.

Dahil hindi pa naman dumarating ang mga susunod na gagamit ng room, dito na lang namin napagpasiyahang mag-usap. Hindi pa kami tumatagal ng limang minuto pero nagsisimula na akong mainip. Gusto ko ng umalis. Hindi naman kami dapat kumain nang mahabang oras para lang sa pagdi-distribute ng mga gagawin pero dahil sa mga pasingit nilang biro at tawanan ay inabot na kami ng lagpas sampung minuto.

Nang hindi na ako makatiis, binasag ko ang tawanan nila tungkol sa walang kuwentang joke. "Magtatagal pa ba? May kailangan pa kasi akong gawin. Sabihin niyo na lang kung anong part ang sa akin para makaalis na ako at bahala na kayo sa buhay ninyo kung gusto ninyong magtawanan at magbiruan hanggang bukas."

Nasira ang momentum ng kasiyahan nila pero wala akong pakialam. Kailangan ko ang part ko para makaalis na ako. O kung hindi pa rin nila iyon ibibigay, wala na akong ibang pamimilian kundi ang layasan sila at bahala na kung ime-message nila ako o ako ang kailangang mag-approach kay Anne kinabukasan.

"Ano, isang local literature na lang ang sa iyo. Kailangan ko sana hanggang bago mag-alas dose ng hating-gabi sa Biyernes."

"Okay." Dinampot ko ang bag ko at iniwan sila.

Hindi na ako umaasang madaratnan ko si Joy pero nagbaka-sakali pa rin ako. Lihim akong napangiti ng matanaw ko siyang nakaupo at pasensiyosang binubuno ang oras sa paghihintay sa akin. Binilisan ko ang lakad ko at tumabi sa kaniya.

"Pasensiya na, natagalan ang pagbibigay nila sa akin ng dapat kong gawin," basag ko sa katahimikan na humaharang sa aming dalawa. "Kayo, kumusta ang research ninyo?"

Sa wakas ay tumingin siya sa akin. "Diretsuhin mo na ako. Ano ba ang kailangan mo?"

"Gusto kong malaman kung galit ka sa akin." Hindi siya sumagot. "Hindi mo sinubukang pakinggan ang paliwanag ko kahapon. Hindi ko alam kung kailangan o maiintindihan mo ito pero kinausap ko lang siya dahil sa bagay na may kinalaman kay mama."

"Nami-miss ko na si mama . . . Ang mga magulang at kapatid ko, gusto ko na silang makasama." Mula sa kung saan niyang sabi at nagsimulang pumatak ang luha sa mga mata niya.

"Napaano iyang mga sugat mo?" Hindi mapuknat ang tingin ko sa parte ng braso niyang nangungulay green.

Tumigil siya sa pag-iyak at may galit na tumunghay sa akin. "Kasalanan itong lahat ni Lothaire," mariin niyang sabi. "Ayaw kitang sisihin dahil kaibigan kita pero hindi maikakaila na meron ka ring kinalaman dito. Ikaw at siya . . . Kayo ang dahilan kung bakit nangyayari ito."

Masiyado akong nabigla dahil sa sinabi niya at hindi ko nagawang makakilos agad. Ni hindi ko man lang namalayan na ilang hakbang na pala ang layo niya sa akin. Hinamig ko ang sarili ko at nagpasiyang sundan siya. Sinadiya kong hindi lumapit gaano at panatilihin ang tamang distansiya para hindi niya ako mapansin.

Lumalayo na kami sa university at habang patuloy sa paglalakad ay hindi na ako pamilyar sa mga nakikita at dinadaanan namin. Nagsimula na akong maguluhan. Hindi ito ang direksiyon papunta sa tinutuluyan niya kaya saan siya pupunta? Nagtago ako sa malaki at mataas na puno ng huminto siya at lapitan ni . . . Allennon ?

Hindi gaya ng lagi niyang ipinapakita sa akin, wala ang masiglang ekspresiyon at matamis na ngiti sa mukha niya. Humakbang siya palapit kay Joy at may tinanong na bigo akong marinig nang maayos dahil sa distansiya ko mula sa kanila. Bumuhos ang pagtataka at pagkabigla sa buong sistema ko ng humagulgol at lumuhod si Joy sa harap niya, nagmamakaawa.

Nakaramdam ako ng sobrang pagkahabag para sa kaibigan ko. Pero higit sa lahat, binalot ako ng mga tanong na alam ko naman kung kanino hahanapin ang sagot pero hindi ko sigurado kung paano kukuhain. Bahagiyang umupo si Allennon para mapantayan si Joy. Tumahan ang kaibigan ko sa pag-iyak ng may sabihin ang una.

Gusto kong lumipat ng puwesto sa mas malapit para marinig ko sila. Pero kung gagalaw ako ngayon, tiyak na ibubuko ako ng mga tuyong sanga at dahon na siguradong mag-iingay sa oras na maapakan ko. Wala akong ibang nagawa kundi ang makontento sa panonood sa kanila gaya ng sa silent film.

Mayamaya ay hinawakan ni Allennon ang magkabilang pisngi ni Joy gamit ang isang kamay niya at inilapit ang bibig sa tenga. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanila na para bang nakatutok ako sa isang suspense drama na ayaw kong bitawan kahit isang segundo. Pero ganoon na lang ang pagsisitindigan ng lahat ng mga balahibo ko sa katawan ng may kung sino ang tumakip sa bibig ko mula sa likuran.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon