Kabanata 27

31 1 0
                                    


MUKHANG nagkatotoo ang inirason ko kahapon dahil hanggang ngayon ay masakit pa rin ang ulo ko at nilalamig ang loob ng katawan. Para akong lalagnatin. Tapos na akong uminom ng gamot pero hindi ko pa rin maramdaman ang pagbuti ng pakiramdam. Sa halip, lalo pang bumigat. Ano ito, karma na ba ng pagsisinungaling ko?

Sa ibabaw ng mesa ay nakapatong ang nilutong lugaw ni mama, na lumamig na lang ay hindi ko pa rin nagagalaw. Wala akong ganang kumain. Kanina pa kumukulo ang tiyan ko at ramdam ko na rin ang panginginig ng laman na may kasamang panghihina pero mas pinili ko pa ring tiisin ang gutom. Ayaw ko ng kahit anong klase ng makakain ngayon. Ang tanging gusto ko lang ay matulog.

Tumunog ang cell phone ko pero imbis na sagutin ay binuksan ko ang do not disturb mode saka ibinalot ang sarili sa makapal na kumot. Ilang oras ding ganoon ang posisyon ko hanggang sa maisipan kong bumangon. Muntik pa akong matumba dahil sa pagkahilo, mabuti na lang at agad akong nakahawak sa gilid ng lamesa.

Pagkahapon, mediyo umayos na ang pakiramdam ko kaya nagawa ko ng lumabas ng kuwarto. Naka-Indian seat ako sa sofa habang pinagmamasdan ang bukas na TV na hindi ko naman nasundan ang ipinalalabas.

"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni mama.

"Mediyo nahihilo na lang ako. Pero kaya naman na," sagot ko.

"Huwag ka munang pumasok bukas."

"Papasok ako. Kaya ko na." Tumingin siya sa akin, halatang hindi nagustuhan ang sinabi ko. "Magdadala ako ng gamot." At tinapos ko na roon ang usapan bago niya pa maisipang makipag-argumento.

Kinaumagahan, nagising ako dahil sa alarm na sinadiya kong i-set nang mas maaga. Malamig ang tubig na humalik sa balat ko kaya paglabas ko ng banyo ay gising na gising ang diwa ko. Hindi na rin ako nahihilo kaya sa palagay ko ay kayang-kaya ko na talagang umalis gaya ng sinabi ko kay mama kagabi. Pagdating ko sa school, nadatnan ko si Allennon sa entrance na inaabangan na naman ako.

"Hindi ka ba nagsasawa?" tanong ko.

"Saan?"

"Sa kahihintay sa akin dito."

Maaga akong umalis ng bahay kaya hindi ko inaalalang male-late ako kung makikipagkuwentuhan ako sa kaniya sandali.

Ngumiti siya. "Magsasawa ka ba kung ang importanteng tao para sa iyo ang hinihintay mo?"

"Depende kung gaano katagal."

"Gusto mo ba munang sumama sa akin?"

Sandali akong nag-isip bago nakapagdesisyon na huwag ng pumasok. "Sige."

Dinala niya ako sa nayon nila at kataka-takang tahimik ang lugar, halatang walang ibang narito bukod sa aming dalawa. Sinipat ko ang paligid, inaalam kung tama ang iniisip ko hanggang sa hindi na ako nakatiis at malakas na itinanong iyon sa kaniya.

"Nasaan ang mga tao rito?"

"Hindi pa sila nakakabalik mula sa paghahanap ng mga pagkain."

Naningkit ang mga mata ko. "Kailan pa sila umalis?"

"Kagabi," matamis ang ngiti niyang tugon.

Umihip ang hangin na sinala ng mga dahon bago dumampi sa balat ko na nakapagpatayo sa mga balahibo ko. Magpapaalam na sana akong aalis ng hawakan niya ang kamay ko at igiya ako papasok sa bahay-kubong tinutuluyan niya. Masiyadong maliit ang espasiyo sa loob, isa hanggang dalawang tao lang ang kayang i-accomodate. Sa kahoy na lamesa ay nakapatong ang isang plato na may lamang sa tingin ko ay adobo pero hindi ko matukoy kung manok o baboy.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon