MAGKATABI kami ni Joy na nakaupo sa park bench. Break time namin ngayon pero imbis na makipagsisiksikan sa crowded na cafeteria, nagdesisyon kaming bumili na lang ng pagkain sa labas at dito iyon pagsaluhan."Nami-miss ko na ang mga magulang at kapatid ko. Gusto ko na silang makasama," tipid ang ngiting sabi ni Joy.
"Bisitahin mo sila," sagot ko. Ano pa ba ang puwede niyang gawin? Edi puntahan sila!
"Iyon nga ang gagawin ko. Bukas, aalis ako."
Napatingin ako sa kaniya. "Hindi ko inaasahan na ganiyan ka kabilis makakapagdesisyon."
"Well, matagal ko na itong pinagpaplanuhan. Ngayon ko lang naisip na gawin dahil hindi ko na talaga matiis."
Sinubukan kong pagaanin ang mabigat na atmosphere sa paligid niya. Hindi ako magaling sa ganoong bagay pero binigay ko kung ano ang kaya ko.
"Tiniis mo? Hindi ko akalain na marunong ka no'n."
Ngumuso siya at marahan akong itinulak. "Matiisin kaya ako! May mga masasakit na bagay na kaya kong tiisin . . . Kahit pa parang pinapatay na no'n ang loob ko."
Hindi ko maiwasang makaramdam ng awa para sa kaniya. Hindi ko kailanman inisip na meron din siyang ganiyang side. Apologetic akong ngumiti at nagsalita, sinusubukang bumawi, "Siyempre naman."
Nang matanaw ko si Lothaire na papasok sa building, nagpaalam ako kay Joy at nagmamadaling umalis. Hawak ko sa isang kamay ko ang jacket at sa kabila naman ay ang bote ng mineral water na binili ko kanina. Salubong ang kilay niya akong hinarap ng mapansin ang ginagawa kong pagsunod sa kaniya.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" wika niya.
"Ano ba sa tingin mo?" panggagaya ko sa paraan niya kung paano sumagot.
"Hangal kang talaga." Dama ko ang diin sa bawat letrang binigkas niya.
Hindi ko alam kung ano ang rason kung bakit ko siya naisipang sundan. Siguro dahil gusto ko siyang inisin ng sa gayon ay makabawi naman ako sa patong-patong na sama ng loob na ibinigay niya sa akin.
"Hindi mo gustong ginagawa sa iyo pero ginagawa mo sa iba? Ang astig mo naman."
Tinitigan niya ako sa paraang para bang binabasa niya ang iniisip ko sa pamamagitan ng mga mata. "Sa tingin mo talaga sinusundan kita?"
Tumirik ang mga mata ko. "Sino pa ba? Huli ka na, huwag mo ng itanggi."
Disgruntled niyang ipinikit nang mariin ang mga mata niya at hinawakan ang buto sa ilong. "Kung hindi ka talaga titigil, wala na akong ibang pagpipilian. Pero ngayon pa lang sinasabi ko na sa iyo . . . Siguradong pagsisisihan mo ito nang husto," aniya at iniwan ako.
Sa klase, pansin ko ang pagiging tensiyonado ni Joy. Hindi siya mapakali sa upuan niya na akala mo ay kinakagat ng langgam ang puwetan at panay ang mahinang pagsampal sa sarili. Nang hindi na ako makatiis, naaalibadbaran ko siyang tinanong, "Ano ba ang problema mo riyan?"
Mukhang nabigla pa siyang nasa tabi niya pala ako. "Kinakabahan lang ako . . . I-inaalala ko kasi ang mga lessons at activities na mami-miss ko kung isang linggo akong hindi papasok."
Nakakapanibago. Matagal na kaming magkaklase pero kahit kailan ay hindi pa lumabas sa bibig niya ang sinabi niya. Ngayon ko lang siya narinig na ganiyan. Parang ayaw ko tuloy maniwala.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...