Kabanata 35

44 3 0
                                    


UMIIKOT at nanlalabo ang paningin ko ng magising ako. Ramdam ko pa rin ang sakit ng ulo at pagkahilo pero sinikap kong imulat nang maayos ang mga mata ko para sipatin ang paligid. Nasa likod ang mga kamay ko at mahigpit na nakagapos. Masiyado iyong mahigpit na pakiramdam ko ay hinihiwa na no'n ang balat ko at tumatagos sa laman. Nakakapanghina ang sakit.

"Mama!" malakas kong sigaw ng makita ko siya sa tapat, duguan ang ulo at wala pa ring malay.

Nagsimulang umagos ang mga luha ko ng lapitan ako ni Joy na walang gapos at kahit kaunting galos. Para akong sinaksak ng isang libong karayom ng mapagtanto kong pinagtaksilan niya nga ako. Inilapag niya ang isang plato ng pagkain sa harap ko.

"Kumain ka na, gabi na," sabi niya pero hindi ko siya pinakinggan.

"Bakit, Joy?"

Nag-iwas siya ng tingin saka paulit-ulit na humingi ng tawad. "H-hawak nila ang pamilya ko . . . Kapag hindi ko ako sumunod, siguradong sasaktan sila ni Allennon . . . ." Hindi agad naproseso ng utak ko ang sinabi niya.

"Noong araw na biglang nawala ang pamilya ko, hindi talaga kami nagpunta sa Ilocos. Gawa-gawa ko lang ang dahilang iyon para pagtakpan ang totoo dahil kung sasabihin ko sa inyo siguradong papatayin sila. Hinayaan akong makabalik ni Allennon para maging mata niya sa iyo . . . Para maging tagabalita ng lahat ng tungkol sa iyo . . .

"Noong una, hindi ko alam ang tungkol kay Lothaire. Pero no'ng nagsisimula na kayong maging malapit sa isa't isa, doon ko na natuklasan . . . Doon na sinabi sa akin . . . Pinakiusapan kitang layuan siya dahil ipinangako ni Allennon na kung magagawa ko iyon, hindi ka na niya sasaktan at ang pamilya ko."

"Pero nagsisinungaling siya," sagot ko.

"Hindi ko iyon nakita hanggang sa patayin niya si Mr Domagso."

Natigil ako sa pag-iyak at nanlalaki ang matang tumitig sa kaniya.

"Sinabi ko sa kaniya ang naging pagtatalo sa pagitan ni Mr Domagso at ni Lothaire . . . Nagpasama siya sa akin sa papunta sa bahay ni Sir dahil gusto niya lang daw kausapin . . . Pero noong pinapasok na kami, pinatay niya si Sir!"

Nagsimula siyang umiyak nang malakas.

"Masiyado iyong mabilis! Hindi ko matanggap, Rhealle! Ako ang may kasalanan at gabi-gabi akong hindi pinapatulog ng pangyayaring iyon! Binabangungot ako! Ang lahat ng ito ay isang bangungot! Bakit kailangan kong maranasan ang lahat ng ito?"

Mas nangibabaw ang pagkahabag na nararamdaman ko para sa kaniya kaysa galit. Wala sa sarili siyang nakatitig sa sahig, nanlalaki ang mga matang puno ng takot habang patuloy sa pagbagsak ang mga luha. Nabaling ang atensiyon ko sa hagdan ng makarinig nang palakpak mula roon—si Allennon.

Lumapit ang dalawa niyang kasama kay mama at marahas na hinila ang buhok niya dahilan para magising siya at mapahiyaw sa sakit.

"Huwag mo ng idamay ang mama ko rito!" sigaw ko. Tinangka kong sugurin siya pero nasikmuraan ako ng isang babaeng kasama nila.

"Ang lahat ng malapit sa iyo na pinahahalagahan niya ay damay rito," mariin niyang sagot.

Pinasilay niya ang matamis na ngiti saka hinarap si mama na hindi makapaniwala sa nakikita at naririnig niya.

Lumapit si Allennon sa kaniya saka magiliw na nagsalita, "Nagustuhan mo ba ang sorpresa ko, Sonia? Ang tagal ko rin itong pinaghandaan."

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon