NAKATAYO ako sa harap ng salamin at nakatitig sa repleksiyon ko. Inangat ko ang kamay ko, dahan-dahan at hinawakan iyon. Nagsimula akong mahulog sa isang trance at umusbong ang mga tanong ng pagdududa tungkol sa sarili kong katauhan. Nilulunod ako ng mga iyon, tinatangay palayo sa reyalidad.Sino ba talaga ako? Ano ang ginagawa ko rito? Habang nakatingin sa sarili kong mga mata, pakiramdam ko hindi ako ang talagang kaharap ko. Bumalik ako sa sarili ko nang biglang mag-ring ang cell phone ko—tawag galing kay Joy.
"Nasa klase ka na ngayon?" tanong niya mula sa kabilang linya.
"Katatapos lang ng unang klase," sagot ko.
Sandali siyang hindi umimik. "Ano . . . Kung puwede sana, huwag kang . . ."
Hindi niya maituloy ang sinasabi niya kaya ako na ang gumawa no'n. "Oo, huwag kang kang mag-alala, ise-send ko sa iyo ang kopya ng lesson hanggang sa makauwi ka."
"Salamat."
Research One ang subject namin. Ibig sabihin, kaklase ko ngayon si Lothaire. Maisip ko pa lang ang pangalan niya nanginginig na ako sa inis, lalo na siguro kapag nakita ko siya. Pero hindi ako puwedeng magpatalo sa emosiyon ko. Napaka-pathetic no'n. Paulit-ulit akong nagpakawala ng mabibigat na paghinga at kinompose ang sarili.
Dumiretso ako sa upuan ko at doon tahimik na naghintay, sinusubukang ilayo ang atensiyon sa lahat. Ngunit ganoon na lang ang pagkasira ng mukha ko ng tumabi sa akin si Lothaire na bale-wala lang akong tinignan.
"Umalis ka rito, hindi mo puwesto iyan," mariin kong saad.
"At nasaan ang nakapuwesto rito?" tanong niya, mukhang walang balak na sundin ako.
"Wala ka ng pakialam doon."
"Ang upuang ito ay hindi mo pagmamay-ari. O ng kahit sino sa loob ng kuwarto na ito. Kahit iyong kaibigan mo. Uupo ako rito kung gusto ko. At wala kang magagawa roon."
Umangat ang isang pisngi ko, hindi makapaniwala sa narinig. Masiyado siyang mayamabang at mapagmataas. Gusto ko pang makipagtalo sa kaniya, ipilit na dapat siyang umalis sa tabi ko pero dumating na si Sir Domagso na pinatahimik kaming lahat para masimulan na ang discussion.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang groupings na bubuohin pagkatapos niyang maipaliwanag ang lahat ng kailangan naming malaman. Parehong sa letter A nagsisimula ang apelyido namin ni Lothaire. Sana hindi niya maisipang alphabetically ang gamitin.
Patay ang sindi ng ilaw at tanging ang gumaganang projector lang ang nagbibigay ng liwanag sa paligid. Alam ko na dapat akong mag-focus sa pakikinig pero ang presensiya ni Lothaire sa tabi ko ay hinahadlangan akong gawin iyon. Nakahalukipkip ako at halos makipag-isa na sa pader huwag lang masiyadong mapalapit sa kaniya. Baka bigla ko siyang sapakin lalo na at walang nakakakita sa amin.
Hindi ako lumilingon, nanatiling nakatutok ang mukha ko sa harap. Ni sa peripheral vision ayaw ko siyang makita. Awtomatikong lumingon ako paharap sa kaniya ng umisod siya palapit sa akin. Pinandilatan ko siya, pinagbabantaan na huwag niya ng subukan pero hindi siya nagpatinag. Ang mga mata niya ay nakatingin sa lesson na naka-flash sa board pero kinakausap niya ako. Wala akong balak na pansinin siya pero nabigo akong gawin iyon ng banggitin niya ang isang tanong na nakapagpalamig sa buong katawan ko.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...