Kabanata 1

612 19 1
                                    


MARAHANG tinatangay ng mabining hangin ang ilang hibla ng kulot kong buhok na hinayaan kong nakalugay at nakaladlad habang nakahiga ako sa upuang nasa ilalim ng isang mataas at matayog na puno. Sa uluhan ko ay nakapuwesto ang aking backpack na isang binder at ballpen lang ang laman para magsilbi kong unan.

Nakapikit kong dinadama ang malamig at nangheheleng boses ni Nat King Cole sa suot kong earphone, na kabibili ko lang noong nakaraang araw dahil hindi na naman tumutunog ang kanang piece ng huli kong binili bago ito. At nakakainis iyon! Hindi naman ako mayaman para maglabas ng isang daan kada masisiraan ako. Pero dahil hindi ko kayang ma-survive ang isang araw na walang music, napipilitan ako.

Inis kong naidilat ang mga mata ko ng mawala ang pinakikinggan ko. Tinignan ko ang cell phone kong nakapatong lang sa dibdib ko at nakitang lowbatt na iyon. Bumangon ako at nakasimangot iyong ipinasok sa loob ng bag kasama ng earphone saka pinag-aralan ang langit. Dumidilim na ang pagkakaasul nito, tinatalo ng nangingitim na mga ulap. Sandali kong tinantiya kung gaano pa katagal ang aabutin bago umulan bago ako nagdesisyong umalis na.

Palabas pa lang ako ng gate ng matanaw ko si Joy na may kausap. Hindi ko alam kung sino at hindi ko rin makita ang mukha dahil nakatalikod mula sa akin. Pero wala akong pakialam. Hindi naman ako interisadong malaman kung sino siya o ano ang pinag-uusapan nila. Tuloy-tuloy lang ang lakad ko hanggang sa maramdaman kong may kung sino ang lumingkis sa braso ko.

"Kanina ka pa ba lumabas? Sorry nauna ako. May kinailangan kasi akong kausapin," ani Joy.

"Hindi ko naman hinihingi ang paliwanag mo," sagot ko.

Magpapaalam na sana ako ng mapansin kong nangangatal ang mga kamay niya. Naniningkit ang mga mata kong tumingin sa kaniya. Hindi ako nagsalita ng kahit ano pero nagsimula na naman siyang magpaliwanag.

"Nag-aalala ako sa pamilya ko. Ilang araw ko na kasi silang hindi nakakausap e. Nami-miss ko na sila," pagkukuwento niya.

Ang pamilya niya pala. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakarinig ng kahit anong balita tungkol sa kanila.

"Bakit bigla kayong nawala? Hanggang ngayon iniisip pa rin namin kung saan kayo nagpunta dahil wala ka namang binabanggit sa amin."

Simula noong bumalik siyang hindi kasama ang magulang at mga kapatid niya, wala siyang ikinuwento sa amin na kahit ano. Wala kaming ideya kung saan sila nagpunta pero hindi na ako masiyadong nag-usisa dahil hindi ko naman ugali iyon.

"Ano . . . nagpunta kami sa Ilocos. Hindi na ako nakapagsabi sa inyo noon dahil biglaan. Ni hindi nga namin pinlano iyon e." Hindi na ako sumagot. "Sige, mauuna na ako. Uwi ka na rin, mukhang bubuhos na ang ulan."

Tama siya. At iyon ang pinakauna sa ayaw kong mangyari ngayon dahil wala akong dalang payong. O kahit may dala man ako, ayaw ko pa rin na umulan dahil hindi ko gustong naglalakad sa basa at maputik na kalsada. Isa iyong napakalaking hassle sa akin lalo na kung mababasa at marurumihan ang suot kong sapatos.

Naging masuwerte ako kahit papaano dahil saka lang bumuhos ang ulan pagkapasok na pagkapasok ko sa loob ng bahay namin. Dumiretso ako sa kuwarto ko at inilapag ang bag sa tabi ng kama at naghubad ng sapin sa paa. Hindi na ako nag-abalang lumabas ulit maliban na lang no'ng kumain ako dahil wala namang ibang tao rito bukod sa akin. Wala na si papa, wala akong kapatid, at nasa trabaho si mama.

Dinampot ko ang libro na nakapatong sa study table. Napagtanto ko kung gaano ako naging tamad ng maalala ko na dalawang buwan na pala ang nakalipas simula noong huli ko itong buklatin. Babawi ako. Hindi ako nahirapang hanapin ang pahina kung saan ako nahinto dahil sa resibo na galing sa grocery store na ginawa kong bookmark.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon