BUMALIK ako kay mama na dala ang mga sinabi ni Lothaire. Mabigat iyon sa ulo at pakiramdam. Lalo na ang parteng binanggit niya tungkol kay Joy at sa pagtutulak nito sa akin patungo sa kapahamakan. Ano naman ang motibo niya para gawin iyon?"Bakit ang tagal mo? Ang akala ko umuwi ka na," agaw ni mama sa pansin ko.
"N-naaliw ako sa mga parada. Natagalan ako sa panonood sa kanila." Pinilit ko ang sarili ko na ngumiti para kahit papaano ay malakipan ang ginawa kong pagsisinungaling.
Hindi ko ugaling pagsinungalingan si mama pero pamisan-minsan ay ginagawa ko lalo na kung iyon ang kailangan. Higit na mas madali ang umisip ng palusot kaysa ipaliwanag ang mga bagay na hindi kapani-paniwala.
Naglakad-lakad kami at nagpakuha ng mga litrato. Panay ang pagtawa niya at hindi nabubura ang ngiti kaya kahit sa sandaling oras ay nagawa kong ihiwalay ang isip ko sa ibang mga bagay at mag-focus sa kaniya. Kung sana lang ay ganito kagaan lagi ang atmospera. Kung sana lang ay ganito kasaya ang lahat. Pero walang permanente. Mayamaya lang, siguradong matatapos na ito at huhubarin na ng karamihan ang maskara ng kasiyahan na panandalian nilang isinuot.
Pareho kaming pagod ni Mama pagdating sa bahay. Gayunman, hindi pa rin nawawala ang bakas ng tuwa sa kaniya habang sige ang salita tungkol sa kung gaano niya na-enjoy ang pagdiriwang na ito.
"Gusto mo pa bang kumain? Nabusog ako sa labas," aniya.
"Hindi na. Busog na rin ako," sagot ko.
Pagpasok ko sa kuwarto, saktong tumunog ang cell phone ko. Nang tignan ko kung sino ang nagpadala ng mensahe, nabasa ko ang pangalan ni Timo. Pasensiya na hindi ako nakasama sa iyo na ipagdiwang ang Agal-Agal. Masiyado lang kaming naging abala.
Nag-type ako ng tugon. Ayos lang. Si Joy, may balita na ba kung nasaan siya?
Wala pang isang minuto ay nakatanggap ako ng reply. Hindi pa rin. Ang totoo niyan, nahihirapan kami. Hindi namin alam kung saan sila puwedeng matagpuan. Walang kahit anong bakas na makapagturo kung nasaan sila ngayon.
Hinayaan ko ng doon maputol ang usapan. Naupo ako sa higaan ko at malalim na nag-isip. Nang sumunod na araw, nagpunta kami sa bahay ni Karla para simulan na ang pagta-tally. Masiyado silang nagmamadali na matapos at lalo ko iyong hindi nagugustuhan ngayon dahil nangingitim na ang ulap at panaka-nakang kumukulog. Ibig sabihin, kakailanganin kong maglakad sa basang daan.
Eksakong pagdating ko sa lugar na napag-usapang pagkikitaan ay biglang bumuhos ang ulan. Nagsimula akong mayamot at buong oras ng pagpunta sa bahay nina Karla ay nakasimangot ako.
"Ano ang problema, Rhealle?" tanong ni Anne.
"'Yung panahon," sagot ko.
"Ah, oo nga e. Wet season kasi ngayon."
Pinabayaan ko ng nakabitin sa ere ang mga salitang iyon. Pagkarating sa bahay na pagagawaan namin, sinalubong kami ng nanay niya at iginiya papunta sa kusina nang sa gayon ay makapagtanghalian muna. Kumibot ang isang mata ko ng makita ang tocino, longganisa at salami na nakahain.
Biglang pumasok sa isip ko ang mga sinabi sa akin ni mama tungkol sa pabrika nila Lothaire. Paano kung . . . Napaungol ako sa isip ko. Bakit hindi ko iyon naitanong sa kaniya? Dahil nakakahiya naman sa nanay ni Karla na halatang nag-abala pa na paghandaan kami ng makakain, ipinilit ko sa sarili ko ang ideyang kumain pagkatapos kong humingi ng kalamansi.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...